nina Shaina Ariane Masangkay at John Gherald Naverra
Humarap sa taong-bayan ang mga tumatakbo sa pagka-gobernador ng Laguna upang madinig ang kani-kanilang mga plataporma at programa para sa iba’t ibang isyung lokal sa Laguna. (Larawan mula sa UPLB College of Engineering and Agro-Industrial Technology)
Inilatag ng ilang kandidato sa pagka-gobernador ng Laguna ang kanilang mga programa ukol sa pagbabalik-eskwela ng mga estudyante at guro, gayundin ang kanilang mga plano upang pagtibayin ang sektor ng edukasyon sa lalawigan sa nakaraang UPLB Halalan Leadership Forum noong ika-27 ng Abril.
Tatlong gubernatorial candidates ang nagpaunlak sa imbitasyon ngunit iisa lamang ang dumalo sa ginanap na Lider ng Bayan: A Gubernatorial Candidates Leadership Forum. Sa tatlong kandidatong inimbitahan si Sol Aragones (Nacionalista party) lamang ang nakapunta sa mismong araw ng forum samantalang sina Berlene Alberto (Independent) at ang incumbent governor na si Ramil Hernandez (Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan), ay hindi nakadalo dulot ng problemang teknikal at salungat na iskedyul.
Sa nasabing forum, tinalakay ang iba’tibang isyu at problemang kinakaharap ng Laguna tulad ng e-sabong, childcare, isyu sa sektor ng agrikultura at kalikasan.
Bukod dito, binigyan ng pagkakataon ang mga nanonood sa Facebook live at Zoom na tanungin ang kandidato kung saan nabuksan ang usapan tungkol sa unti-unting pagbabalik-eskwela ng mga paaralan sa iba’t ibang parte ng Laguna.
Ayon kay Aragones, importanteng handa ang mga eskwelahan sa new normal ng edukasyon kung kaya’t mahalagang magdagdag ng pondo o magkaroon ng fund augmentation para masigurong may sapat na proteksyon ang mga estudyante.
Plano din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga bakuna o booster sa mismong paaralan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa well-being at mental health ng mga estudyante. “At the end of the day ang mahalaga dito ay buhay ng mga estudyante pero hindi lamang mga materyales , infrastructures ang mahalaga dito, importante ang well-being nila at mental health,” ani Aragones.
Bukod dito, plano rin ng kandidato na ituloy ang programang scholarship para sa mga estudyante sa lalawigan. Dagdag pa niya dapat pag-aralan ang programa kung saan di lamang mga estudyanteng may mataas na marka ang mabibigyan kundi maging ibang estudyante na hindi ganoon kataas ang nakukuhang marka sa paaralan.
“Nararamdaman ko kasi na may mga tao, may mga bata na hindi mataas ang marka pero nawawalan na ng pagkakataong mabigyan ng scholarship dahil hindi nakapasa sa requirements. Isang bagay iyan na dapat pag-aralan na kahit hindi mataas ang marka baka dapat lalo nating tulungan,” ani Aragones.
Nang tanungin naman ukol sa kalagayan at plano para sa public at private school teachers, inilahad ni Aragones ang planong palawakin ang local subsidies sa sangkaguruan sa lalawigan.
“Importante na ang budget na gagawin natin sa Laguna ay balansado ibig sabihin lahat ng sektor makikinabang walang aangat, walang maiiwan kundi lahat ay matutulungan,” dagdag niya.
Sa kabilang banda, ayon sa komite ng UPLB Halalan 2022, ipapadala ang mga tanong sa forum sa dalawa pang kandidatong hindi nakadalo upang makuha rin ang kanilang mga kasagutan at madinig ito ng mga Lagunense.
Maaring mapanood muli ang forum sa University of the Philippines Los banos Facebook Page.