Ulat nina Yngrid Denielle Comiling at Jullia Therese Minas
Ilang araw na lamang ang natitira bago ang Halalan 2022 pero marami pa rin ang mga inisyatibong naglalayong maglahad ng impormasyon ukol sa pagiging kritikal at matalinong botante sa darating na eleksyon.
Isa na rito ang Sinileksyon Exhibit na inilunsad noong Abril 25, Lunes, sa dakong 4:30 PM sa Sining Makiling Gallery ng DL Umali Hall, University of the Philippines Los Banos. Ang pamagat ay galing sa mga salitang “Sining, Eleksyon, at Leksyon” na naging kabuuang tema ng art exhibit na inilunsad ng Department of Humanities sa pakikipagtulungan ng UPLB sa Halalan 2022 at ng Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA).
Itinampok dito ang mga obra nina Rudolph Barredo, Marc Cosico, Gwen Nina Garibay, Rina Lee Garibay, Gerardo Leonardo, Lester Santos Rivera, Juanito Torres, at Jualim Vela na masisilayan hanggang sa Mayo 13, Biyernes. Maaaring bumisita rito mula Lunes hanggang Biyernes mula ika-8 ng umaga hanggang ika-6 ng gabi.
Ayon kay Prof. Linus Van O. Plata, ang coordinator ng eksibit at isang senior lecturer sa Department of Humanities UPLB, isinagawa ang kaganapan na ito para sa publiko “para [maging] mas matalino at mas malalim ang pag-uusap tungkol sa eleksyon.”
Nakasaad din sa kanilang primer na ang paggamit ng visual narrative ay kinakailangan sa panahon ngayon upang mapagnilayan natin ang nakaraan na nagbunga ng magkakasalungat na opinyon at talamak na maling impormasyon sa kasalukuyan.
Sining, Eleksyon, Leksyon
“I think ‘yung tatlong words na yun, tell us a lot about what we want to achieve here. Ang gusto talaga natin, mapukaw yung isip natin sa bawat pagtingin sa mga obrang naririto sa ating harapan, at paglabas natin, ay makipag-kwentuhan tayo at makipag-usap sa mga tao.”
Ito ang pahayag ni Prof. Mark Lester M. Chico, ang Director ng Office of Public Relations sa UPLB at propesor sa College of Development Communication, nang ibinahagi niya mga layuning gustong makamit ng eksibit.
Binigyang pansin naman ni Prof. Jerry Yapo, ang Director ng Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA), ang kahalagahan ng Filipino artists sa kasalukuyan. Ayon sa kanya, “[The artworks] are actually a chronicle of the times where artists are supposed to be storytellers of their time so this is… this was storytelling. Things that we cannot say in words, we say – we speak visually.”
(“Ang sining ay maituturing na pagtatala ng mga salaysay ng panahon kung saan ang mga artists ang nagsisilbing tagapagpahayag ng mga kasalukuyang karanasan, kaya ito ay masasabing pagkukwento ng ating nararanasan ngayon. Ang mga bagay na hindi natin masabi gamit ang mga salita, nailalahad natin sa paraang biswal.”)
Kagunay nito, ayon kay Assistant to the Vice Chancellor for Community Affairs Dr. Benevieve D. Villanueva, ang mga obra sa gallery ay hindi kayang sabihin sa salita dahil hindi kayang sakupin ng kakaunting salita ang mga damdamin na ipinapakita sa sining.
Binigyang linaw rin ni Prof. Yapo na ang Sinileksyon ay isang socially-relevant na proyekto dahil sa paggamit ng Social Realism Art. Ito ay isang klase ng sining kung saan sinusuri ang socio-political structure ng working class. Dagdag pa niya, “Social realists works are not meant to beautify certain things, but they are meant to afflict the comfortable; comfort the afflicted.”
(“Hindi layunin ng Social Realist Art na pagandahin ang mga bagay-bagay, bagkus layunin nitong magdulot ng kaguluhan sa maginhawa at bigyan ng alwan ang nagdurusa.”)
Paglikha, Paghulma, Pagmulat
Ipinakita ng mga nakadalong batikang Filipino artists, kung saan karamihan ay nagmula sa Philippine High School for the Arts at UP Diliman Fine Arts, na ang sining ay hindi lamang tungkol sa techniques at skill sapagkat ang mas malalim na pagtingin dito ay dulot ng ating mga karanasan.
Gerry Leonardo: Saranggola ng Pag-asa
Ang Saranggola ng Pag-asa na ginawa ni Ginoong Leonardo ay naka-base sa mga mitolohiyang nilalang na tinatawag na Birdman at Dogman, kung saan ang Birdman ay nakakapagbigay ng grasya at ang dogman ay nagsisilbing upuan upang matanggap ang pagpapala ni Birdman. Naibahagi rin niya na, sa pagsasaayos ng obra, natutunan niyang pakawalan ang pagkakakilanlan nya bilang Hapon at nangibabaw ang kanyang pagka-Pilipino.
Jualim D. Vela: Iisang Bangka Tayo & Pira-piraso
Ang mga likha ni Ginoong Vela ay pinamamagatang Iisang Bangka Tayo at Pira-piraso.
Baroto o bangka ang naging inspirasyon niya sa unang obra dahil siya ay nanggaling sa rehiyon ng Bicol. Ang kanyang konsepto ng pagtutulungan ng isang bansa ay nailahad sa isang sasakyang pandagat dahil ang taumbayan ang taga-sagwan at ang lider ang siyang nangunguna at kumokontrol ng paglayag ng bangka. Bukod pa rito, naging basehan din niya ang ating kasaysayan kung saan, noong naitatag ang ating bansa, sinasabing ang ating mga ninuno ay sakay ng balangay.
Para naman sa pangalawang likha, ani Ginoong Vela, “Ito naman ‘yung reflection ko for the past 5 to 6 years — pira-piraso, kasi ang bansa natin ay nagiging polarized na. So ang challenge sa bagong lider o mga liders na iboboto ay kung paano papagtagpitagpiin ang mga polarized na ideas, beliefs sa mga tao gawa ng past 5 to 6 years.”
Rudolph Barredo: Tubig Lang ang Pahinga
Ang likha naman ni Ginoong Barredo, na tinawag na Tubig Lang ang Pahinga, ay sumisimbolo sa sipag at tiyaga ng mahahalal na lider. Ang kanyang paghambing sa hihiranging presidente at sa kalabaw ay nangangahulugang siya ay kabilang sa working class kung saan ang kanyang tronong kahoy ay nagsisilbing pahingahan lamang at hindi itinuturing na “seat of power“.
Ang pinuno na kanyang inilalarawan ay hindi abusado sa kapangyarihan sa kadahilanang pinapahalagahan nito ang buhay. Ito ay kanyang isinalarawan sa pagpapakita ng pagiingat ng pinuno sa babasaging jar of life.
Ang mga ibon naman ay kumatawan sa mga mamamayang galing sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ito ay mga ibong umaasa sa maayos na pamamahala sa susunod na gobyerno.
Marc Cosico: Meal of Eight & Judgement Day
Gaya ni Ginoong Vela, dalawang obra rin ang iprinesenta ni Ginoong Cosico sa eksibit na pinamagatang Meal of Eight at Judgement Day.
Ang unang obra ay nilikha noon pang 2011 kung saan nakamit ni Manny Pacquiao ang kanyang 8 weight division habang siya ay isang kongresista. Ipinakita dito ang galing ni Pacman sa larangan ng sports, ngunit hindi ibig sabihin ay pinapaboran nito ang kanyang kakayahan sa politika. Nangibabaw sa larawan ang pagpapakita na karapat–dapat siyang hirangin bilang “Pambansang Kamao ng Pilipinas” na maituturing na iba sa paglilingkod sa bayan.
Ang Judgement Day naman ay tungkol sa kaguluhang dulot ng pagpili sa kaaya-ayang kandidatong uupo sa loob ng anim na taon. Taliwas ito sa unang plano ni Ginoong Cosico na ipakita na may kapayapaan sa panahon ng pangangampanya. Naiba ang kinalabasan ng kanyang likha nang i-plaster niya ang mga tumatakbong presidente, bise presidente, at senador sa kanyang canvas.
“Kasi yung image ng malacañang — it’s their goal. Everybody wants to go there. Pero isa lang talaga ‘yung mapipili. So we just want to hope for the best and everyone should be part of the judgment,” wika ni Ginoong Cosico.
Ipinakita rin niya ang nakatagilid na logo ng presidente na sumisimbolo sa pagkabalisa ng taumbayan ngayong papalapit na ang Mayo 9. Ang larawan naman ni Lady Justice ay ang pinakahuli niyang nailagay sa obra bilang representasyon ng katarungang maituturing ding aspeto ng pag-asa sa kanyang obra.
Sa pagbisita sa eksibit, makikita rin dito ang Rise from the Ashes ni Juanito Torres, Sitting Pretty ni Nina Garibay, at Pinuno ni Rina Garibay.
Ika ni Ginoong Chico, “Hindi sapat ang mga webinar kaya binuo ang ganitong holistic approach na public service initiative para mamulat ang mga tao sa mga bagay-bagay na dapat bigyang pansin bilang mga mamamayan.”
Para sa kaakibat pa na event, mapapanood ang SINILEKSYON Cultural Night sa UPLB Official Facebook Page mamayang ika-pito ng gabi. Tampok dito sina National Artist for Literature Virgilio S. Almario, Jose Dalisay, Layeta Bucoy, Emmanuel Dumlao, Dennis Aguinaldo, at iba pang mga indibidwal at grupo na mananawagan para sa matalinong pagpili ng mga susunod na lider ng bansa.
Patunay ang ganitong mga inisyatibo na maaaring ipakita sa malikhaing pamamaraan ang uri ng eleksyong mayroon ang Pilipinas. Sa representasyong biswal, nailalantad din sa taumbayan ang mga impormasyon na may kritikal na papel sa ating kinabukasan. Maaari itong makapagpabagabag ng damdamin dahil sa mga naiturong leksyon ng nakaraan, at maaari din itong magdulot ng pag-asa tungo sa isang tapat na pamamahala, depende na lamang sa makikita ng madla.