Ulat nina Gerald Pesigan at Mia Agulto
(Ang lathalang ito ay pang-una sa limang parteng serye ng Kwentong F2F na nagbibigay-konteksto sa kalagayan ng mga estudyante, guro, mga magulang, at paaralan ngayong pagbabalik-eskwela)
Sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa Laguna matapos ang dalawang taong pagsasara dahil sa pandemya, hindi maipagkakaila na iba’t iba ang karanasan ng mga guro ukol dito.
Ikinuwento nina Bb. May Ann Bienes, LPT, guro sa Colegio de Los Baños at Gng. Donnabel Pablo, LPT, guro sa Cabuyao Integrated National High School ang kanilang mga naging karanasan at mga hamong kinakaharap sa kanilang pagbabalik sa pisikal na pagtuturo sa mga estudyante.
Pribado at Pampublikong Paaralan
“Mabusisi”, ganito inilarawan nina Bb. Bienes at Gng. Pablo ang prosesong pinagdaanan ng kanilang mga paaralang pinagtatrabahuhan bilang paghahanda sa limitadong pisikal na klase. Nang ibaba ng Inter-Agency Task Force o IATF sa Alert Level 1 ang lalawigan ng Laguna, inasikaso na ng mga pribado at pampublikong paaralan sa lalawigan ang kanilang muling pagbubukas.
Isang paghahanda na inilunsad ng Colegio de Los Baños (CDLB) ay ang pagbubukas ng mga bintana ng silid-aralan para sa malayang daloy ng hangin at pagdaragdag ng mga electric fans. “Since bawal din po ito [air-conditioned rooms], ipinagbawal ng DepEd dahil kulong, hindi masyadong iikot ang hangin sa loob at mataas ang posibilidad na magkahawaan talaga ng Covid… may mga rooms dito na pinabukas pa yung mga bintana, pinaayos pa yung mga bintana, pinadagdagan pa talaga yung mga electric fans kasi iniisip din natin yung pakiramdam ng mga bata kapag nasa loob na sila ng klase”, pahayag ni Bb. Bienes.
Bukod pa rito ay sinigurado ng pamunuan ng CDLB na ang mga estudyanteng kanilang inimbitahan upang makilahok sa limitadong pisikal na klase ay nakatanggap na ng bakuna kontra Covid-19. Inasikaso rin ng mga guro ang permiso ng mga magulang ng mga estudyanteng makikilahok sa pisikal na klase. Sa kasalukuyan, mga estudyante sa ika-11 na baitang pa lamang ang pinapayagan ng paaralan upang mag balik-eskwela.
Sa kabilang banda naman, sinigurado rin ng pampublikong paaralan ng Cabuyao Integrated National High School na ang mga mag-aaral na sasabak sa pisikal na klase ay bakunado laban sa Covid-19. Pili lamang din ang mga estudyanteng pinayagan ng paaralan upang pisikal na makapasok muli sa klase.
“Ang naging basehan namin sa pagpili ng mga aattend sa limited face-to-face ay yung talagang mga struggling students namin”, ayon kay Gng. Pablo.
Ngunit may mangilan-ngilang estudyante pa rin ang piniling sumabak sa balik-eskwela bagkus alam naman ng mga guro na may kapasidad sila sa pag-aaral. Kwento ni Gng. Pablo, sinabi sa kanya ng isang estudyante na hindi siya makapag-aral nang ayos dahil sa mga distractions sa kanilang bahay.
Personal na paghahanda
Bukod sa paghahandang ginagawa ng mga namumuno o may-ari ng mga paaralan at ng lokal na pamahalaan, malaki rin ang ginagawang preparasyon ng mga guro para sa limited face-to-face. Ikinuwento nina Gng. Pablo at Bb. Bienes ang kanilang personal na paghahanda sa muling pagtuturo nila sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan.
Ibinahagi ni Bb. Bienes na doble ang kanyang paghahanda para sa limitadong pisikal na klase. Ito ay dahil sa kabila ng mga estudyanteng pisikal niyang kaharap sa klasrum ay mayroon din siyang kaharap na mga estudyante sa monitor ng kompyuter na kanyang sabay tinuturuan.
Dagdag niya na nag-iisip siya ng iba’t ibang paraan upang hindi maramdaman ng kanyang mga online students na hindi sila nabibigyang atensyon dahil sa mga estudyanteng pisikal niyang kaharap.
Sa kabilang banda, ayon naman sa kwento ni Gng. Pablo, inihahanda rin niya ang kanyang sarili upang matulungan ang mga estudyanteng may kinakaharap ding personal na pagsubok. “Napaisip ako kung paano ko [sila] tutulungan”, aniya. Isang manipestasyon ito na sa muling pagbabalik-eskwela, hindi lamang sariling kalusugan ang prayoridad ng mga guro, bagkus pati na rin ang kanilang kahandaan upang ilagay ang kanilang mga sarili sa sitwasyon ng mga estudyanteng may kanya-kanyang personal na pinagdadaanan.
Mga Hamon na Kinakaharap
Ibinahagi rin ng mga guro ang mga naging karanasan nila noong nagsimula ang pandemya at napilitang maging birtwal ang pag-aaral hanggang sa ngayong unti-unti nang bumabalik ang mga estudyante sa paaralan.
Noong nagsimula ang lockdowns sa bansa, naging problema ng maraming guro ang kakulangan sa maayos na gadgets at tamang paggamit nito, at ang mahinang internet connection upang makapag turo nang birtuwal araw-araw. Sa kabila nito, hindi masyadong naranasan ni Bb. Bienes ang paghihirap na ito dahil sa kanyang kaalaman sa kompyuter at kung paano gamitin ito para sa klase.
Ngayong nagsasagawa na ng face-to-face na klase, isinaad niya na isang hamon bilang isang guro ang pagbibigay ng magandang karanasan sa mga estudyante ngayong nasa loob na sila muli ng silid-aralan. Isa sa mga isinasaad niyang hamon ngayon ay ang pagsubaybay sa kaalaman ng mga bata patungkol sa kanilang mga aralin. Ikinuwento ni Bb. Bienes na kailangan niyang iparamdam sa mga estudyante niya na importante para sa kanila na makisali at makipag-usap muli sa mga guro nila.
“‘Okay lang ‘yan, alam ko na nasa period of adjustment [ang mga estudyante] na medyo nahihiya [sila]ng sumagot at makipag-interact saakin.’’, pahayag ni Bb. Bienes.
Ayon naman kay Gng. Pablo tungkol sa karanasan niya ngayon, “Na-eenjoy ko,” aniya. “although noong una medyo hesitant [ako]… dahil hindi pa rin naman tayo totally free sa virus.”, dagdag pa niya.
Ipinaliwanag niya na bagamat mayroon na siyang oportunidad magturo sa klase na may 20 estudyante lamang kada seksyon, nag-aalala pa rin siya sa kalusugan ng mga tao at ng mga estudyante. Gayun man, ikinuwento niya na masaya siya sa pagtuturo dahil sa limitadong mga estudyante sa klase, naririnig na niyang muli ang kanilang boses at nakakapag-talakay na sila ng mga aralin nang mas maayos.
“May mga times na ang mga estudyante ko ang nagtatanong ng ‘ma’am, ano po ang lesson natin para makapag-advanced reading na po ako’… Nakikita ko yung ano nila, yung eagerness to learn”, dagdag pa ni Gng. Pablo.
Ibinahagi niya rin na wala naman siyang gaanong kinakaharap na hamon sa pagtuturo. Sa katunayan ay mas magaan para sa kanya ang pagtuturo ngayong limitado ang mga estudyante sa klase kumpara noong tradisyunal na face-to-face kung saan umaabot sa 60-80 na estudyante ang kanyang tinuturuan sa isang klasrum. “Ang sarap magturo kasi kakaunti, kumbaga mas maraming nakikinig at the same time, kita mo yung hindi nakikinig…Mabibigyan mo agad ng atensyon”, kwento pa ni Gng. Pablo.
Sa huli, bagamat iba-iba ang karanasan ng ating mga guro at malaki ang pagbabagong nangyayari, iisa ang kanilang panawagan. Nais ng ating mga guro na magbalik nang muli ang mga bata sa paaralan upang mas matuunan ng pansin ang mga kakulangan at upang matutukan nang ayos ang pag-aaral ng mga bata, lalo’t higit ang mga batang nangangailangan ng gabay ng mga guro.