nina Marie Janille Berdin at Lynde De los Reyes, Jr.
Sinalubong ng komunidad ng Los Baños ang 35 Sumilao farmers at iba pang magsasaka mula sa ibang organisasyon, noong Abril 25 matapos maglakad mula sa Bay, Laguna bilang parte ng kanilang 40-day march-caravan na kilala bilang Lakad ng mga Pamilyang Magsasaka Laban sa Gutom at Kahirapan.
Sa nalalapit na araw ng eleksyon, walang tigil ang pagdeklara ng mga magsasaka ng kanilang hangarin sa pagbabago, paglaya sa gutom at kahirapan, at repormang pang-agrikultura para sa maihahalal na panibagong pinuno ng bansa sa ika-9 ng Mayo. Isang patunay nito ang kanilang paglalakbay mula sa probinsya ng Bukidnon sa Mindanao patungong Metro Manila o 4000 kilometer-caravan sa kabuuan.
Hindi lamang sariling mga panawagan, dala-dala rin ng mga magsasaka mula Bukidnon ang hangarin ng apat na milyong magsasaka na nagugutom sa bansa.
Maliban dito, pinapakita rin ng kanilang paglalakbay ang kanilang suporta kay Vice President Leni Robredo na tumatakbo bilang Presidente at Senator Kiko Pangilinan bilang bise-presidente at sa plataporma nilang good governance.
Ayon kay Gerry Baliber, isang magsasaka mula Banasi, “hindi pa sila presidente [at] vice, marami na silang natutulungan tulad namin na isang maliit na organisasyon sa barangay namin.”
Pagsalubong ng komunidad ng Los Baños
Noong ika-25 ng Abril, dumating Los Baños ang Sumilao farmers, kasama ang iba pang mga magsasaka na nakikiisa sa adbokasiya. Sinalubong sila ng volunteer groups ng LB for Leni and Kiko, at Kabataan ng Los Baños Para Kay Leni at Kiko.
Ang mga pamilyang magsasakang nakiisa sa adbokasiya ay mula sa Sumilao, Banasi, at PAKISAMA (Samahan ng mga magsasaka sa buong Pilipinas) na binubuo ng pitong member organizations.
Bilang pagpupugay sa mga pamilyang magsasakang naglakad laban sa gutom at kahirapan, inihanda ng volunteer groups ang Binhi, isang fundraiser dinner at cultural night, kung saan pinarangalan ang Sumilao farmers ng iba pang mga lokal na magsasaka, mangingisda, NGOs, volunteers, artists at iba pa.
Ayon kay Erma Tidon, organizer ng Binhi at miyembro ng LB for Leni and Kiko, gusto nilang parangalan ang mga magsasaka. “They represent the Filipino farmers and in our own little way, we wanted to let them know we care, that they’re appreciated, that we’re listening and that we’re here,” ayon sa kaniya. Dagdag pa niya na nakikiisa sila sa laban ng mga magsasaka sa kagutuman at kahirapan.
(“Kinakatawan nila ang mga pilipinong magsasaka at kahit sa maliit na paraan, gusto namin ipaalam sa kanila na may pake kami, na pinapahalagahan namin sila, na nakikinig kami, at nandito lang kami.”)
Kinaumagahan, ala-sais ng umaga, nag martsa na ang mga magsasaka patungo sa boundary ng Los Baños at Calamba na kung saan naghintay ang mga grupong nais pang sumabay sa kanila.
Maliban sa mga miyembo ng LB for Leni and Kiko at Kabataan Ng Los Baños Para kay Leni at Kiko, naki-martsa rin ang iilang taga-Los Baños para ipakita ang kanilang suporta sa adbokasiya at panawagan ng mga magsasaka.
Ayon sa kanila, mahalaga na makilahok ang kabataan sa mga ganitong kaganapan sapagkat ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Dagdag pa nila na mas nagkaroon ng sigla ang kaganapan dahil sa mga kabataan.
Mula Los Baños hanggang Calamba
Matapos maglakad simula ala-sais nang umaga, nakarating ang mga magsasaka sa Calamba bandang alas-otso nang umaga na kung saan sinalubong ang mga ito ng mga mamamayan ng Calamba at ng ilang volunteer groups. Ipinasa na rin ng Los Baños volunteer groups ang pangangalaga sa mga magsasaka sa volunteer groups mula Calamba, Laguna.
Kagaya ng Los Baños, may inihanda ring maikling programa para sa Sumilao farmers ang Calamba at Cabuyao.
Isa lamang ang Los Baños sa mga bayang pinuntahan ng Sumilao farmers bago makarating sa kanilang destinasyo na Metro Manila. Mula Marso 28, Cotabato, Mamasapano sa Maguindanao, Tacurong City, Davao City, Baclaran, Parañaque, Muntinlupa ay iilang lamang sa mga lugar na napuntahan nila at ng mga magsasaka mula sa ibang organisasyon.
Itinakdang magtatapos ang 40-day march-caravan para sa Lakad ng mga Pamilyang Magsasaka Laban sa Gutom at Kahirapan sa ika-7 ng Mayo – sa huling araw ng pangangampanya.