Ulat nina Vanessa Martinez, Justine Olaes, at Gerald Pesigan
(Ang lathalang ito ay pang-apat sa limang parteng serye ng Kwentong F2F na nagbibigay-konteksto sa kalagayan ng mga estudyante, guro, mga magulang, at paaralan ngayong pagbabalik-eskwela)
Sa pagbabalik ng limited face-to-face classes sa ilang mga paaralan sa bansa, hindi lamang mga guro, mga namumuno sa paaralan, at mga estudyante ang naapektuhan dahil maging ang mga magulang ay kabahagi rin sa bagong kabanatang ito.
Isa si Gng. Ladylyn Pangilinan, residente ng Brgy. Balayhangin sa Calauan, Laguna, sa mga magulang ng mga estudyante na nakapagbalik na sa limited face-to-face classes. Siya ay mayroong walong taong gulang na anak at kasalukuyan itong pumapasok bilang isang Grade 2 student sa isang pampublikong paaralan.
Ayon kay Gng. Pangilinan, noong nalaman niya na magkakaroon na ulit ng face-to-face classes ay nagalak siya at ang kaniyang asawa kung kaya’t pinayagan nila ang kanilang anak na makilahok dito. Aniya, “Gusto kong ma-experience ng anak ko yung na-experience namin ‘nung nasa elementary days kami.”
Bukod pa rito, tila natuwa rin ang tadhana sa kanila dahil ang naging guro niya noong nasa elementarya pa lamang siya ay siya namang naging guro ng kaniyang anak sa kasalukuyan. Ang kaniyang anak din ay kasalukuyang nag-aaral sa paaralan kung saan sya nag-aral noon.
Ilan sa mga hiningi sa kanila ng paaralang pinapasukan ng kaniyang anak para sa limited face-to-face classes ay isang letter of consent kung saan nakasaad na pumapayag siya at ang kaniyang asawa na makilahok ang kanilang anak sa limitadong pagbabalik-eskwela.
Para naman sa paghahanda niya bilang isang magulang sa pagpasok ng kaniyang anak, ikinuwento niya na ginawa lamang niya ulit ang mga paghahandang kinagisnan nila noong wala pang pandemya.
“Katulad lang din ng mga normal na araw ‘nung pumapasok pa siya ng kinder noong face-to-face. Bumili rin kami ng bagong uniform, mga bagong gamit din—bag, notebook. Tapos yung mga baon niya sa isang linggo, nakaprepare na ‘yon para ‘di na kami bibili ng baon araw-araw.”
Kampante naman si Gng. Pangilinan sa kaligtasan ng kaniyang anak habang ito ay pumapasok dahil ayon sa kaniya ay may labing dalawa lamang na estudyante sa silid-aralan ng kaniyang anak at ang mga ito ay binabantayan ng tatlong guro na marunong magpatupad ng tamang health and safety protocols.
Ngunit kung minsan ay hindi talaga mawawala sa isang magulang ang pag-aalala sa kaniyang anak. Dahil dito, may ilang mga paalala rin siya na ibinibilin bago ito pumasok gaya ng huwag itong mahihiyang makisalamuha sa ibang kaklase, maging pala-kaibigan, at maging aktibo habang nage-enjoy sa klase.
Sa kabutihang palad ay wala namang nakaharap na hamon si Gng. Pangilinan sa muling pagbabalik ng kaniyang anak sa eskwelahan dahil nakapag face-to-face classes na rin daw ito noon. Ayon pa sa kaniya, palagay niya ay mas naging maayos ang kaniyang anak ngayong limited face-to-face classes na.
“Sa tingin ko [ay] mas nag-eenjoy siya ngayon na nalabas siya kasi first time niyang lumabas ng bahay. First time niyang makakita ng ibang bata, ng ibang kalaro, [kaya] sa tingin ko lang [ay] mas nag-eenjoy siya na nasa school siya.”
Mensahe niya sa kaniyang mga kapwa magulang na nagpaplanong isabak ang kanilang mga anak sa limited face-to-face classes na dapat hindi pa rin sila mawalan ng oras para sa kanilang mga anak at turuan pa rin nila ang mga ito sa pag-aaral. Aniya, “Hindi dapat iasa na lang din lahat sa teacher kasi iba pa rin talaga kapag may bonding sila ng kaniyang anak sa pag-aaral.”
Sa kabuuan, makikita sa kuwento ni Gng. Pangilinan na hangad ng isang ina ang pinaka makabubuti para sa kaniyang anak. Minabuti niyang isabak ang kaniyang anak sa limitadong pisikal na klase sapagkat nakikita niya na mas epektibo ito kaysa pag-aaral sa birtwal na set-up. Pang huli, bagamat sang-ayon si Gng. Pangilinan na gabay ng guro ang pinaka-kailangan ng mga mag-aaral, binigyang diin niya na mahalaga pa rin ang gampanin ng mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak.