Ulat nina Vincent Fernandez at Andrea Mamangun
Makukulay na karatulang nakapaskil sa mga bakuran ng bahay, nagpapalakasang boses na puno ng pangako’t pangarap, at hiyaw ng mga taga-suporta ng iba’t ibang politiko’t malalaking pangalan– iyan ang tatak Halalan.
Bukas ay matutunghayan na natin ang pagluluklok ng sambayanang Pilipino sa mga susunod na miyembro ng gobyerno. Gayundin, patuloy pa ring naninindigan ang iba’t-ibang mga kandidato para mapabilang sa listahan ng mga botante at maihalal sa ninanais nilang pwesto.
Ngunit, ayon sa anim na mag-aaral na aming nakapanayam mula sa iba’t ibang lungsod at unibersidad, panahon din ito ng pagpapalaganap ng fake news o misinformation at disinformation, at higit pa sa mga online na plataportma.
“…[N]gayong election season, sobrang daming misinformation at disinformation lalo na sa social media platforms, and nakaka-frustrate lang na nakikita mo mga schoolmates mo and teacher na nabibiktima neto, kase knowing yung mga taong yun na meron ng educational background, yet nabibiktima parin sila ng ganun.” Aniya ni Gaea Berador, isang mag-aaral ng Pharmacy mula sa University of Sto. Tomas.
Ano nga ba ang misinformation at disinformation?
Ayon sa pormal na kahulugan ng mga salitang ito na nagmula sa diksyunaryong Merriam-Webster, ang misinformation ay tumutukoy sa maling impormasyon na ibinabahagi nang walang intensyong manlinlang habang ang disinformation naman ay tumutukoy sa maling impormasyon na ibinabahagi para sa pangunahing layunin na manlinlang ng kapwa. Sa madaling salita, ang kaibahan ng disinformation ay mayroong intensyong manlinlang ng kapwa.
Ang misinformation at disinformation, partikular sa panahon ng eleksyon, ay kumakatawan ng iba’t ibang anyo, at patuloy itong mas nagmumukhang makatotohanan. Halimbawa na lamang nito ay ang pamamahagi ng mga minanipulang litrato at bidyong layuning mapapaniwala ang mga tao sa di-wastong impormasyon para manira ng iba at makuha ang loob nila na maaaring maituring na disinformation.
Para kay Therese Sagadraca, isang mag-aaral ng Agrikultura sa UP Los Baños na nakasalamuha na ng ganitong anyo ng disinformation, “Nakakalungkot dahil kung titingnan sila ng pangkaraniwang social media user na hindi pamilyar sa mga pangyayari, hindi mo aakalain na binago na pala yung mga yun.”
Maliban pa rito, laganap din ang misinformation sa anyo ng mga satirical posts o mga posts na siyang maaaring mapagkamalan na makatotohanan, lalo na kung maling madla ang maaabot nito o hindi gaanong pamilyar ang konteksto nito sa taong nagbabasa.
Pag-aalala ang nararamdaman ni Arantxa Leung, isang mag-aaral ng Psychology sa University of the Cordilleras, para sa mga taong maaaring mabiktima ng mapalinlang na posts tulad nito.
“What if it gets spread, diba? Lalo pa naman ngayon, there are a lot of Filipinos who are not really into reading or mahina ang reading comprehension nila. Mapapaniwala talaga sila sa mga ganoon na edits.” dagdag niya.
Agwat, Dulot ng Panahon
Ayon kay Chance Camacho, isang mag-aaral ng Speech Communication sa University of the Philippines Diliman, “Sa panahon ng ating mga magulang, wala pa namang online news/information literacy, kaya kung ano lang ang madatnan, yon na ang titignang totoo.“
Dala rin ng panahon ang gap pagdating sa kaalaman at abilidad magsuri ng impormasyon ukol sa eleksyon sa pagitan ng kabataan at mga mas nakatatandang henerasyon. Ang gap na ito ay siya ring nagbibigay daan sa misinformation at disinformation, lalo na pag-usbong ng iba’t ibang anyo nito.
“Sa eleksyon, onting edit lang ay narerecontextualize[pagbabago ng konteksto] na ang mga video at picture na hindi naman dapat, at benta ito sa mga tao. Wala nang pakialam kung totoo to o hindi.”
Para naman kay Therese, isa pang salik sa gap ay ang pagpabor nila sa mga nakasanayan nang ideya. “Mas nag-aalangan din sila magbago ng opinyon dahil maaaring matagal na nila iyon pinanghahawakan.”
Bagamat sang-ayon din si Kenneth Ballesteros, isang mag-aaral ng Marketing sa National University, na umiiral nga ang gap na ito, naniniwala din siya na hindi dapat ito maging hadlang sa pagpapalaganap ng mga katotohanan. “There are different media where facts can be gathered like joining debates where people can exchange opinions and statements that are still guided with facts.”
Tungkulin ng Teknolohiya sa Adbokasiya ng Kabataan
Sa panahon ngayon kung saan laganap ang pag-usbong ng iba’t ibang plataporma[sa pag-campaign], mas napapadali ang pagkalap at pagkalat ng iba’t ibang impormasyon. Tunay ngang nakatutulong ang teknolohiya sa pagbibigay-kaalaman sa mga gumagamit nito, ngunit kasabay nito, maari rin itong maabuso sa hindi magandang paraan, gaya na lamang ng pagpapakalat ng maling impormasyon upang manlinlang ng publiko.
Kaya naman mula sa mga mag-aaral ng iba’t ibang kurso mula sa iba’t ibang paaralan, mahalaga ang papel ng teknolohiya sa pagsuporta sa adbokasiya ng kabataan. Dapat malaman ng kabataan kung paano magagamit ang makabagong teknolohiya sa wasto at makatutulong na paraan.
Ayon kay Gaea, importante ang kabataan sa paglaban sa maling impormasyon, sapagkat mas may alam ang kabataan sa paggamit ng mga social media. “I think yung kabataan ngayon important sila sa pagcombat[paglaban] ng misinformation and disinformation lalo na ngayong election season, kasi yung mga kabataan ngayon yung mas magagaling magkalikot ng mga social media platforms, lalo ngayon na ang main source natin ng news and information ay social media na.”
Bukod sa karunungan sa paggamit ng makabagong teknolohiya para mangalap ng impormasyon, mahalaga ring matuto tayong sumuri kung makatotohanan ba ang mga impormasyong ating nababasa. “Kung ikukumpara sa ibang generation or age bracket, mas “tech savy” ang kabataan. Pamilyar sila sa kung paano tumatakbo ang impormasyon sa internet. Alam nila kung papaano magresearch at mangalap ng mga factual na information mula sa mga credible sources. Dahil dito, nakakagawa sila ng fact-checking.”, ani ni Chester, isang mag-aaral ng Political Science sa Polytechnic University of the Philippines.
Paalala rin mula kay Arantxa na pagdating sa pagsusuri ng impormasyon, mahalagang itabi muna natin ang ating mga personal na opinyon at tingnan ito objectively o nang walang kinikilingan. Aniya, “Do not blur your vision na parang sinasabi mong mali itong information na ito just because it does not fit what I believe in.’”
[“Huwag kang mag pikit mata na parang sinasabi mong mali itong impormasyon na ito kasi hindi siya kabilang sa paniniwala mo.]”
Ika nga ng mga matatanda, ang swerte ng kabataan sapagkat abot kaya na ang impormasyon sa panahon ngayon. Ngunit, kita sa patuloy na paglaganap ng misinformation at disinformation na mayroon ding kaakibat na pinsala ang pagbilis ng pagkalap ng impormasyon dala ng makabagong teknolohiya. Sa halip, kasangga pa rin nito ang abilidad ng mga taong bumuo ng mga desisyong dumaan sa pagsasaliksik.
Diniin ng mga kabataang nakapanayam na ang kanilang karanasan sa mga misinformation o disinformation ay patuloy na nag-uudyok sa kanila at sa mga kapwa na maging responsableng konsyumer ng impormasyon. Kasabay nito ang patuloy na paglaban sa pagkalat ng mali at mapanlinlang na impormasyon.. Ika nga nila,” Kabataan na nagpapakalat ng katotohanan, ang pag-asa ng bayan.”