Ang ulat na ito ay isa sa dalawang artikulong nagpapahayag ng karanasan ng mga mamamayan ukol sa misimpormasyon at disimpormasyon sa panahon ng eleksyon.
Ulat nina Evangeline Lucile Ortiz at Marvs Kaye Rosario
“Syempre nung una ay nagulat at medyo nainis. Nagulat dahil napakadaling bulagin ng social media ang mga pananaw ng tao, at medyo nainis dahil taliwas sa aking ninanais ang mga nalaman ko.”
Ito ang reaksyon ni *Joey, 43 taong gulang, residente ng Brgy. Bayog, Los Baños, Laguna, at isa sa 65.7 milyong rehistradong botante sa bansang inaasahang boboto sa gitna ng pandemya, nang minsan siyang mabiktima ng “fake news” tungkol sa eleksyon, na tila ay lalo pang naging laganap ngayong pandemya.
Hindi ito ang unang beses na siya ay napaniwala sa “fake news”. Dagdag ni Joey, madalas siyang masaway ng mga kasama niya sa bahay at iba pang kakilala dahil sa pagbabahagi niya ng maling impormasyong kaugnay ng eleksyon.
“Ngayong natuto na ako, mas lalong naging bukas ang aking isipan sa tama,” kwento niya.
Habang papalapit nang papalapit ang pambansang halalan na gaganapin sa ika-9 ng Mayo, lalo rin nagiging talamak ang mga mapanlinlang na kwento, larawan, at bidyo na naglalaman ng maling impormasyon tungkol sa mga tumatakbong kandidato.
Sa panahon kung saan marami ang umiiral na protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, malaki ang gampanin ng social media sa halalan. Kasabay ng pagiging abala ng mga kandidato sa pangangampanya ay ang pagtindi ng pagkonsumo ng mga rehistradong botante, at maging ng mga hindi rehistradong mamamayan, sa internet, telebisyon, at iba pang mapagkukunan ng impormasyon upang makilahok sa usapin sa eleksyon at kilatisin ang mga tumatakbong kandidato.
Maituturing na isang hamon ang pagsasagawa ng kampanya habang nasa gitna ng isang pandemya. Dulot nito, umusbong ang iba’t ibang istratehiya ng pangangampanya tulad ng online political advertisements, e-rally, political Twitter, at iba pang gamit ng social media sites tulad ng Facebook at Youtube, upang ipaabot ng bawat kandidato ang kanilang mensahe sa mga botante.
Mga gawi ukol sa misimpormasyon at disimpormasyon ngayong pandemyang eleksyon
Ayon sa resulta ng sarbey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2021, 69% o 7 sa 10 mga mayor de edad na Pilipino ang naniniwala na ang fake news at ang pagkalat nito ay isang seryosong isyu sa midya.
Hindi na bago ang salitang “fake news” sa usaping social media at internet, sapagkat matatagpuan sa karamihan ng social media sites ang mga nagpapakalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon. Gayunpaman, ang pangyayaring ito ay lalong lumalala sa panahon ng eleksyon, kung saan mas malalim ang hangarin ng mga taong nasa likod nito.
“Sa social media ay laganap ito [fake news] lalong lalo na sa Facebook at Youtube,” ani Joey. “Social media ang number one source madalas ng fake news.”
Ayon kay Joey, siya ay madalas nakatutok sa telebisyon at sa kanyang libreng oras naman ay tambay siya sa Facebook.
“Ang lagi ko talagang hinahanap ay ang mga plataporma ng kandidato, kung ano ang kanilang mga nakalaang proyekto, ano ang kayang gawin at mga background ng kandidato, kung nainvolve na ba sa pagnanakaw o ano,” ani Joey. “Marami akong nakikitang mga shineshare ng friends ko sa Facebook, minsan ay fake news at minsan naman hindi.”
Gamit naman ang Twitter notifications mula sa iba’t ibang news agencies, nakakasubaybay si *Juliet, 41 taong gulang, isang research assistant at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Sto. Domingo, Bay, Laguna, sa mga current events at mga balitang may kinalaman sa eleksyon.
“Ang balitang mapagkakatiwalaan ay dapat nagmula sa isang news agency na may kredibilidad at integridad at dapat hindi lamang nagmula sa iisang source,” dagdag niya.
“Masasabi kong mapagkakatiwalaan ang balita kung hindi kakikitaan ng bias ang mga inilalathalang balita nito. Kung sa mga interviews naman, mapagkakatiwalaan sila kung patas ang uri ng pagtatanong,” ani naman ni Joey.
Kabilang din sa pagtutok sa social media at telebisyon ang pakikinig at pakikipag-usap sa mga kaibigan at pamilya. Para sa isang empleyado at 31 taong gulang na si *Hanna, hindi siya gaanong nakakasubaybay sa mga kaganapan ngayong eleksyon kung kaya’t siya ay nakikibalita sa iba ukol dito.
“Sa mga katrabaho ako madalas nakakarinig ng mga balita,” ika niya. “Minsan [din] kapag nag-ba-browse ako sa social media, pero hindi ‘yung intensyonal na naghahanap ako ng isyu about election. ‘Yung mga tipong nadadaanan ko lang sa newsfeed.”
“Kadalasan din ay sa mga anak ko [nakakakuha ng impormasyon] dahil madalas nilang pag usapan ang iba’t ibang usapin sa mga kandidato, mga issue kumbaga,” sagot naman ni Joey.
Naniniwala naman sina Juliet at Hanna na bukod sa Facebook at Youtube, laganap din sa Twitter ang mga kaduda-dudang impormasyon tungkol sa eleksyon.
Mga programang naipatupad ukol sa pangangampanya ngayong pandemyang eleksyon
Ang bawat tao ay may kalayaang magpahayag ng nararamdaman, gayundin ng kanilang pagkadismaya at kritisismo. Ngunit ang komunikasyon pampulitika sa panahon ng eleksyon ay matagal nang sumasailalim sa iba’t ibang anyo ng regulasyon tulad ng RA 9006 o Fair Election Act.
Nakasaad dito na sa huling araw ng pagpapasa ng Certificate of Candidacy (COC) ay bibigyan ng 30 araw ang mga kandidato na irehistro sa Education and Information Department ng COMELEC ang website at web address ng lahat ng platforms, verified official accounts, blogs, at iba pang social media pages ng mga political parties at ng mismong mga kandidato. Ang mga hindi rehistradong social media pages ngunit naglalaman ng mga campaign materials ng isang kandidato ay maaaring ibilang sa social media pages ng kandidato at sasailalim din sa regulasyon. Nararapat na katotohanan lamang ang mga ibabahagi sa anumang platform sa social media.
Noong Nobyembre 2021, sa pangunguna ng Ateneo School of Government (ASOG), nailunsad ang “What the Fake?!: Ang Fake News Challenge ng Bayan.” Ito ay isang instrumento na may layong subukin ang kakayahan ng mga tao na tumukoy ng “fake news” o maling impormasyon. Ngayong taon, inilabas ang bagong bersyon nito na maaaring maakses sa link na ito.
Dahil sa malaking gampanin ng social media sa pagpapakalat ng impormasyon ngayong pandemya, naging bentahe ang gamit nito sa ngayong eleksyon. Bilang resulta, naging malaki ang impluwensya nito sa desisyong pampulitika ng mga botante.
Ayon kay Perlita Frago, isang associate professor ng political science sa University of the Philippines (UP), mahalaga ang gampanin ng lehitimong media sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.
“Di lang sa panahon ng eleksiyon kundi sa politika in general kasi una sa lahat basehan sa pagboto ng mga mamamayan ay nakasalalay sa kanilang kaalaman at ‘yun ay nakabatay na rin sa mga impormasyon na nakukuha nila.”
[ALAMIN: Hanapin Ang Maasahang Impormasyon Kasama si Diwata Linaw] Suriin ang kredibilidad ng impormasyong naririnig, nababasa, at napapanood natin online.
###