Ulat nina Yra Bautista at Jamil Creado
Ang lalawigan ng Laguna ang nakapagtala ng pinakamaraming anomalya sa eleksyon sa buong rehiyon ng CALABARZON (kasama dito ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon). Ayon sa electoral watchdog group ng Kontra Daya Southern Tagalog, mahigit 135 na ulat ang kanilang natanggap at higit kumulang 68 sa mga ito ang naitala galing sa iba’t ibang presinto ng pagboto sa loob ng Laguna.
Sila ngayon ay nananawagan sa COMELEC na palawigin hanggang 7 PM ang pagsara ng botohan ngayong ika-9 ng Mayo. Ito raw ay dahil sa sunod-sunod na pagkasira ng mga vote counting machines (VCM) at karagdagang oras na kailangan upang sundin ang minimum health standards. Dahil daw dito, maaring 1.1 milyon o 2% ng populasyon ng pagboto ang maaapektuhan ngayong botohan.
Bukod sa dumaraming balita ng pagkasira ng mga VCM, mayroon ding patagong pamimigay ng sample ballot sa mismong presinto.
Ayon sa Kontra Daya Southern Tagalog, may tatlong kaso ng vote buying at 10 kaso ng pangangampanya ang namataan sa Laguna. Habang nagaganap ang botohan, ipinagbabawal ng COMELEC ang anumang uri ng pangangampanya tulad ng pagtugtog ng campaign jingle o ang pamimigay ng mga sample ballots sa mga botante.
Sa isa pang ulat ng grupo, may humigit kumulang na anim na kaso ng pollwatcher na nakapasok sa mga voting sites na walang pahintulot. Mayroon din daw isang kaso kung saan sinagutan ng pollwatcher ang balota ng isang senior citizen.
Laganap daw ang matinding pagbabantay ng mga pulis militar sa mga presinto ng pagboto sa iba’t ibang lugar sa Laguna. Ilan sa mga ito ang Los Baños at Cabuyao City. Sa isang ulat galing sa Cabuyao Central School, isang botante ang pinagbantaan ng mga pulis na aarestuhin matapos nito sitahin ang isa sa mga pollwatcher na nanghihikayat sa mga botante na iwanan na lamang ang kanilang balota habang isinasaayos pa ang PCOS machine.
Samantala, mayroong mga botante sa Villa de Calamba Multipurpose Hall ang nakaranas ng sirang VCM sa kanilang presinto. Ani ni Gershom Mabaquiao, isang botante mula sa Calamba, sila raw ay pinayuhan na lamang na iwanan ang kanilang mga balota sa presinto. Ito raw ay babantayan ng Pastoral Council for Responsible Voting—isang NGO ng Simbahang Katoliko—ngunit karamihan sa kanila ay hindi pumayag.
Matatandaang ang paalala ukol sa “Do’s and Don’ts” sa mga polling precinct ng COMELEC na matapos masagutan ang mga balota ay kinakailangan ang mismong botante ang magpapasok ng kanilang balota sa VCM. Ang mga botante ay pinapaalalahanan na dapat tingnan mabuti ang voter’s receipt para masiguro na ang kanilang mga binoto ay tama, bago ito i-deposito sa mismong lagayan.
Maraming botante na sa Laguna ang nagulat sa pag-aantay ng matagal dahil sa sirang mga VCM. Ayon sa COMELEC, maaaring nilang antaying gumana ang mga VCM upang maitala ang kanilang boto o isabay na lamang ang kanilang balota para sa batch feeding.
Litrato ni Gershom Mabaquiao