Ulat ni Kriszia Mae Prologo
Calamba City, Laguna – Kapapalit lamang ng vote counting machine (VCM) sa Precinct 0376A ng Lingga Elementary School, sampung minuto bago ang pagsasara ng botohan mula nang magkaaberya ito sa alas-sais ng umaga kahapon, noong ika-9 ng Mayo.
Ayon sa isang concerned citizen, botante ng 0376A, pinangakuan silang darating ang kapalit na VCM bandang alas-dyes ng umaga, subalit hindi ito dumating sa nasabing oras. Inabisuhan ulit sila na darating ang machine bandang alas-tres ng hapon, ngunit hindi rin ito dumating. Gayundin, pinangakuan muli sila na darating na ito bandang alas-otso ng gabi, na dumating naman mag-aalas-siyete ng gabi .
Bandang alas syete rin nang magsimulang magpaboto sa nasabing presinto. Maaalalang ito rin ang cut-off sana ng opisyal na oras ng pagboto ayon sa Comelec. Ayon pa sa concerned citizen, ang mga nasa pila kahapon ay ang mga botanteng mas piniling sila ang magpasok ng sariling balota sa panibagong VCM at nais makita ang resibo nito. Bandang alas-sais y medya ng gabi ay nasa 15 metro na raw ang haba ng pila ng mga botanteng kagaya niya.
Ang mga naunang bumoto na sa presinto ay ang mga botanteng pumayag na electoral board na lamang ang magproseso ng kanilang balota. Papanoorin na lamang daw ito ng mga nakatalagang poll watchers na ang karamihan ay mula sa UniTeam ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon pa sa mga poll watchers, parehong aberya raw ang nangyari sa nasabing VCM sa naturang presinto noong mock elections na ginanap noong May 4, 2022.
Litrato ni Jamil Creado