Ulat ni Leila Katherine Mapa
Ito ang magiging pangatlo at huling termino ni Ramil Hernandez sa opisina.
Pormal nang idineklara ng Provincial Board of Canvassers si incumbent governor Ramil Hernandez bilang gobernador ng lalawigan ng Laguna, May 11, bandang alas-onse ng umaga sa Provincial Capitol sa Sta Cruz, Laguna. Ito na ang kaniyang pangatlo at huling termino matapos manungkulan sa posisyon mula noong 2013.
Sa partial unofficial count ngayong ika-11 ng Mayo, alas-dyes ng umaga, 98.6% na ang mga botong pumasok sa transparency server ng Commission on Elections (COMELEC). Nakakuha si Hernandez ng 872,378 na boto at sinundan naman ng kasalukuyang 3rd District Representative ng Laguna na si Sol Aragones,na mayroong 630,232 na boto. Nasa pangatlong pwesto naman ang independenteng kandidato na si Berlene Alberto na may 11,936 na boto.
PANOORIN: Livestream ng proklamasyon ni Governor Ramil Hernandez (Courtesy: Gov. Ramil L. Hernandez FB Page)
Mananatili rin sa posisyon ang kaalyado ni Hernandez sa pagka-bise gobernador na si Karen Agapay matapos makakuha siya ng 844,447 na boto. Pumangalawa naman si Jerico Ejercito, anak ng dating gobernador ng Laguna na si Emilio Ramon “E.R.” Ejercito, na may 527,978 na boto at sinundan ni Agustin Parma na may 30,906 na boto.
Sa isang Facebook post, nagpasalamat si Hernandez sa kaniyang mga tagasuporta at nanawagang tutukan ang mga pangangailangan ng Laguna pagkatapos ng eleksyon Ayon din kay Hernandez, hindi niya sasayangin ang tatlo pang taon na ipinagkaloob sa kanya at makaaasa ang lalawigan ng Laguna na mas marami pa itong magagawa at maitutulong.
Matatandaang hindi naging ganoong kadali ang pagboto sa lalawigan ng Laguna. Ayon sa datos ng Kontra Daya Southern Tagalog, isang electoral watchdog group, nakapagtala sa lalawigan ng 36 na kaso ng vote counting machine (VCM) errors sa 16 na presinto sa iba’t ibang mga bayan. Ayon sa kanilang post, umaga pa lang ay nagka-aberya na ang mga VCM at madalang rin ang technicians para ayusin ito.
Ang lalawigan ng Laguna ay may kabuuang 2,045,687 na rehistradong botante. Ito ay ang pang-apat sa sampung lalawigang may pinakamaraming botante ngayong Halalan 2022.
Litrato mula sa FB page ni Vice Governor Karen Agapay