Ulat ni Aryandhi Almodal
Sampung lokal na opisyal ang manunungkulan sa munisipyo ng Los Baños, Laguna, matapos silang manguna sa Halalan 2022 noong Lunes, Mayo 9. Pupunan ng mga nanalong kandidato ang tig-isang upuan para sa pagka-alkalde at bise alkalde, at walong upuan naman para sa pagka-konsehal.
Kilalanin sila sa listahan na ito.
Mayor: Anthony Genuino (BIGKIS)
Muling uupo si Anthony “Ton” Genuino ng Bigkis Pinoy Movement (BIGKIS) Party bilang mayor ng Los Baños, matapos siyang makakuha ng 23,752 na boto. Nagsilbi na rin siyang alkalde ng Los Baños noong taong 2010 hanggang 2013. Nagtapos si Genuino ng kursong Bachelor’s Degree in Business Administration sa De La Salle-College of Saint Benilde.
Siya ay anak ni dating Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman Efraim Genuino na tumakbo ring kongresista sa ikalawang distrito ng Laguna ngunit bigong makakuha ng upuan sa Kongreso sa katatapos lang na eleksyon.
Ang nakatatandang Genuino ay kinasuhan ng plunder at graft noong 2011. Isa sa mga graft charges ay ibinasura na ng Sandiganbayan noong 2019, habang dalawang graft charges ang hindi dinismiss at kasalukuyang dinidinig pa ng nasabing korte.
Noong 2012, matatandaang nasangkot si mayor-elect Genuino at siyam pang opisyal sa diumanong maanomalyang pagpapatayo ng bagong munisipyo ng Los Baños na nagkakahalaga ng P91 milyon. Sila ay inireklamo ng dating municipal councilor na si Jay Rolusta at Francisco Lapis dahil sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo.
Ang mayor-elect at ang kanyang kapatid na si Erwin Genuino ay sinampahan din ng kasong malversation noong 2011 dahil sa diumano’y paggamit ng donasyong bigas at pondong nagkakahalagang P3 milyon na ginamit umano sa pagtakbo nila sa eleksyon noong 2010, ayon sa reklamong isinampa sa Department of Justice. Kinalaunan ay binasura ang mga kasong ito dahil sa aniya’y kakulangan ng ebidensya.
Bago tumakbo at manalo bilang mayor ng Los Baños taong 2010, si Genuino ay tumakbo bilang konsehal ng Makati noong 2007 ngunit nabigo ito.
Bise-Mayor: Josephine Sumangil-Evangelista (BIGKIS)
Nanatili naman sa kanyang pwesto bilang bise alkalde ang running mate ni Genuino na si incumbent vice mayor Josephine “Baby” Sumangil-Evangelista (BIGKIS) matapos siyang makakuha ng 24,829 na boto. Bago siya maging bise alkalde nang pumanaw ang dating Mayor Caesar Perez noong 2020, siya ay nagsilbi na ring vice mayor ng bayan noong taong 2010 hanggang 2013 at konsehal noong 2007 hanggang 2010.
Si Sumangil-Evangelista ay isa sa mga pinatawag ng Office of the Ombudsman, kasama ni Genuino, upang sagutin ang paratang sa kanila noong 2012 tungkol sa umano’y anomalya sa pagpapatayo ng bagong munisipyo.
Mga Konsehal
- Leren Mae Bautista (BIGKIS)
Nakakuha ng pinakamaraming boto sa pagka-konsehal ang model at beauty queen na si Leren Mae Bautista. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pumasok sa pulitika si Bautista. Nagtapos ng high school si Bautista sa Trace College at nagtapos ng kursong Marketing Management sa Colegio de San Juan de Letran Calamba.
Naging matunog ang pangalan niya nang iuwi niya sa Pilipinas ang korona sa Miss Tourism Queen of the Year International 2015. Sumali din siya sa Miss Globe 2019 kung saan siya ay nanalo bilang second runner-up.
- Marlo PJ Alipon (BIGKIS)
Magsisilbi sa kanyang ikalawang termino bilang konsehal si Alipon. Siya ay anak ni dating Los Baños vice mayor Procopio Alipon. Siya ay isang licensed electrical engineer at master plumber. Mayroon din siyang Master’s Degree in Public Administration.
- Jonathan Bryan Siytiap (BIGKIS)
Nahalal naman sa pagka-konsehal si Siytiap sa kanyang unang sabak sa mundo ng pulitika. Siya ay nagtapos ng kolehiyo sa De La Salle University at kumuha ng Top Management Program sa Asian Institute of Management.
Bago sumabak sa pulitika, nasa larangan siya ng edukasyon at negosyo bilang Executive Vice President (EVP) ng TRACE College, Los Baños, Laguna na itinatag ng kanyang biyenang-lalaki at chairman Efraim Genuino noong 1986. Siya ay bayaw ng nanalong alkalde na si Genuino.
- Miko Pelegrina (IND)
Nanalo naman sa kanyang ikalawang termino sa pagka-konsehal si Pelegrina. Siya ay nagsilbing Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa Brgy. Anos noong 2007 hanggang 2010 at kagawad sa parehong barangay mula 2010 hanggang 2019. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Agribusiness Management sa University of the Philippines Los Baños.
- Mark Lester Dizon (PDPLABAN)
Nahalal rin sa kanyang ikalawang termino sa pagka-konsehal si Dizon. Siya ay nagsilbing SK chairman ng Brgy. Bambang noong 2007 hanggang 2010 at kagawad sa parehong barangay mula 2013 hanggang 2019. Siya ay naging chairperson ng Los Baños Committee on Health sa kasagsagan ng pandemya.
- Julius Moliñawe (PDR)
Nakabalik din sa konseho si Moliñawe na dati nang nagsilbi bilang konsehal ng tatlong termino, mula 2010 hanggang 2019. Naging SK chairman din siya ng Brgy. San Antonio noong 2007 hanggang 2010. Siya ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Business Administration, major in Human Resource Development Management sa Colegio de San Juan de Letran Calamba.
- Benedicto Alborida (PDR)
Nakabalik din sa konseho si Alborida matapos ang kanyang termino sa pagka-konsehal noong 2019. Siya ay naging barangay kagawad ng Brgy. Tuntungin-Putho mula 1991 hanggang 2001; at barangay chairman noong 2002 hanggang sa maging konsehal noong 2010.
Siya ay nagtapos ng high school sa Los Baños School of Fisheries at nakatapos ng vocational course sa Automotive and Welding sa Laguna College of Business and Arts, kung saan siya ay undergraduate rin ng kursong Commerce.
- Mike Dexter Concio (BIGKIS)
Muling nahalal din si Concio bilang konsehal sa kanyang ikalawang termino. Siya ay naging SK chairman noong 2007 hanggang 2010 at nagsilbi ring kagawad sa Brgy. Mayondon.
Ayon sa batas, manunungkulan sa loob ng tatlong taon ang mga nanalong opisyal, mula 2022 hanggang 2025.