Matapos Masungkit Ang Makasaysayang Kampeonato ng UAAP Season 84 Men’s Basketball, UP MBT Bibisita sa UPLB

“Giting at Tapang. At party na rin, G?”

Ulat ni Cedric Katigbak

Isang linggo matapos maiuwi ang titulo ng UAAP Season 84 Men’s Basketball sa University of the Philippines (UP) Mayo 13, bibisita sa UP Los Baños (UPLB) ang UP Fighting Maroons para sa isang ‘meet and greet’ sa darating na Biyernes, Mayo 20. Magsisimula ang programa ng 4 p.m.

“Pagkatapos magpamalas ng giting at tapang, we know dasuuuuurv nATIN ‘TO!” 

Ito ang pahayag ng UPLB sa kanilang Facebook page nang ianunsyo ang pagdaraos ng isang pagdiriwang matapos ang makasaysayang pagkapanalo ng UP Men’s Basketball Team (MBT). Idaraos ang mga palaro, tugtugan, at bonfire, kasama ang tinaguriang “most talented UP team” sa UPLB Lower Grounds.

Unang inanusyo sa isang Facebook status ng Director ng UPLB Office for Initiatives in Culture and the Arts na si associate professor Jerry Yapo ang nasabing ‘meet and greet’ ng UP MBT. Pinaalalahanan naman ang mga dadalo na dalhin ang kanilang vaccination card, at maaari ring magdala ng pagkain na pagsasaluhan sa picnic at party. 

Kabilang sa mga kasalukuyang manlalaro ng UP MBT ang itinanghal na Finals Most Valuable Player na si Malick Diouf, at ang nakapuntos ng ‘winning shot’ ng team na si JD Cagulangan. Nasa kasalukuyang roster din ng team ang graduating ‘basketball star’ na si Ricci Rivero, kasama sina CJ Cansino, Harold Alarcon, Carl Tamayo, James Spencer, Noah Webb, Zavier Lucero, Gerry Abadiano, at Terrence Fortea.

Sa isang video na pinost ng UPLB sa Facebook, binati ni Cagulangan ang constituent university. “Hi, UP Los Baños, congrats po sa’tin. Sana magkita-kita po tayo soon,” ani Cagulangan, matapos makuha ang kampeonato sa Game 3 ng Finals laban sa Ateneo Blue Eagles sa score na 72-69.

PANOORIN: Mensahe ng ‘celebrated athlete’ na si JD Cagulangan para sa komunidad ng UPLB. (Courtesy: University of the Philippines Los Baños/Facebook)

Inabot ng 36 taon bago muling masungkit ng UP ang titulo ng UAAP Men’s Basketball. Huli nila itong nakuha noong 1986 – kung saan kabilang sa roster ang kasalukuyang propesor sa College of Economics and Management (CEM) ng UPLB na si Professor U-Primo Rodriguez. 

Sa mga alumni na nais mag-donate para sa kaganapan, maaaring i-contact ang UPLB Office of Alumni Relations sa numerong 09088147800.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.