Sa two-part special report na ito, kikilalanin ng LB Times si mayor-elect Anthony Genuino, ang nagbabalik-poder bilang pinakamakapangyarihang opisyal sa bayan ng Los Baños. Ito ang unang bahagi ng aming ulat.
Ulat nina Mia Carmela Bueta, Krystal Vitto, at prinoduce ni Lawrence Neil Sagarino
Matapos ang halos sampung taon, muling iniluklok ng mga taga-Los Baños, Laguna si Anthony “Ton” Genuino bilang kanilang alkalde, matapos siyang manguna sa lokal na halalan noong Mayo 9. Dati nang ipinagkaloob ng taongbayan kay Genuino ang posisyong ito noong 2010 ngunit tumagal lamang siya ng isang termino. Noong halalan 2013, muli siyang tumakbo pero natalo.
Maikli man ang pamamalakad, binalot pa rin ito ng ilang kontrobersiya. Kaya sa kaniyang pagbabalik, ang tanong ng ilan sa kaniyang mga constituents, tutuparin kaya niya ang mga pangako ng kanyang kampanya?
Sino Nga Ba si Genuino?
Ipinanganak si Anthony F. Genuino sa Makati City noong Nobyembre 27, 1982. Kilala siya sa palayaw na “Ton” na bigay ng kaniyang pamilya. Sa kalaunan ay kilala na rin siya ng mga residente ng Los Baños sa tawag na ito. Hindi siya lumaki sa bayan ng Los Baños pero madalas daw itong bumibisita sa bayan kasama ang kanyang mga magulang mula noong bata pa lamang siya.
Lumaki si Genuino sa isang komportable at mayamang sambahayan. Negosyante ang kanyang ama na si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman at plunder at graft defendant na si Efraim C. Genuino. Kabilang sa mga pinatatakbong negosyo ng kanyang mga magulang ay makikita sa Los Baños at karatig na bayan.
Ang kanyang ama, na tumakbo rin bilang mambabatas ngayong eleksyon 2022, ngunit natalo, ay ang nagtatag ng Technological Research for Advanced Computer Education (TRACE) College noong 1986. Nagsilbi rin ito bilang chairman ng PAGCOR noong 2001 hanggang 2010. Ang kanyang ina naman na si Aurora F. Genuino ay isang guro at dating nagsilbi bilang presidente ng TRACE College.
Si Genuino ay nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration sa De La Salle-College of Saint Benilde. Nang siya raw ay nakapagtapos ng kolehiyo, agad siyang nagtrabaho at tumulong sa pagpapalago ng negosyo ng kanyang pamilya.
Ang Kanyang Pagpasok sa Politika
Sa pagpapalakad ng negosyo niya na rin daw natutunan ang mga kaalaman sa pamumuno at serbisyong publiko.
Sa ulat ng Bagong Los Baños Facebook page, sinasabing natutunan daw ni Genuino mula sa kanyang ama kung paano pamahalaan ang isang organisasyon at kung paano makiisa sa mga community humanitarian service. Ang kanyang ina naman daw ang naghasa sa interes ni Genuino na gawing adbokasiya ang edukasyon at public affairs.
Alam naman daw ni Genuino na magulo ang mundo ng politika, pero sinubukan pa rin niya na tumakbo sa pagka-konsehal noong 2007 sa lungsod ng Makati. Siya ay natalo.
Noong sumunod na taon, inulat ng Rappler na lumipat si Genuino sa bayan ng Los Baños, kung saan nagpatayo siya ng kanyang tirahan sa loob ng Los Baños campus ng TRACE College na pagmamay-ari ng kanyang pamilya.
Nagsilbi si Genuino bilang presidente ng Los Baños Tourism Council noong 2009. Siya rin ang kasalukuyang national vice president ng Bigkis Pinoy Foundation.
Noong 2009, pinangunahan daw ni Genuino ang pagbuo ng organisasyong “Kababaihan ni Ton” na may 2,800 na miyembro. Isa ring youth mass organization ang kanya raw binuo at tinawag na “Kabataan Kaibigan ni Ton.” Hindi makumpirma ng LB Times ang kasalukuyang estado ng mga nasabing organisasyon.
Sa Unang Termino (2010-2013)
Bago pa man unang mahalal sa pagka-alkalde si Genuino noong 2010, patong-patong na kontrobersiya na ang naglabasan patungkol sa kanya. Ilan sa mga ito ay ang akusasyon ng pagbili niya ng boto sa kasagsagan ng kampanya noong 2010 at ang diumano’y pamimigay ng kanyang grupo ng P500 sa mga residente ng Brgy. Mayondon. Hanggang ngayon, nanatili lamang ang mga ito na alegasyon.
Naharap din siya sa disqualification case na isinampa sa Commission on Elections (COMELEC), halos tatlong linggo bago ang halalan noong 2010, ayon sa ulat ng Philippine Star. Ito ay sa kadahilanang kaduda-duda diumano ang kanyang pagiging isang bona fide na residente ng Los Baños. Ngunit na-dismiss ang kaso at natuloy naman ang kanyang pagtakbo sa pagka-alkalde.
Noong 2010, opisyal na iprinoklama ng COMELEC ang pagkahalal ni Genuino bilang bagong alkalde ng Los Baños, matapos siyang makakuha ng 17,658 na boto.
Ang kanyang mga nakalaban sa pagka-alkalde noong panahon na iyon ay sina: dating bise alkalde Procopio Alipon (Nacionalista Party), dating alkalde na si Francisco Lapis (Liberal Party), Christopher Rompo (Independent), at Servillano Olleta (Independent). Ang naging bise alkalde naman ni Genuino ay ang kanyang running mate din ngayong 2022 na si Josephine Sumangil-Evangelista.
Ilan sa kaniyang naging plataporma ng terminong iyon ay ang 5K Program na ukol sa KALUSUGAN (Health and Nutrition), KABUHAYAN (Job Generation and Livelihood), KARUNUNGAN (Skills Training and Quality Education), KAPAYAPAAN (Law Enforcement and Peace & Order), at KINABUKASAN (Sustainable Development Plans).
Sa 2012 Inquirer column ni Prof. Linus Plata, isang residente ng Los Baños at kasalukuyang nagtuturo sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), minsan niya nang tinanong si Genuino tungkol sa kanyang plano ukol sa pagpapabuti ng edukasyon, kabuhayan, at kalusugan ng mga residente ng Los Baños. Nakakuha naman daw ang propesor ng sagot; pero aniya, ilang taon daw ang lumipas pero tila napako ang mga pangako nito para sa mga residente.
“But about two years have passed, and the last thing you do to your people is to make them wait,” sulat ni Plata.
(Halos dalawang taon na ang nagdaan at ang huling bagay na dapat mong gawin sa mga tao ay ang paghintayin sila.)
Naging kontrobersiya rin ang pagpatay sa ilang estudyante ng UPLB noong 2011 sa panahon rin ng termino ni Genuino, na sinundan pa ng iba’t ibang pamamaslang sa komunidad. Nangyari ang mga krimen sa mismong loob at malapit sa unibersidad.
Ayon pa kay Plata, inilabas ng mga residente sa social media ang kanilang sama ng loob dahil sa kinahinatnan ng Los Baños sa ilalim ni Genuino. “UPLB students, in particular, are aghast at the Genuino administration’s inability to provide effective and consistent security measures on campus and outside,” sabi ni Plata.
(Mismong mga estudyante ng UPLB ang kinikilabutan dahil walang kakayahan ang administrasyon ni Genuino na makapaglunsad ng epektibo at tuloy-tuloy na hakbang panseguridad sa loob at labas ng campus.)
Ang Mga Alegasyon ng Korapsyon
Noong taong 2011, nagsampa ng kasong malversation of public funds ang mga opisyal ng PAGCOR laban kay Genuino, sa kanyang ama na dating chairman nito, at kapatid na si Erwin Genuino. Dawit din sa kaso sina dating PAGCOR Senior Vice President for Corporate Communications and Services Department, Edward “Dodie” King, at Mai Mai Tado na dating opisyal ng TRACE College.
Ito ay dahil sa diumano’y maling paggamit ng pampublikong pondo na higit sa P3.1 milyong halaga na mula sa ari-arian ng PAGCOR at donasyong bigas ng Aruze Corporation. Ginamit diumano ito sa pangangampanya ng dalawang magkapatid na Genuino noong halalan 2010, ayon sa ulat ng PAGCOR. Ang donasyong bigas naman mula sa Aruze Corp. ay para sana sa mga nasalanta ng bagyong Frank noong 2008.
Nadismiss naman ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Matatandaan din noong 2012, nagsampa ng reklamo ang dating konsehal na si Jay Rolusta at dating alkalde na si Francisco Lapis laban kay Genuino, kasama pa ang siyam na lokal na opisyal ukol sa diumano’y kaduda-dudang inutang nila na nagkakahalagang P91 milyon sa Land Bank of the Philippines para sa pagpapatayo ng bagong munisipyo.
Ayon sa ulat ng Inquirer.net, nakasaad sa reklamo ni Rolusta at Lapis ang akusasyong falsification of public documents at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang magpasa sina Genuino ng ordinansa para makautang ng hindi umano dumaan at inaprubahan sa sesyon ng konseho noong 2012.
Inutusan naman ng Office of the Ombudsman si Genuino at ang kanyang mga kasama na magpaliwanag ukol sa reklamong ito. Tumugon naman ang kampo nila Genuino.
Sa unang episode ng kanyang video series na “Ako si Ton,” ipinahayag niyang marami na siyang naharap na pagsubok sa panunungkulan niya bilang isang alkalde. Ilan din sa kanyang mga plataporma ang hindi niya naisakatuparan dahil sa aniya ay kakulangan umano ng budget at dahil sa maikling termino. Aniya ay nanghihinayang siya sapagkat alam niyang marami pa siyang dapat isakatuparan at gawin sa bayan ng Los Baños.
Bagama’t hindi daw naging madali ang panunungkulan ni Genuino sa bayan ng Los Baños, sinubukan muli ni Genuino na tumakbo sa pagka-alkalde noong 2013 ngunit siya ay nabigo. Tinalo siya noon ni dating Los Baños mayor Caesar Perez na ngayon ay yumao na.
Matapos siyang matalo noong 2013, hindi na muna tumakbo sa kahit anong posisyon si Genuino. Namuhay muna siya bilang isang pribadong indibidwal.
Pagbalik sa Poder
Bagama’t hindi naging madali ang pinagdaanan ng noon nang naging alkalde, para raw kay Genuino ay mahalaga na ipagpatuloy ang nasimulan na niya sa kabila ng mga balakid na posible na naman niyang harapin. Kabi-kabilang anomalya at isyu ang ilan sa mga hinarap niyang pagsubok sa kasagsagan at pagkatapos ng termino niya bilang alkalde.
Ibinahagi niya na noong unang taon niya ng panunungkulan, taong 2010, siya ay sinalubong ng dalawang napakahalagang hamon sa kanyang buhay. Kasabay ng pagsilang sa kanyang una at panganay na anak, siya na rin ang umupong ama ng Los Baños.
Sa “AKO SI TON: Episode 4,” mapapanood ang opisyal niyang pagdeklara ng muling pagtakbo sa pagka-alkalde. Ibinahagi niya rin dito ang tatlong rason kung bakit nais niya muling kumatok sa mga puso ng mga Los Bañense.
Una rito ay ang kanya raw kagustuhan na ituloy ang sandaling termino noong siya ay umupo noong 2010 hanggang 2013. Nais niya raw ituloy ang mga plano at programang noon pa lamang ay pinapangarap na niya para sa bayan.
Isa pa raw sa kanyang mga rason ay ang kagustuhang madagdagan ang kapasidad na makatulong sa mga mamamayan. Sa kanya raw pananatili sa pribadong sektor matapos ang termino, marami ang lumapit sa kanya upang humingi ng tulong lalo na sa kasagsagan ng pandemya. Aniya, bagama’t nais niyang magbigay ng higit pang tulong, hindi raw ito sapat at mayroon siyang kakulangan sa resources para maipagpatuloy ito.
At ang huli, nais daw ni Genuino na makilala at maging isang halimbawa ang bayan ng Los Baños, hindi lamang sa lokal o nasyonal na antas, kundi maging sa buong mundo na rin. Ito ay sa pamamagitan aniya ng pagsulong ng mas progresibo at bagong Los Baños, kung saan bibigyan daw ng halaga ang potensyal, kultura, at naglipanang oportunidad para aniya sa bawat mamamayan.
Sa nakalipas na sampung taon, naranasan ni Genuino ang maging isang pampublikong opisyal at ang bumalik sa pribadong sektor. Ayon sa mayor-elect, nakita niya ang pamamalakad sa bayan ng Los Banos magmula sa dalawang magkaibang lente.
Kaakibat ng long-term vision at maayos na pamumuno, naniniwala daw si Genuino na sapat na ang kanyang kaalaman at kakayahan upang maibigay ang “tunay na pagbabago” sa Los Baños. Kaya sa ikalawang pagkakataon, inaasahan daw niyang sasamahan muli siya ng mga Los Bañense tungo sa pinapangako niyang kaunlaran.
Ang boses ng mga Los Bañense
Sa opisyal na pagproklama sa mga bagong lider ng Los Baños, ipinahatid ng mga Los Bañense ang kanilang saloobin sa pagkakapanalo ng mga ito, partikular na sa magiging termino ni Genuino. Halo-halo namang reaksyon ang natanggap ng uupong alkalde.
“Okay lang naman, kasi yun din ang binoto ng karamihan,” sabi ni Marilou Buhat, 52, residente ng Los Banos. Dagdag niya, basta hatid daw nito ay pagbabago, kampante na siya sa pagkapanalo ng alkalde.
Ani naman ni Pat, 21, estudyante sa Los Banos, hindi raw siya kuntento sa pagkapanalo ng alkalde sapagkat maraming pangako ang napako noong unang termino nito.
Sana ay gampanan din daw niya ni Genuino ng mabuti ang tungkulin niya bilang mayor. “At sana mag-focus siya dun sa mga tao na nangangailangan ng tulong. Tulad ng nangangailangan ng health benefits, lalo na sa mga senior citizen,” sabi ni Pat sa LB Times.
Sa susunod na bahagi ng two-part special report na ito, isa-isang bubusisiin ng LB Times ang mga platapormang ipinangako ni Genuino noong kasagsagan ng kampanya.
Ang istoryang ito ay bahagi ng 2022 Post-Election Series na binuo ng LB Times.