Bakas ng Pagtindig: Mga Testimonya ng First-time Voters mula sa UPLB

Ulat nina Ma. Rose Fritchelle Custodia at Maria Thresha Ursolino

Makasaysayan ang mga unang buwan ng taong 2022 sa Pilipinas. Nasaksihan ng lahat ang malawakang kampanya ng magkakaibang panig—mula sa simpleng pagbabahagi ng impormasyon sa social media hanggang sa pag-oorganisa ng makukulay na rallies sa kani-kanilang mga lugar. Damang-dama sa masigasig na pakikibaka ng mga Pilipino ang pag-ukit ng kapalaran ng bansa sa susunod na anim na taon..

Batay sa datos ng COMELEC, humigit-kumulang apat na milyong Pilipino ang unang beses na bumoto  ngayong taon. Karamihan rin sa mga nagparehistro ay kabataang edad 18 hanggang 21.

Kabilang sa mga first-time voters ang ilang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños na sina Princess Planes mula sa Northern Samar, Louie Santos mula sa Cagayan de Oro City, Ramon “RC” Garcia mula sa Cavite, at Aira Macatangay mula sa Pasig City.

Bitbit nila ang iba’t-ibang kwento ng pakikiisa sa Eleksyon 2022, kasama ang mithiing magkaroon ng isang maayos na hanay ng pamunuan para sa kinabukasan ng lahat ng Pilipino.

Bolunterismo at paglubog sa masa

Isang malaking desisyon para sa “introvert” na katulad ni Princess, isang estudyante ng BS Biology, ang aktibong makilahok sa kampanya sa loob ng mahigit apat na buwan. Ibinahagi niyang  noon ay wala siyang balak  sumali sa mga usapin at gawaing pampulitika dahil masyado raw itong magulo.

Ngunit, sa kagustuhang magbahagi ng tamang impormasyon sa kanyang mga kababayan, sinubukan niyang sumali sa isang samahan ng mga kabataang volunteer sa kanilang lalawigan. “Nag-start po kami noong December sa simbang gabi. Namigay po kami ng lugaw kada misa tapos nagtuloy-tuloy na hanggang sa bago mag-eleksyon,” kwento ni Princess.

Ilan pa sa mga aktibidad na kanilang isinagawa ay ang pagparada, fellowship, house-to-house campaign, at grand rally para sa sinusuportahan nilang mga kandidato.

Isa si Princess sa mga organizer ng tatlo sa mga nabanggit na aktibidad. Ikinagalak niya ang mabigyan ng pagkakataong makisalamuha at makapagtrabaho kasama ang iba pang volunteers na katulad niya ang hangarin. “Ang dami ko ring na-meet na naging bagong friends ko doon sa mga events na ‘yun,” dagdag pa niya.

Bagong karanasan din para kay Princess ang pakikipag-usap sa mga tao sa kanilang pagpunta sa mga komunidad. Bagama’t siya ay mahiyain, natutuwa siyang magbahagi at makipagkwentuhan sa ibang tao, lalo na sa mga hindi naaabot ng mga mahahalagang impormasyon sa internet.

Sa kabila ng pagiging volunteer, isa pa rin siyang estudyanteng may responsibilidad sa kanyang pag-aaral. Ayon kay Princess, naging hamon sa kanya ang huling dalawang linggo bago ang eleksyon dahil tumatambak na ang mga gawaing kailangang ipasa.

“Parang nanaig muna ‘yung pagsama ko sa house-to-house kasi sabi ko, ‘yung acads kaya ko naman sigurong mahabol bago matapos ang sem, pero ‘yung eleksyon, malapit na, tapos six years ‘yung nakataya do’n,” pagbabahagi ni Princess.

Nang matapos ang eleksyon, binalikan naman niya ang mga naiwang gawain sa kolehiyo. Bagama’t may bigat sa paghahabol, hindi raw siya nagsisising nanindigan siya at nagbahagi ng kanyang sarili para sa bayan hanggang sa huling araw bago ang eleksyon.

Paglilingkod sa gitna ng aberya at pagdududa

“Gusto ko pa.” 

‘Yan ang sagot ni RC, Batch 2021 mula sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran, nang tanungin siya tungkol sa karanasan nya sa pagiging volunteer field reporter para sa Bantay Halalan Laguna 2022 sa mismong araw ng eleksyon.

Hindi na nga raw nya nalasap ang karanasan sa pagboto sa pagmamadaling makapag-ere ng report. Hindi nya kasi inaasahang aabutin siya nang dalawang oras sa pagpila na siyang bumangga sa oras ng kanyang shift. Kalaunan pa’y nagkaaberya rin ang Vote Counting Machines (VCM) sa kaniyang presinto. Gayunpaman, mas naging dahilan pa raw ang mga  ito para kay RC na mas paigtingin pa  ang pagbabantay at pagbabalita sa ginaganap na halalan. 

Nagsimula si RC na maging volunteer noong Disyembre 2021. Maingay ang suporta ni RC sa social media, bilang parte sya ng Literary and Research Committee ng kanilang opisyal na Facebook Page ng kanyang sinusuportahang kandidato. Abala rin silang volunteer sa pagsasagawa ng programa, pagkabit ng mga banderitas sa mga poste ng ilaw, at matiyagang pag-house to house sa iba’t-ibang barangay. Ani niya, noong papalapit na ang eleksyon ay biglang lumobo ang bilang ng sumasama sa kanilang core group. 

Mangilan-ngilang gusot din ang dinaanan nya bilang volunteer. Kasama ng kaniyang panghihimok sa mga kabarangay ay ang pangmamata sa kaniyang pananaw gaya ng nakausap niyang isang guro. “Sinabihan ako na mas matanda siya, bilang principal mas may alam daw siya sa amin sa history,” ani RC.

Mas naging emosyonal din si RC nang ilarawan niya ang kaniyang naramdaman matapos bumoto. “As a first time voter, excited ako sa pamumuno na alam kong deserve ko, deserve ng lahat ng Pilipino. Satisfied ako na ginamit ko yung rights ko para bumoto.” Ipinagmamalaki niya ring naglaan siya ng oras para kilatisin ang mga track record ng mga kandidato. 

Mga botante sa Pasig pumipila sa isang presinto noong ika-9 ng Mayo. (Litrato ni Ma. Rose Fricthelle Custodia)

Simpleng ‘ambag’ sa bayan

Huling dalawang araw na lamang ng registration period nang magpasya ang BS Nutrition student na si Louie at ang kanyang kapatid na magparehistro para makaboto sa Eleksyon 2022. Ayon sa kanya, ito ang kanilang ambag para sa maayos na kinabukasan ng bansa.

Isa si Louie sa mga kabataang tumindig kahit sa pinakasimpleng paraan. Hindi man siya nakapag-volunteer dahil na rin sa iba pa niyang responsibilidad sa bahay at kolehiyo, nagpatuloy naman siya sa panghihikayat ng ilan sa kanyang mga kaibigan at kapamilya na bumoto ng pinunong may malinis na track record at kongkretong plataporma.

Para sa kanya, nakalulungkot din ang malawakang pagkalat ng maling impormasyon sa social media, lalo na’t marami ang nabibiktima ng mga ito. Ibinahagi rin ni Louie ang stress na dala ng social media nitong mga nakaraang buwan dahil sa ilang argumento ng ibang Pilipino na walang sapat na basehan at minsa’y may kasama pang red-tagging o ang pag-aakusa sa mga tao bilang komunista o terorista kahit walang ebidensya.

Sa kabila nito, ang kampanyang bunga ng bolunterismo ang nagbigay sa kanya ng pag-asa bago ang araw ng eleksyon. “Compared sa ibang elections, makikita mo talaga na iba ‘yung naging campaign ngayon. Sobrang naging active, kahit ‘yung mga hindi pa makakaboto, kaya nakakatuwa. Mas na-look forward ko ‘yung elections dahil do’n,” wika niya.

Katulad ni Louie, ginamit ni Aira, isang freshman mula sa College of Veterinary Medicine, ang kanyang social media accounts upang magsiyasat at magbahagi ng impormasyon.

Aminado siyang hindi siya ganoong kaaktibo sa volunteer groups ngunit nakadalo siya sa isa sa mga rallies at isang Miting de Avance ng sinusuportahan niyang mga kandidato. Ani ni Aira, mas napagtuunan niya ng pansin ang mga plataporma ng mga nasyonal na kandidato at hindi gaanong maalam sa mga konsehal nila sa lokal na siyudad. Dahil dito, iniwan na lamang niyang blangko ang ilan sa labindalawang pwesto ng senador at konsehal.

Naibahagi rin niya na ang motibasyon niya sa pagpili ng mga lokal na kandidato ay naka-angkla sa rekomendasyon ng mayor na kanyang tinatangkilik dahil naniniwala siya sa gobyernong isinusulong ng kampo nito.

Sa dalawang oras na pagpila ni Aira para bumoto, ilan sa kanyang naging obserbasyon sa mga kapwa naghihintay ay ang patuloy na paghimok sa mga botante at pangangampanya sa kani-kanilang  kandidato pati na rin ang usapan ng mga poll watcher na representante ng bawat kandidato. “Nakikinig ako sa discussions ng mga seniors, pino-promote nila yung mga konsehal kase kakilala raw nila. Tapos, meron po palang bayad yung watchers ng isang kandidato? Akala ko po ay volunteers sila.” 

Walang aberya sa VCM ang kaniyang presinto kaya madali ang kaniyang pagproseso. Hindi naitago ni Aira ang pagkamangha sa tintang inilagay sa kaniyang hintuturo. “Mga ilang oras ko rin siyang tinitigan. Nakatutuwang maramdaman, nakaka-mature, feeling ko isa akong responsableng mamamayan”, dagdag niya.

Habang hinihintay ang paglabas ng inisyal na bilang ng mga boto, sinulit ni Aira ang voters’ promo discounts ng ilang restaurants kasama ang kaniyang mga kaibigan. 

Maipagmamalaking tinta

Ilang oras din ang inilaan ng mga first-time voters sa pagpila, kasabay pa nito ang mainit na panahon. Nakakapagod man, hindi nito mapapantayan ang galak at pag-asa pagkatapos malagyan ng tinta ang daliri bilang tanda ng pagboto sa unang pagkakataon.

Subalit, noong araw ding iyon ay unti-unti nang ipinakita ang naging pasya ng taumbayan. Katulad man ito ng mga numerong inilalabas ng mga survey sa mga nakaraang buwan, hindi pa rin inaasahan ng marami na magiging ganoon ang resulta.

Ayon sa partial and unofficial results mula sa COMELEC, nangunguna bilang pangulo at bise ang tambalang Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte. Magkahalong saya at pangamba ang mababanaag na reaksyon sa mga tao sa social media. 

Para kay Louie, ano man ang maging kalabasan ng eleksyon, kailangang ipagpatuloy ang paglaban para sa bayan.  “As a Filipino youth, sabi nga parang something sparked noong campaign, kaya siguro I’ll try my best to be part of that through fighting disinformation, tutuloy sa pag-aaral, ipaglalaban ‘yung nararapat para sa mga mamamayan, and tumulong sa mga gawain na alam kong makakatulong sa Pilipinas.”

Masaya namang ibinahagi ni Princess ang plano nilang ipagpatuloy ang kanilang mga nasimulan kahit tapos na ang kampanya. “Ang dami rin po kasing youth dito na willing mag-volunteer para sa environment kaya naisip rin namin na doon naman mag-focus sa mga susunod na buwan at taon,” wika niya.

As a first time voter, natutuwa ako kase may mga kasama akong tumindig na mga first time voters din na kapareho kong naniwala.” Puno ng pag-asang sinambit ni RC ang higit na kahalagahan ng pakikiisa tungo sa mas maunlad na bansa.

“Ngayong mas dumilim, mas kailangan tayo, ‘yung mga maninindigan.”

Litrato ni Martin Louise Tungol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.