Ano-ano Nga ba Ang Mga Plataporma ni Genuino Para sa Los Baños?

“Bagong Los Baños, Bagong Mukha.” Iyan ang sigaw ng mga tagasuporta ni mayor-elect Anthony Genuino noong kampanya. Pero, ano-ano nga ba ang babaguhin at ano ang ipagpapatuloy niya sa kanyang muling pag-upo bilang alkalde ng Los Baños? 

Sa ikalawang parte ng aming special report, alamin ang mga inilatag na plano ng bagong halal na alkalde para sa susunod na tatlong taon. 

Basahin ang unang bahagi ng aming ulat: Kilalanin si Mayor-elect Anthony Genuino, ang Muling Mamumuno sa Los Baños

Ulat nina Cedric Allen Katigbak, Quinzhy Jimenez, at prinoduce ni Lawrence Neil Sagarino

Pagkatapos kilalanin ang bagong pinuno ng Los Baños na si Anthony “Ton” Genuino” at busisiin ang kanyang track record, tinignan naman ng LB Times ang mga platapormang kanyang ibinida noong kampanya. ‘Progresibo at bagong Los Baños’ ang naging sentro ng kampanya ni Genuino, na nag-udyok sa 23,752 na botante na siya ang piliin bilang susunod na alkalde. 

Ayon sa Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991, responsibilidad ng isang alkalde ang mga sumusunod: magpatupad ng mga batas at ordinansa sa munisipalidad o lungsod; i-supervise at isagawa ang mga programa, proyekto, serbisyo, at aktibidad; magkalap ng buwis at iba pang pangangailangan upang magamit sa implementasyon ng mga plano at proyekto; at siguraduhing mayroong accessible na serbisyo at sapat na pasilidad para sa lahat ng mamamayan sa munisipalidad.

Bilang pinakamakapangyarihang opisyal ng bayan, malaki ang posibilidad na ang plataporma ni Genuino ang magiging prayoridad ng lokal na pamahalaan sa susunod na tatlong taon. Dagdag pa rito, kaalyado rin ni Genuino sa BIGKIS noong kampanya ang nanalong vice mayor na si Josephine Sumangil-Evangelista. 

Kaalyado rin niya ang inihalal na konsehal na sina Leren Mae Bautista, Marlo Alipon, Jonathan Bryan Siytiap, at maging si Mike Dexter Concio. Ang mga opisyal na ito ang ilan sa bubuo ng Sangguniang Bayan na responsable sa pag-apruba ng mga ordinansa, pagpapasa ng mga resolusyon, at pagkakalap ng buwis para sa mga programang pangkaunlaran.

Ano nga ba ang dapat asahan ng mga residente ng Los Baños sa termino ni Genuino? 

Sa campaign vlog episode na pinamagatang “Platapormang PANALO TON!” inilahad ni Genuino ang mga kasalukuyang isyu sa bayan at inilatag ang kaniyang mga plataporma upang masolusyunan aniya ang mga ito. Noong kampanya, ang mga planong kaniyang binanggit ay hinati sa siyam na bahagi, na naka-angkla sa siyam na sektor at aspeto ng kaunlaran.

Kalusugan

Isa sa mga pangunahing isyu na binanggit ni Genuino ay ang kawalan ng pampublikong ospital sa bayan ng Los Baños. Ayon sa mayor-elect, ang mapupuntahan lamang daw ay ang mga pribadong ospital na hindi abot-kaya ng mga ordinaryong mamamayan. Kaya sa aspeto ng kalusugan, nilalayon ni Genuino na: 

  • Magpatayo ng mga bagong ‘ambulatory clinics’ sa key locations sa Los Baños na malapit at mura para tumugon sa mga emergencies.
  • Magkaroon din daw ng mga ‘Bagong Botika ng Barangay’, kung saan makakabili ng mas abot-kayang gamot, na pwede umanong direktang kunin sa mga pharmaceutical companies, sales representatives, at  manufacturers.
  • Magtalaga ng ‘Sagip Buhay E-trikes’, bilang alternatibong ambulansya sa panahon ng emergencies, upang makakapasok sa mga masisikip na kalsada.

Bayan Development

Inobasyon at teknolohiya naman ang naging sentro ng mga plataporma ni Genuino sa aspeto ng ‘bayan development’. Nabanggit niya ang mga sumusunod na plano na gusto niyang isakatuparan sa kanyang termino:

  • Pagpapalit ng plastic pipes sa water system ng bayan upang masigurong ligtas ang iniinom at ginagamit na tubig. Ayon kay Genuino, kinakalawang na raw kasi ang mga metal pipes na kasalukuyang ginagamit sa Los Baños.
  • Pag-install ng water heaters sa bawat tahanan upang makatulong daw sa mga pang-araw-araw na aktibidad at pakiramdam.
  • Pagtatayo ng modernong public cemetery upang matugunan ang suliranin ng masisikip na sementeryo. Pagbibigay din ng burial assistance upang makatulong sa gastusin ng mga naulilang pamilya.
  • Pag-modernize ng mga transaksyon sa gobyerno, pagtanggal ng ‘red tape’, at pagsulong sa online transactions upang mapabilis ang proseso nang hindi na kailangan magpalipat-lipat pa ng opisina o ahensya.

Kabataan at Senior Citizen

Ang concern naman ng humigit-kumulang na 1,000 working solo parents ang tututukan ni Genuino sa kanyang mga programang nakapokus sa mga kabataan. Kasama rin daw dito ang kapakanan at kalusugan ng mga lolo’t lola sa bayan. Kabilang sa kanyang mga programa para sa kanila ay ang mga sumusunod: 

  • Pagpapatayo ng ‘children’s center’, na kahalintulad ng isang day care center, kung saan aniya’y maaaring ipaalaga ng mga working parents ang kanilang mga anak sa mga trained staff na magpapakain at magtuturo sa mga bata. 
  • Pagsisimula ng ‘senior care centers’ na magiging one-stop leisure complex ng mga senior citizens upang maglibang, mag-ehersisyo, at magpakonsulta sa doktor.
  • Ipapatupad din daw ni Genuino ang early retirement at annual birthday benefits sa mga senior citizens na may kasamang tulong medikal tulad ng libreng check up at bitamina. 

Turismo 

Pagbibigay naman ng ‘Los Baños Experience’ sa mga turista ang nais makamit ni Genuino sa pamamagitan ng kanyang mga programang pangturismo. Kabilang dito ang: 

  • Pagpapaganda ng mga ‘welcome signs’ at ‘boundaries’ ng bayan.
  • Paglalagay ng mga modernong waiting sheds sa key areas na ayon sa kanya’y magpapakita ng maayos ng transport system at proteksyon sa mga tao. 
  • Pagsisimula ng iba’t ibang beautification projects sa pakikipagtulungan sa mga mamamayan at negosyante.
  • Pagpapagawa ng mas malawak at patag na national roads.
  • Paglulunsad ng mas pulido at kasabik-sabik na mga local festivals.
  • Renovation ng public market upang maging mas maaliwalas daw ito at magmukhang ‘dampa style’, kung saan maaari umanong ipaluto at kainin agad ang mga ipinamili.
  • Pagbebenta ng mga ‘Elbi’ local goods sa pamamagitan ng ‘vendo machines’.

Agrikultura at Kabuhayan 

Kilala ang bayan ng Los Banos bilang Special Science and Nature City hindi lamang dahil sa pagkakaroon ng magandang likas na yaman ngunit pati na rin sa kung paano pinapahalagahan ng bayan ang parte ng agrikultura at kabuhayan. Gustong pagtuunan ng bagong halal na alkalde kung paano masosolusyonan ang kontaminasyon ng Laguna de Bay. 

Ayon daw sa mga magsasaka ng Los Baños, ito ay isang malaking problema para sa kanilang sektor dahil kahit maraming isda ang nahuhuli, hindi ito sariwa at ligtas para kainin. Ang mga plataporma ng administrayong Genuino para sa sektor na ito ay ang mga sumusunod:

  • Isusulong daw ni Genuino ang in-land fishponds na itatayo sa mga bakanteng lote upang maging kontrolado ang breeding process ng mga isda at makabawas sa trabaho at gastos ng mga mangingisda; at mas garantisado raw ang magiging kita nila.
  • Pagbibigay ng modernong equipment na makakapag-ayos ng proseso ng pagtatanim, pag-aani, at pag-aangkat. Kasama na rito ang pagsasaayos ng mga modernong speedboats na unang ginamit daw noong kanyang unang termino.
  • Pag-aayos ng demand at supply chain sa bayan na may tuon sa agrikultura.
  • Siguraduhing may kabuhayang ang mga mga may kapansanan o People With Disabilities (PWDs) sa bayan. Dapat aniya itong maging social responsibility ng bawat local establishments; kaya magiging patakaran daw sa bayan ang pagbibigay ng trabaho at oportunidad para sa mga residenteng PWDs.

Imprastraktura 

Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan sa mga taong dumadaan sa bayan ng Los Baños ang matinding problema sa trapiko dala ng dami ng mga commuters at pampubliko at pribadong sasakyan na dumadaan sa mga major roads ng bayan araw-araw.  Isa pa raw problema na nakikita ng mayor-elect ay tila hirap ng mga tao sa pagtawid sa kalsada. Kaya naman ang solusyon ni Genuino para dito ay:

  • Pagpapatayo ng mga modernong footbridge na mayroong built-in escalators para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga mamamayan, lalo na ng mga senior citizens.
  • Rehabilitasyon ng mga pathways at daang pantao sa mga purok.
  • Pagkakaroon ng drainage systems upang maiwasan ang pagbaha. 
  • Pagkakaroon ng mga bagong barangay roads.

Edukasyon

Isang dagok para sa sektor ng edukasyon ang pagkawala ng interes ng mga mag-aaral sa pagbasa at pag-aaral dahil sa kahirapan. Marami sa mga kabataang ito ay kinakailangang magtrabaho at kumita ng pera upang makatulong sa kani-kanilang mga pamilya. Ito ang mga solusyon ng administrasyon ni Genuino para sa sektor ng edukasyon:

  • Maibalik ang interes ng mga mag-aaral sa pagbabasa sa tulong ng ‘Bahay Kubo libraries.’ Itatayo raw ito sa bawat barangay upang magkaroon ang bawat mag-aaral ng libreng access sa mga libro, kung saan gagabayan sila ng trained volunteers sa pagbabasa. 
  • Pamamahagi ng libreng school supplies upang makabawas sa gastusin ng mga magulang sa Los Baños.
  • Pagtatayo ng free Wi-Fi sa mga key areas ng bayan tulad ng mga pampublikong lugar, eskwelahan, pamilihan, mga kainan, mga dormitoryo, at barangay. Ito ay para raw makatulong sa online classes at research ng mga estudyante.
  • Pagbibigay ng bagong teachers’ benefits tulad ng discounts sa mga establisyemento sa Los Baños.
  • Pagkakaroon ng “School Support Programs” na naglalayong pataasin ang antas ng edukasyon sa bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo upang ayusin ang mga pasilidad, amenities, at supply sa paaralan.

Kapayaan at kaayusan 

Maraming bahagi pa rin sa bayan ng Los Baños ang madilim pagsapit ng gabi kaya naman ito ay takaw-aksidente, panganib, at mga krimen. Upang magkaroon ng kapanatagan ng loob ang mga residente, ang tugon ni Genuino ay ang:

  • Pagpapatuloy ng mga pailaw projects upang maging mas maliwanag at ligtas daw ang bawat sulok ng bayan sa panganib na dulot ng kawalan ng sapat na ilaw sa mga kalsada.
  • Pagkakaroon ng dagdag na training at equipment para sa mga barangay tanod upang maging epektibong katuwang ng mga kapulisan; kasama na rin dito ang pag-iikot ng patrol cars na 24 oras na roronda sa bayan.
  • Pagsusulong ng ‘public transport identification system’ upang mapaigting daw ang kaligtasan at magkaroon ng record ang pagsakay ng mga commuters.
  • Mas pinaigting na kampanya kontra droga upang mapangalagaan daw ang mga mag-aaral, kabataan, propesyonal, at mga mamamayan ng Los Baños.

Kalikasan

Ayon sa kanyang vlog series, sinabi rin ni Genuino na ang Los Baños ay may kakayahang umunlad bilang isang ‘modern city.’ Ngunit sa pagkamit nito ay tumataas daw ang vehicle pollution na makakasama sa ating kalikasan. Ang kanyang mga solusyon para sa usapin ng kalikasan ay ang mga sumusunod:

  • Pagsulong ng biking lifestyle sa bayan: pagkakaroon ng mga bike stations sa key areas ng bayan at paglalaanan ng biking lanes upang mas maraming mamamayan daw ang maengganyong gumamit ng bisikleta na hindi lamang makakatulong sa kalikasan kundi sa pansariling kalusugan na rin ng mga mamamayan.
  • Paglalagay ng maraming basurahan sa buong bayan upang maiwasan ang pagkakalat ng basura sa kalsada.
  • Pagpapaigting sa “No Plastic Policy” sa pamamagitan ng paghigpit sa implementasyon nito sa mga lokal na establisyimento.
  • Simulan ang research and development sa paggamit ng iba pang maaring pagkunan ng enerhiya tulad ng solar energy na makakabawas aniya sa gastusin ng bayan.

Sa mga naipakitang datos ni Genuino, makikitang ang mga naging plataporma ay buhat ng pagsasaliksik at konsultasyon sa iba’t ibang sektor. Karamihan ay nakatuon sa imprastraktura at may ilan na nangangailangan ng direktang partisipasyon ng mga mamamayan. Mayroong mga programang bago at sisimulan pa lamang, at mayroon ding pagpapatuloy ng mga kasalukuyang proyekto. 

Hindi natapos noong Mayo 9 ang responsibilidad ng mga mamamayan. Ngayong mayroong nahalal na mga bagong pinuno ng bayan, magsisimula pa lamang ang pagbabantay — bantayan na ang lahat ng buwis ay mapupunta sa mga programa para sa mga mamamayan ng Los Baños; na mapahalagahan ang karapatan ng mga residente; at ang mga pangako noong kampanya ay maisakatuparan.

Katulad ng pag-ere ng ilang mga taga-Los Baños sa mga isyung nabanggit noong kampanya pa lamang, bukas ang social media upang maging lugar ng diskusyon sa mga problema sa bayan. Nandyan din ang mga tanggapan ng gobyernong minandato na pagsilbihan ang mga mamamayan.

Sa pamamagitan ng aktibong pakikialam at partisipasyon, masisigurong lahat ng taga-Los Banos ay mapaglilingkuran; at, sa proseso ng kaunlaran, ay walang maiiwan. 

Ang istoryang ito ay bahagi ng 2022 Post-Election Series na binuo ng LB Times. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.