Ulat nina Naomi Unlayao at Xandra Villareal
“Nakakahawa ang bolunterismo.” Ito ang naging sagot ni Sarah Pasao, 19 na taong gulang, isang volunteer at coordinator ng Kabataan Partylist (KPL)-Laguna Chapter nang tanungin siya kung ano ang ibig sabihin ng bolunterismo para sa kanya.
Ayon din kay Althea Castañeda, 21 taong gulang at isang volunteer ng Youth Vote for Leni, instrumento niya ang pagvo-volunteer upang makibahagi sa mga nangyayari sa lipunan.
Naihalal na ang mga bagong lingkod bayan at lider ng mga probinsya, lungsod at maging ng ating bansa. Gaya ng mga nakaraang eleksyon, mainit ang naging diskurso sa mga kandidatong ipinaglalaban ng bawat isa. Ngunit hindi maikakaila na ang sigaw at pagkilos ng taumbayan lalo na ng mga kabataan–sa lansangan at sa social media man–ang isa sa mga pinaka-tumatak sa nagdaang halalan. Ito ang kwento ng mga tumindig na kabataan sa Laguna at ang kanilang bolunterismo.
Ating Balikan, Bolunterismo sa 2022 Halalan
Iba’t-ibang paraan ng bolunterismo ang nasaksihan natin sa nagdaang eleksyon. Mula sa kampo nina Isko Moreno ay ang pagsulong sa Visayas at Mindanao ng “Bus ni Isko,” isang road campaign na pinangungunahan ng mga kabataang may layuning kumbinsihin ang kanilang kapwa kabataan na ‘lumipat’ at iboto si Moreno.
Nag-post naman ng pasasalamat online si dating senator Ping Lacson para sa mga volunteers na “pinapasok ang mga liblib.” Binigyang diin ni Lacson na maaaring ‘ nasa liblib na lugar ang mga botateng hindi gaano nalalapitan ng mga kandidato, kaya’t malaki ang pag-asa at tiwala niya sa volunteers na handang puntahan ang mga ito upang maihatid ang kanyang mga plano para sa magandang gobyerno, at para makahikayat pa ng mga botante.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng nakararami ang malawakang “Pink Movement” ng kampo ng Robredo-Pangilinan. Kabilang ang kabi-kabilang sorties at grand rally sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas na tampok ang mga volunteers na mga artista, beauty queen, indigenous groups (IPs) at mga magsasaka. Marami ring mga volunteers ang sinusuyod ang mga barangay sa kanilang maigting na house-to-house campaigns para maipakilala ang kanilang mga kandidato.
Naging lakas ng mga kandidato ang kanilang mga volunteers sa nagdaang halalan. Ngunit sino nga ba ang mga volunteer na ito at ano ang layunin ng kanilang bolunterismo?
Kwento ng Bolunterismo ng Kabataan
Nag-umpisang mamulat sa pagvo-volunteer sina Sarah at Althea dahil sa mga outreach programs na ginagawa sa kanilang school noon. Sa kanilang pagpunta sa mga orphanage, pamamahagi at pag-aayos ng relief goods para sa mga nasalanta ng kalamidad, at pakikihalubilo sa mga komunidad ay nabuhay ang kanilang pagnanais na makatulong. Nagkaroon sila ng kanilang sari-sariling mga adbokasiya at tumibay pa ang kanilang mga prinsipyo, lalo na sa mga isyung panlipunan.
Kaya naman hindi nakagugulat na ang pagvo-volunteer din ang naisip nilang paraan upang maka-ambag sa eleksyon na ito. Ito ang unang sabak ni Althea sa malawakang volunteer group. Nang tanungin kung bakit sa Youth Vote for Leni niya naisipang sumali, sagot niya ay “sobrang laganap ang fake news [tungkol kay VP Leni] kaya gusto ko ring mag-combat ng disinformation.”
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng kanyang pag-volunteer, sinisikap niyang mas maging aktibo at makibahagi sa mga pangyayari sa lipunan. Sa kanilang pagsasagawa ng house-to-house campaigns at paglapit sa mga komunidad, mithiin ni Althea na mahikayat pa ang iba na makiisa at makialam sa nangyayari sa ating lipunan bilang baguhang volunteer.
Sa kabilang banda, si Sarah naman ay tatlong taon nang volunteer ng KPL. Bilang miyembro ng partylist, malaki ang inaasahan ni Sarah sa magiging resulta ng eleksyon. Bukod sa pagnanais na maipanalo ang KPL sa kongreso at maikampanya ang kaniyang mga kandidato, may mas malalim pang layunin si Sarah.
“Mapaigting ang sektor ng edukasyon at ligtas na balik-eskwela,” ito ang mga panawagan niya. Sila ay nagsasagawa ng mga donation drives, basic mass integration (BMI), tutorial programs at pamimigay ng mga polyeto upang labanan ang disinformation. Ang lahat ng ito ay naglalayong isulong ang karapatan ng kabataan at mamamayang Pilipino.
Mga Pagsubok at Pangamba sa Pagtindig
Nabanggit din ni Sarah ang kanilang mithiing wakasan ang sistemang mapagsamantala. Halimbawa nito ay ang karahasang nararanasan ng mga aktibista at kabataang volunteers dahil sa redtagging. Parehong naranasan ito nina Sarah at Althea bilang mga volunteers. Ramdam nila ang laganap na negatibong pagtingin sa mga kabataang bokal sa kanilang pagtindig, katulad ng panre-red-tag sa karamihan ng UP at PUP students. Ibinahagi ni Althea na isa sa mga natutunan niya sa pagha-house-to-house ang hindi pagbanggit ng paaralang kanilang pinapasukan. “Nan-redtag pa na kinakalaban ng UP students yung government.”
Isa sa mga naging epekto ng redtagging ay ang kadalasang pagka-demoralisa ng ilang mga kabataang volunteers. Isa ito sa mga naging pagsubok ni Sarah at ng organisasyon. Ayon sa kanya, “maraming nagiging inactive dahil sa takot at pangamba na ma-redtag.” Ngunit dito pumapasok ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matibay at malalim na paniniwala sa prinsipyo bilang isang indibidwal at bilang kasapi ng organisasyon. Sa mga panahong nanghihina at nadedemoralisa, ang payo ni Sarah ay, “alalahanin mo lang kung para saan at para kanino ang ginagawa mo. Ito ay para paglingkuran ang sambayanan.”
Tuloy-tuloy na Pagtindig
Masasabi ni Sarah at Althea na ibinigay nila ang kanilang dugo’t pawis sa pagvo-volunteer nitong nagdaang eleksyon, pero alam din nilang hindi mawawakasan ng eleksyon at bolunterismo ang mga problema ng ating bansa. Nabanggit nga ni Sarah, “dumarami pa nang dumarami yung challenges as the years progress.”
Ngunit hindi sila pinanghihinaan ng loob, lalo na’t dumarami na ang mga kabataang namumulat at handang makiisa sa pagkamit ng kanilang mga layunin. Ramdam nila na hindi sila mag-isa sa kanilang pagtindig. Ayon nga kay Sarah, “ang bolunterismo ay isang kolektibong pagkilos.”
Mahalagang tunguhin ng bolunterismo ang pagsugpo sa mga gawaing mapanlinlang gaya ng disinformation at fake news. Ito ay masosolusyunan kung mayroong patuloy at malalim na pagkilos ang sambayanan. Dahil kolektibo ang diwa ng bolunterismo, at dahil ang bolunterismo ay hindi lamang nagtatapos sa eleksyon, ito ay dapat maging parte ng ating buhay. Nakahahawa man ang dilim, ay nakahahawa rin ang alab at ningas ng pagmamahal at katarungan.
Para sa mga interesadong sumali o maging volunteer ng Kabataan Partylist-Laguna Chapter, maaari silang i-contact sa kanilang Facebook Page: https://www.facebook.com/kpllaguna at pwede rin mag-message sa kahit sinong miyembro ng kanilang organisasyon.
Ang Youth Vote for Leni na ngayon ay Angat Buhay Los Baños ay maaari ring i-contact sa kanilang Facebook: https://www.facebook.com/AngatBuhayLB.
Litrato ni Althea Castañeda