Elbi Kwentu-juan: Anong Nangyari sa Paboritong Street Food Vendor Natin?

Ulat ni Ysobelle Lopez

Kasabay ng panandaliang pagsasara ng ekonomiya ng bansa noong kasagsagan ng pandemya ay ang pagkawala ng hanapbuhay ng ilan sa mga manggagawa sa iba’t-ibang sektor ng lipunan. Kabilang sa mga sektor na nahirapan nang dahil dito ay ang informal sector na kinabibilangan ng mga street vendor. Ang epektong ito ay nabatid sa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas; kabilang dito ay ang munisipalidad ng Los Baños.

Ang Tita Dhel’s ELBI Provenan ay isa sa mga kilala at paboritong street food kainan ng mga estudyante sa UPLB. Ilan sa mga tinitinda nila ay Calamares, Chicharon Bulaklak at Bituka, Butse, Fried Isaw, Kwek-kwek, Dynamite, Chicken Skin, at syempre hindi mawawala ang paboritong Proven. Isa ito sa pinakakilalang street food places na pinupuntahan ng mga estudyante tuwing hapon hanggang gabi. Ang kanilang pwesto ay matatagpuan sa may Raymundo.

TIGNAN: Kasalukuyang pwesto ng Tita Dhel’s ELBI Provenenan sa may Raymundo. (Litrato ni Gabriel Dolot/LB Times)

Maayos ang kanilang paghahanapbuhay bago magkaroon ng pandemya sa bansa ngunit noong kasagsagan ng pandemya, partikular noong lockdown, ay nahirapan ang mga gaya nila Tita Dhel sa kanilang paghahanapbuhay. Ayon sa kanila ay walang customer nang mga panahon na ‘yon kaya palagi lamang sila sa kanilang bahay. Huminto ang kanilang paghahanapbuhay ng ilang araw ngunit makalipas nito ay nagpatuloy sila sa online. Kalaunan naman ay pinayagan silang magbenta ngunit kinailangan pa nilang dumaan sa barangay checkpoint.

Ayon kay Tita Dhel, simula noon ay naging mas mahirap kumita ng pera dahil hindi tulad ng dati na nakabebenta sila nang lagpas sa isang kilong tinda, ngayon ay kaunti na lang halos ang kanilang kinikita. Sapat lang sa pangkain araw-araw ‘yung kanilang pinakatubo. Ang kakulangan din ng mga suking estudyante ang isa pa sa mga dahilan ng pagbaba ng kanilang benta.

“One-fourth. Kumbaga sa isang kilo, one-fourth nalang ang kinikita namin. Malaki yung nawala. Makakuha lang ng pangkain araw-araw ‘yun na ‘yung pinakatubo… Kakaunti lang halos. Okay lang kung may pasok eh hindi mo ramdam,” kuwento ni Tita Dhel sa LB Times. 

Hanggang ngayon ay wala pa ring face-to-face classes ang mga estudyante sa UPLB kaya kakaunti pa rin ang nabebentang street foods nila Tita Dhel. Sa kasalukuyan ay mga nag-oopisina sa loob ng UPLB ang kanilang karaniwang customer. Bukod pa sa kakulangan ng mga parokyano, isa rin sa mga dahilan ng kanilang sitwasyon ngayon ay ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Kabilang ang halos lahat ng mga kasangkapan sa pagbebenta nila Tita Dhel sa mga produktong patuloy na tumataas ang presyo. Ilan sa mga ito ay ang proven, harina, at lalong-lalo na ang mantika.

Sa kasalukuyan ay halos dalawampu’t-tatlong taon nang nagtitinda sila Tita Dhel ng mga street foods. Ang kanilang hanapbuhay ay sinubok at patuloy na sinusubok ng panahon kaya hinihiling nila na sana ay matupad daw ng susunod na administrasyon ang mga ipinangako nito. Sana rin daw ay maibaba ang presyo ng mga kasangkapan o ingredients ng kanilang mga tinitinda.

 “Katulad namin, di kami nagastos ng ganong kalaki sa pansahog, ngayon todo. Sana may mabago. Maraming naging pangulo ang sabi ay bababa,” sabi ni Tita Dhel. 

May hamon naman sila para sa lokal na gobyerno kung saan ang nanalong alkalde ay si Anthony “Ton” Genuino. Si Genuino ay una nang nahalal bilang alkalde ng Los Baños noong 2010. 

“Tingnan natin yung pagbabago. Siya [Genuino] naman ang malaki ang business dito sa Los Baños eh tignan natin sa kanya yung mga building na yan… Tignan natin ‘yung magagawa nila,” ani Tita Dhel.

 Isa lang si Tita Dhel sa maraming street vendor sa Los Baños na lubos na naapektuhan ng pandemya, lockdown, at patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Ngayong tapos na ang eleksyon, ang mga katulad niya ay humihingi ng atensyon mula sa mga bagong halal na opisyal ng lalawigan ng Laguna at ng bansa.

Para sa mga nasa Los Baños na nais mag-order ng mga street food sa Tita Dhel’s ELBI Provenan, maaari n’yong bisitahin ang kanilang Facebook Page gamit ang link na ito: https://www.facebook.com/Tita-Dhels-ELBI-PROVEN-1703198966567618. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.