Ulat nina Carmela Rose De Castro & Yra Bautista
Hindi mabibilang sa mga daliri ng kamay ang dami ng taong maagang pumila sa mga presinto upang bumoto noong ika-9 ng Mayo.Maraming mga botante ang naghintay nang matagal at nagtiis ng gutom at pagod upang matapos lang ang buong proseso ng pagboto.
Saksi ang mga botante ng Los Baños sa karanasang ito. May ilang nakaboto nang mabilis at maayos, ngunit ang karamihan ay nakaranas ng iba’t ibang aberya na siya ring naranasan sa ibang parte ng Laguna. Hindi maikakaila ang mga pagbabago sa sistema ng eleksyon, subalit hindi ito naging hadlang sa libo-libong mga botante na bumoto sa kanilang mga ninanais na pinuno.
Ibinahagi nina Teresa, isang young professional; Ashley, isang college student; at ni Cristina, isang ina, ang kani-kanilang tinig ukol sa kinabukasan na inaasam ng lahat.
Teresa: Pag-asa ng isang young professional
“Importante sa akin na mapagkakatiwalaan yung iboboto ko at hindi niya pababayaan ang mga Pilipino. [Dapat] marunong siyang makinig sa iba at mabuti siyang tao na sumusunod sa batas,” ayon kay Teresa (hindi niya tunay na pangalan), 28 taong gulang at isang beterinaryo sa Brgy. Batong Malake. Ito raw ang mga katangiang hinanap niya sa mga kandidatong kanyang ibinoto.
Ayon sa kanya, nalungkot siya nang mabalitaang higit anim na oras naghintay ang ibang residente upang makaboto. Umabot pa ito ng higit dalawampung oras sa ibang lugar sa Pilipinas. Dagdag pa niya, natakot din siya sa mga balita tungkol sa mga sirang VCM at SD cards at laganap na vote buying.
Wala mang kasiguraduhang mananalo ang kanyang mga binoto, malaki naman ang kanyang pag-asang ipagpapatuloy ng mga ito ang kanilang paglilingkod sa bayan.
“Inaasahan ko na ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang serbisyo sa ibang pamamaraan, kung hindi man sila mapunta sa gobyerno. Inaasahan ko na susuportahan pa rin nila ang mga tao sa makakaya nila,” ani niya.
Paglabas ng paunang resulta ng botohan, napagtanto ni Teresa ang napakalaking problema ng disinformation at vote buying sa bansa.
“Malungkot pa rin ako at nag-aalala. Natatakot ako na lalong lumubog sa utang ang bansa natin kung hindi marunong o mabuting tao ang mga nasa gobyerno. Natatakot din ako na hindi nila isipin ang ikabubuti ng lahat kundi ang ikabubuti ng sarili nila o ng mga mapang-abuso [lamang],” saad niya.
Dagdag pa niya, nag-aalala siya sa kaligtasan at kalayaan ng mga tao. Mayroon din siyang agam-agam sa susunod na eleksyon dahil sa dami ng problemang nangyari. Hindi niya alam kung mapagkakatiwalaan pa ba ang election system ng bansa, ngunit umaasa siyang masusuri at maisasa-ayos ito.
Sa kabilang dako, batid din niyang hindi lubusang magkakasundo ang lahat ng mga Pilipino dahil sa laganap na disinformation dahil sa iba’t ibang pagtingin sa mga isyu sa lipunan.
“Sana po ay may makita po kaming magandang pagbabago.”
Ashley: Pag-asa ng isang mag-aaral
“Sobrang emotional ko lang talaga na nakita ko yung name nung candidate na gusto kong i-shade kasi nung moment na yun naisip ko na yun na yung [pagkakataong] pinaka-aantay nating lahat,” pagbabahagi ni Ashley, 21 taon gulang, isang Nursing student mula sa Brgy. Anos sa kanyang naramdaman matapos bumoto noong nakaraang eleksyon.
Bilang isang first-time voter, magkahalong takot at kaba ang kanyang naramdaman habang bumoboto dahil sa pangambang magkamali sa pag-shade ng balota. Sa kabila nito, alam niyang ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa kandidatong sinuportahan niya.
“Super proud lang din ako [at] myself for standing up [for] what I think is right,” saad ni Ashley.
Ayon sa kanya, ang track record o ang mga nagawa na ng isang kandidato ang kanyang naging batayan sa pagpili ng kanyang mga iboboto. Dagdag pa niya, kahit sinong politiko ay kayang sabihing sila ay mabuting tao at kayang maglatag ng mga plataporma subalit hindi lahat ay inaaksyunan ang mga ito.
“Everytime naman na may mga elections, naririnig naman natin ‘yon na [iaahon nila ang] mga tao sa kahirapan pero yung track record, hindi naman yun magsisinungaling [dahil] may resibo ‘yon. Lahat yan ay may plano, pero kapag nakikita doon sa nagawa na nila before, na willing talaga sila to help, and hindi sila nalilimit sa posisyon nila,” dagdag pa ni Ashley matapos tanungin kung ano ang mga katangiang hinanap niya sa mga binotong kandidato.
Aminado rin siyang kahit gaano man niya kagustong manalo ang mga kandidatong kanyang binoto, marami pa rin ang hindi mulat at bumoto sa mga sikat at may pangalan na.
Dagdag pa niya, dismayado man siya sa resulta ng eleksyon, mas nangibabaw sa kanya ang mga kwento ng bolunterismo sa kasagsagan ng kampanya.
“Meron pala talagang mga tao na kahit ganito yung sitwasyon nila, willing pa rin silang ipaglaban yung gusto nila and kahit sa ibang candidates din naman. Nakakatuwa na everytime na mayroong motorcade, sobrang tuwang tuwa sila. Nakakita sila ng hope sa mga candidates,” saad niya.
Dagdag pa ni Ashley, mahalagang mapag-aralang mabuti at maisakatuparan ng mga bagong halal na lider ang kanilang mga pangako.
Maaalalang isa sa mga naging plataporma ni president-elect Bongbong Marcos ang pagpapababa sa presyo ng bigas sa halagang P20 kada kilo.Subalit ito ay nagdala ng mga pangamba lalo na sa mga magsasaka dahil sa maaaring maging epekto nito sa sektor ng agrikultura.
“If ibababa nila yung presyo ng bigas, sobrang kawawa yung mga farmers natin. Sobrang katiting na lang yung kikitain nila. Sabi rin ng tatay ko na hindi niya kayang kumain ng masarap knowing na yung mga farmer at mga nasa laylayan ay hindi na makakain,” ayon sa kanya.
Sa kabilang banda, umaasa siyang mas magiging mabilis at maayos ang pagbabalik normal sa bayan ng Los Baños. Gayundin, nawa’y matulungan ng pamahalaang lokal ang mga naluging negosyo dahil sa pandemya. Una na rito ay ang mga micro, small, and medium entrepresis (MSMEs) na bumubuo ng 99.57% ng mga negosyo sa bansa at nakapagbigay ng mahigit limang milyong trabaho sa mga Pilipino, upang mabawasan ang tumataas na unemployment rate. Umaasa rin siya sa patuloy na pamamahagi ng mga ayuda sa mga residente.
Para kay Ashley, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang mas mapabuti ang kalagayan ng ating bansa.
Cristina: Pag-asa ng isang Ina
Bilang ilaw ng tahanan, pangarap ng bawat ina ang magandang buhay para sa kanilang pamilya. Isa si Cristina (hindi niya tunay na pangalan), isang maybahay at botante, sa mga pumila nang higit apat na oras para lamang makaboto. Ayon sa kanya, saya ang una niyang naramdaman matapos niyang makaboto noong eleksyon.
“Naiboto ko ang gusto kong iboto”, saad niya.
Nabanggit din niyang ang hinahanap niya sa mga kandidatong tumatakbo ay ang mga nagsusulong ng isang tapat na gobyerno. Inaasahan niyang ang kaniyang mga pinili ay makatutulong sa bansa at magagawa ang kanilang mga plataporma.
Sa unti-unting paglabas ng resulta ng mga bagong manunungkulan sa bayan ng Los Baños at sa bansa, lungkot at dismaya ang naramdaman ni Cristina.
Sa huli, bagama’t hindi ito ang inaasahan niyang resulta ng eleksyon, nanatiling umaasa si Cristina para sa magandang buhay para sa mga residente ng Los Baños.
Litrato ni Rose Custodia