Sa mga kabataan, ‘wag mawalan ng pag-asa

Pagkabigo. Kung may isang salitang makapag-lalarawan sa kabataan ngayon, maaaring ito ang unang tatatak sa isip.

Nabigo, dahil sa  iba’t ibang suliraning hinarap ng mga estudyante, at mga guro at propesor sa ilalim ng halos dalawang taon ng pag-aaral sa online set-up. Ipinag-kibit balikat ng kasalukuyang administrasyon at  ng kanyang mga taga-suporta ang mga unang balita sa  lumalalang sitwasyon ng pandemiyang COVID-19, maging ang mga payo ng mga eksperto para sa mas malinaw na mga polisiya upang matugunan ang mga pangangailangan at hinaing ng mamamayan.

Dahil dito, lumala ang pamumuhay ng ordinaryong Pilipino. Ang masa ang sumalo sa mga kakulangan ng gobyerno – mula sa sapilitang paggamit ng faceshield  at mamahaling testing kits, pati na ang patuloy na paghihirap ng  mga doktor at nars. Dagdag pa rito ang walang hanggang red-tagging at pagpatay sa mga kritiko ng pamahalaan. 

Sa usapin ng edukasyon, sinabi ni Leonor Briones, kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na  “education cannot wait.” Kaya naman, tiniis ng mga estudyante at mga guro ang paglakbay sa malalayong lugar makahanap lamang ng maayos na  internet connection at silid-aralan, at ang pagbili ng mga mamahaling gadyet upang magamit sa pag-aaral.

Lahat lang upang makapagtapos ng pag-aaral at makatulong sa kanilang kapamilya, kaibigan, at komunidad. Lahat lang upang ipaglaban ang pangarap ng isang mapayapa at masaganang buhay.

Ngayon, sa pagtatapos ng halalan, muling nabigo ang kabataan. 

Nabigo, dahil paano nga ba nakabalik sa kapangyarihan ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan? Paanong nasikmura ng mga nakaupo ang manatiling tahimik kapag sila’y kailangan? Tila naging kabuhayan na ng mga magkakapamilya at magkakaibigan na halos wala namang kaalaman at karanasan sa pulitika ang ating mga opisina. 

Hindi maipagkakailang ito ay dulot ng isang malawakang plano upang patuloy na linlangin ang mga Pilipino. Kita natin ito sa Facebook, TikTok, at YouTube at iba pang social media platforms kung saan samu’t sari ang mga propaganda at pagpapakalat ng kasinungalingan, at mga ulat ng vote-buying, electoral violence, at ang pagkasira ng mga vote-counting machines (VCMs) sa nakaraang halalan.

Hindi nakapagtataka kung bakit patuloy ang pagkabigo ng kabataan. Ano ang punto ng pag-aaral kung kailangan lamang ng kayamanan at kasikatan upang umangat sa buhay? Ano ang punto ng pagiging mabuting tao kung may mga tumatakas pa rin mula sa hustisya? Ano pa ba ang punto ng pagtindig kung ang kinabukasan ay nababalot ng dilim?

Sa kabila ng mga ito, tandaan nating  “the world is our classroom.” 

Alam nating  hindi nagtatapos ang pag-aaral sa loob ng isang silid o sa iilang taon lamang. Nasa ating mga kamay ang sagot sa mga suliraning kinakaharap ng ating bayan. Tayo ang inaaasahan ng ating mga kababayang nawalan ng pag-asa upang mangarap, o di kaya nama’y hindi nabigyan ng pantay na oportunidad upang umasenso sa buhay. Sa atin nakasalalay ang pagkamit ng isang mas maunlad, ligtas, at mapayapang bayan. 

Sa paggawa ng ating tungkulin sa bayan, atin ring isaisip ang ating kapakanan. Lumaban hangga’t kaya. Magpahinga kung kailangan. Humingi ng tulong sa mga pinagkakatiwalaan. Tibayan ang loob upang harapin ang anuman ang batuhin ng kinabukasan.

Kabataan, wala nang ibang perpektong oras kundi ngayon upang magamit ang lahat ng mga natutunan sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Hindi man ito graded recitation o asynchronous activity na pinapasa sa Google Classroom, ang ating mga kilos, maliit man o malaki, ang siyang susi sa isang mabuti at tuwid na daan.

Tandaan, dumidilim man ang langit sa gabi, tumataas ang araw kinabukasan. Bumabaha man sa panahon ng bagyo, humuhupa rin ang tubig sa kalaunan. Nalalanta man ang mga dahon sa puno, darating ang panahong ito’y muling mamumulaklak.

Kaya  kabataan, hindi natatapos ang kwento sa pagsubok at pagkabigo. Gawin ang nararapat para sa sarili at sa bayan. Huwag mawalan ng pag-asa. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.