Dr. Crispin Maslog, UST Outstanding Alumni sa Larangan ng Media at Entertainment, Isinentro ang Talumpati sa ‘Historical Revisionism’

Ulat nina Cyber Gem Biasbas at Kent Blanco

“We did not see this coming.” Ito ang sinabi ni Dr. Crispin Maslog patungkol sa historical revisionism project ng mga Marcos na siyang naging sentro ng kanyang talumpati sa ginanap na The Outstanding Thomasian Alumni Awards sa University of Sto. Tomas noong Mayo 14.

Pinarangalan na Outstanding Thomasian Alumni for Media and Entertainment si Dr. Maslog dahil sa kanyang natatanging kontribusyon bilang batikang mamamahayag, manunulat, at iskolar ng komunikasyon. 

Ang TOTAL Awards ay ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng UST at ng UST Alumni Association, Inc. sa mga natatanging alumni ng pamantasan. Ang pagpaparangal ay dinaos taon-taon mula 1993 hanggang 2009. Simula 2010 ay ginagawa na ito kada dalawang taon.

Ginamit ni Dr. Maslog ang kanyang acceptance speech upang i-ere ang kanyang saloobin sa pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan. Historical revisionism, o ang pagbaluktot ng kasaysayan umano, ang kanilang estratehiya upang makabalik sa pinakamataas na pwesto sa bansa. 

“The Marcos project to revise history has just begun,” sabi niya. 

(Nagsisimula pa lang ang proyekto ng mga Marcos na baguhin ang kasaysayan.)

Ayon sa iskolar, nahahati raw ang estratehiyang ito sa dalawang bahagi. Una, ang pagmamaliit o pagtanggi ng katotohanan tungkol sa kanilang mga nakaw na yaman at ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimen.

Ikalawa aniya ay ang pagpapabango o paglalagay ng eksaherasyon patungkol naman sa mga nakamit ni Ferdinand Marcos, Sr. sa loob ng kanyang termino.

Mapapansin din umano na dumami ang mga pro-Marcos Facebook page simula noong unang banggitin ni dating first lady Imelda Marcos ang kanilang plano na patakbuhin sa pagka-pangulo si ngayo’y President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Ang mga Facebook page raw na ito ang nagsisilbing plataporma upang mapabango ang nakaraan ng pamilya Marcos at labanan at buwagin ang oposisyon o ang mga bumabatikos dito.

“Some say we did not treasure the lessons of EDSA enough and that EDSA was a failure. At that time I advocated for the setting up of a Truth Commission to put the Marcos regime to trial and judgment,” sabi ni Dr. Maslog.

(May ilang nagsasabi na hindi natin iningatan ang mga aral ng EDSA at yung EDSA na yoon ay pumalpak. Noong panahong iyon, itinaguyod ko ang pagbubukas ng Truth Commission upang litisin at husgahan ng korte ang rehimeng Marcos.)

Dagdag niya, mukhang ang pagkukulang na ito raw ang muling nagluklok sa isang Marcos sa Malacañang. “We were too busy celebrating our victory,” pag-alala ni Dr. Maslog sa pagpapabagsak ng diktadura noong 1986. 

Ganito rin ang tema ng kanyang kolum noong September 2020, kung saan tinawag niya na “Martial Law Amnesia” ang pagkalimot ng mga Pilipino sa diktadurang Marcos at ang tagumpay ng EDSA People Power. Aniya, hindi niya raw ito makakalimutan at sana ay ganun din ang mga Pilipino.

“Ang Pilipinong hindi marunong lumingon sa nakaraan ay naisumpang ulitin ang nakaraan,” sinulat ni Dr. Maslog.

Si Dr. Crispin Maslog ang founding adviser ng LB Times. 

Maaaring basahin ang buong talumpati ni Dr. Maslog sa The Varsitarian. (BASAHIN: FULL TEXT: Crispin Maslog’s acceptance speech for The Outstanding Thomasian Alumni (TOTAL) Award 2022 for Media and Entertainment)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.