Ulat nina Maria Louisse Angela Parado, Roella Marcelle Bautista, Erika Mae Marmol, Erika Mae Cabangon at Cyber Gem Biasbas
Matapos ang inaabangan at ma-prosesong eleksyon noong Mayo 9, tayo naman ay nahaharap ngayon sa isang pang malaking pagsubok: kung ano ang gagawin sa mga tambak-tambak na campaign materials na naiwan ng eleksyon. Kabilang dito ang mga tarpaulin, leaflet, brochure, maging mga pamaypay at marami pang iba na may tsansang maimbak lamang at maaaring dumagdag sa malaking problema sa basura.
Mga tarpaulin ng mga kandidatong tatakbo sa Halalan 2022. (Photo by: Erika Mae Cabangon)
Noong 2018, naiulat ang Pilipinas bilang ikatlo sa pinakamaraming basura sa Timog- Silangang Asya. Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian sa kanyang talumpati noong Setyembre 2020, 0.414 kilo ng basura sa araw araw ang kinokolekta sa bawat isang Pilipino. Dagdag pa niya na sa taong 2030, posible na ang bawat Pilipino ay magdulot ng limang (5) kilo ng basura sa isang taon. Kung ikukumpara sa datos noong 2014, ang dami ng basura ay tataas ng 39.9%.
Ayon naman sa MMDA, may naitalang 168 na toneladang basura ang naikolekta nito, sa Metro Manila pa lamang, noong eleksyon 2019. Mababa pa raw ito kung ikukumpara sa eleksyon 2016 na kung saan nakakuha ng 206 na toneladang basura mula sa mga campaign materials. Gaano naman kaya karami ang basura na nakuha mula dito ngayong taon?
Isang malaking hakbang sa pagbabawas ng disposable campaign materials ay ang paggamit ng social media sa pangangampanya. Marami ang naglaan ng panahon at oras sa pagsasaayos ng kanilang mga online pages upang mahikayat ang mga botante maging sa mga online platforms.
Ayon kay Crispian Lao, vice chairman ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC), nababawasan kada eleksyon ang dami ng basurang kailangang isaayos dahil sa pag-digitalize ng kampanya.
Ngunit, sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga election wastes, ganoon din naman ang pagtaas ng bilang ng mga kandidatong tumakbo nitong nakaraang eleksyon. Sa sampung (10) kandidato sa pagka-pangulo at siyam (2) sa pagka-bise presidente, libo-libong campaign materials ang kinakailangan upang maipakilala ang kanilang sarili at adhikain sa buong Pilipinas.
Kaya naman, bilin ni Acting Secretary Jim Sampulna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sana nakibahagi ang mga kandidato, mga boluntaryo, at sumusuporta sa mga ito, sa paglilinis at maayos na pagtapon ng mga ginamit noong kampanya na naaayon sa Republic Act (RA) 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Binaklas ng mga ANAHAW Laguna volunteer ang malaking karatula
na mayroong 12 tarpaulin ng mga kandidato. (Photo by: Anahaw Laguna)
Ang mga volunteer sa ikalawang araw ng kanilang Oplan Baklas, dala-dala ang mga kuwadro na tinanggalan na ng mga tarpaulin. (Photo by: Anahaw Laguna)
Dahil sa dami ng tarps na ginagawa at ginagamit tuwing eleksyon, may isang non-profit na organisasyon mula sa Laguna ang nais tumulong masolusyonan ito. Noong 2020, naitatag ang Alyansa Para sa Nayon at Agrikultura, Hawak-kamay sa Kinabukasan ng Laguna o (ANAHAW Laguna) sa mga organisasyon na nagsagawa ng programa upang ma ‘upcycle’ ang mga trapal na ginamit ngayong eleksyon. Ito ang Project Trapalay na nais tulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng paggawa ng mga gamit ng magsasaka. Ang mga nais nilang gawin sa mga vinyl tarps ay rice mats, pang silong, bayong o bags, apron, at iba pa.
Mga nagawang bayong o bag na gawa sa tarps. (Photo by: Anahaw Laguna)
Patuloy ang mga volunteers sa ikatlong araw ng Oplan Baklas sa pagbaklas ng kuwadro ng mga tarpaulin (Photo by: Anahaw Laguna)
Ang pagkilos na nagbunsod sa Project traPALAY ay buhat sa kamalayan ng pagsalba sa kalikasan pati na rin ang pagtulong sa mga Lagunenseng magsasaka. Kaisa ang Youth Volunteers for Laguna, First Balfour, JCI San Pablo 7 Lakes, Laguna for Leni and Kiko, at Sangguniang Kabataan ng Barangay Bucal, sa pangunguna ng Rotaract Club of San Pedro All Star, kasalukuyang nakikipag tulungan ang Anahaw Laguna sa mga LGUs upang makahanap ng mga beneficiaries ng nasabing proyekto.
Inilabas mula sa sako at niligpit ang mga nakalap na tarpaulin para linisin
(Photo by: Anahaw Laguna)
Parte ng paglilinis ng tarpaulin ang paghuhugas nito. (Photo by: Anahaw Laguna)
Magsasagawa ang Anahaw Laguna ng mga pagsasanay o workshop sa mga bagsakan ng upcycled bags. Kabilang dito ang San Pedro; Los Banos; at Bay. Nilalayon nitong maturuan ang mga volunteer sa mabisang paggamit ng resources at maiwasan ang problemang logistikal. Sa ngayon, wala pa itong itinakdang araw. Ngunit, tatanggap sila ng mga volunteers na interesado sa programa.
“Everyone should have a role in mitigating climate change. But as individuals and private groups, we can only do so much. It should be the government and the policy makers who must do radical and impactful policies to put more effort in truly mitigating causes of our degrading climatic conditions,” sabi ni Justin Paolo Interno, Executive Director ng Anahaw Laguna.
(Ang bawat tao ay mayroong magagawa upang bawasan ang epekto ng climate change. Pero bilang mga indibidwal at grupo ng mga tao, maliit lamang ang kaya natin gawin. Kailangan ang gobyerno natin ay gumagawa ng magagandang polisiya upang mabawasan ang pagkasira ng ating kapaligiran.)
Samantala, sa Hunyo 19, magsasagawa sila ng culminating activity sa Nagcarlan kasama ang isang organisasyon ng magsasaka. Bahagi ng programa ang pagbibigay ng tarp materials, focus group discussion, at immersion. Sa ngayon, hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye ang organisasyon upang maiwasan ang pagkalito.
Ang istoryang ito ay ang huling yugto ng 2022 Post-election Special Series na binuo ng LB Times.