May pandemya man o wala, umaaray ang mga kontraktwal na manggagawa ng UP Los Baños.
Ulat ni Aryandhi Almodal at prinoduce ni Gabriel Dolot
Isa sa sektor na patuloy na naaapektuhan ng pandemya ay ang mga manggagawa. Ang pagkakaroon ng access sa mga benepisyo, seguridad sa regular na trabaho, at pagkakaroon ng representasyon sa Board of Regents (BOR) ay iilan lang sa mga panawagan ng mga kontraktwal na manggagawa sa UPLB.
“Sabi nga ng unyon, pagka ang empleyado ay tinanggal mo sa trabaho, parang pinatay mo na rin siya. Kasi yun lang ang source niya ng pagkukuhanan ng ikabubuhay sa pamilya nila. Pa’no pa kung walang trabaho, edi wala ring kakainin.”
Iyan ang pahayag ni Antonio Salcedo, 57, presidente ng All UP Workers Union UPLB Chapter. Ang unyon ay binubuo ng 1,006 regular na empleyado at higit kumulang 600 kontraktwal na manggagawa, kung saan karamihan sa kanilang admin staff ay nasa field.
Kasalukuyang Sitwasyon
Noong nagsimula ang pandemya, naging mahirap ang sitwasyon ng mga kawani ng unyon dahil sa mga pagbabago sa mga patakaran ng administrasyon ng UP. Ilan sa mga empleyado na klinasipikang frontliners ay inobligang magtrabaho sa mga opisina at ang mga natira ay nagtrabaho mula sa kanila-kanilang mga bahay.
Kaugnay nito, isinulong ng unyon na walang mga manggagawa ang matatanggal sa kanilang trabaho lalo na ang mga ICEs o mga kontraktwal na empleyado. Ito ay kalaunang pinaunlakan ng UP administration sa pamumuno ni UP president Danilo Concepcion sa pamamagitan ng pagbibigay tulong pinansyal sa lahat ng manggagawa.
“Andon naman po ang administration sa pagtulong, hindi naman po pinabayaan. Continuous po ang empleyado natin sa pagpasok, even yung mga kontraktwal at wala pong na-displace doon. Yung sahod po, updated po sila,” sabi ni Salcedo.
Ngunit ang legalidad ng pagbibigay ng P5,000 tulong pinansyal ay kinuwestiyon ng Commision of Audit (COA). Ani Salcedo, maging bukas daw sana ang COA sa pagbibigay ng assistance dahil nararapat lamang aniya na magbigay ang UP ng tulong pinansyal lalo na at karamihan sa staff nito ay hindi sapat ang kinikitang sweldo upang tustusan ang mga tumataas na presyo ng mga bilihin dahil sa pandemya.
Banta ng COVID
Hindi naman nakaligtas ang mga manggagawa sa banta ng COVID-19. Wala mang kopya ng datos ng mga manggagawang nagkasakit, ani Salcedo may mga nasawing manggagawa dulot ng COVID-19.
”Wala nga akong datos niyan, kasi nung panahon na ‘yon, lagi tayong nakikipag-meeting sa administration na mabigyan ng datos ang unyon kung ilan ba yung bilang ng mga nag-positive pero ayaw nila ibigay eh,” batid niya.
Kanila ring iginiit sa administrasyon ng UPLB ang pagkakaroon ng mga pasilidad para sa mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19. Ito ay kasabay ng pagtatayo ng UP administration ng mga quarantine facility sa loob ng unibersidad.
Panawagan ng Mga Manggagawa
Isa sa pangunahing kaibahan sa mga kontraktwal at regular na manggagawa ay ang pagkakaroon ng benepisyo. Patuloy na pinapanawagan ng unyon ang pagiging regular ng mahigit 600 ICEs. Dahil sa polisiyang “no employee-employer relations”, walang natatanggap na benepisyo ang mga kontraktwal na empleyado.
Kaugnay nito, matagal na ring iminumungkahi ng unyon ang pagbibigay ng health support grant para sa mga kontraktwal na empleyado. Wala pa mang pandemya kanila nang isinulong ang panawagan na ito at mas lalong pinagtibay sa gitna ng pandemya.
Kasabay rin nilang isinusulong ang pagpapalawak ng coverage ng E-HOPE o medical assistance para sa mga manggagawang magkakasakit. Layunin nitong matulungan ang mga manggagawa na hindi mahirapang magpa-confine sa mga ospital. Ang medical assistance na ito ay nagkakahalaga ng P8,000 bawat taon at may karagdagang P10,000 para sa mga gamot na kailangan pagkatapos ma-discharge sa ospital.
Sa kasalukuyan, mayroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang unibersidad sa HealthServ, Doctor’s Hospital, at Global Hospital. Kanila ring inaayos ang MOA sa iba pang ospital sa Sto. Tomas at Tanauan, Batangas, maging sa Sta. Cruz, Calamba at San Pablo, Laguna.
Bukod sa mga ito, panawagan din nilang magkaroon ng long service leave benefit kung saan pantay na magkakaroon ang mga faculty at staff ng sabbatical leave. Dagdag pa ni Salcedo, dapat makilala rin ang representasyon ng Research, Extension and Professional Staff o REPs pagdating sa Board of Regents. Aniya, mahalaga raw na magkaroon sila ng sariling kinatawan upang mailahad ang kanilang hinaing sa iba’t ibang isyu sa unibersidad.
Kulang pa ba Yung History?
Para kay Salcedo, hindi raw niya maikakaila ang pagkabigo sa naging resulta ng eleksyon dahil sa kanyang sariling karanasan noong Martial Law. Bilang isang manggagawa ng UP, hindi niya raw makakalimutan ang naging pagtrato sa mga estudyante at propesor ng unibersidad na kung saan sila ay pinaratangan na mga subersibo at hindi makatarungang pinaghuhuli. Maliban dito, naranasan din niyang sa halip na bigas ang kanilang kainin, mais na patuka sa mga manok ang kanilang isinasaing.
“Kaya nga po ang tanong ko dito ay, kulang pa ba yung history? Yung nga po ang kulang sa kabataan ngayon — yung history ng Pilipinas. Hindi na talaga sila bukas doon sa totoong nangyari nitong nagdaang [taon].”
Dahil na rin sa patuloy na nararanasang red-tagging sa mga estudyante at propesor ng UP, pinangangambahang maaapektuhan ang unibersidad bilang institusyon ng gobyerno sa darating na administrasyong Marcos.
“Kung sakali man na gumagawa ng hakbang ang UP, lalong lalo na ang mga estudyante, na lumaban sa gobyerno, may nakikita silang dahilan. Kaya nga tayo’y demokrasyang bansa, kung mayroon tayong nakikitang mali, karapatan natin na iyon ay pigilan,” sabi ni Salcedo.
Dahil sa unti-unting pagbuti ng kalagayan ng bansa sa gitna ng COVID-19, unti-unti na ring bumabalik sa dati ang sitwasyon ng mga manggagawa sa UPLB.
Sa kabila nito, may pandemya man o wala, patuloy na magiging malaking suliranin para sa mga manggagawa ang kawalan ng benepisyo at seguridad sa trabaho dulot ng kontraktwalisasyon. Ang kawalan ng konkretong plataporma ukol sa kontraktwalisasyon ng nahalal na pangulo ay patuloy na magdudulot ng pangamba para sa mga kontraktwal na manggagawa. Maging prayoridad dapat ng susunod na pangulo ang kapakanan, kabuhayan, at karapatan ng bawat manggagawang Pilipino.
Ang istoryang ito ay bahagi ng Post-Election Series na binuo ng LB Times.