Mga Paaralan sa Los Baños, Balik Eskwela na ngayong Agosto 22

Matapos ang dalawang taong pagsasailalim sa distance learning bunsod ng COVID-19 pandemic, ang mga mababa at mataas na paaralan ng Los Baños ay nagbalik eskwela na ngayong Agosto 22, alinsunod sa Department of Education (DepEd) Order No. 034, series of 2022 na inilabas noong Hulyo 11, 2022.

Ito ang mga larawang ibinahagi ni LB Times contributor Marlu Parot, Master Teacher II, ng Los Baños National High School – Batong Malake (LBNHS-BM) sa extension campus nito sa Brgy. San Antonio.

This slideshow requires JavaScript.

Makikitang ipinapatupad ang minimum health protocols, katulad ng temperature check, pagsusuot ng face mask, at social distancing, sa nasabing paaralan.

Ayon rin kay Ms. Parot ay napaaga ang pasok ng mga mag-aaral ng Grade 7 (6:30 AM – 8:30 AM) at Grade 9 (9:00 AM – 11:00 AM) dahil wala pa raw sariling linya ng kuryente ang dalawang building ng Junior High School sa LBNHS-BM Extension Campus. Kaya sasailalim muli sa modular distance learning sa susunod na dalawang linggo ang Grade 7 at 8 dahil dito. Umaasa silang makakabitan na ng linya ng kuryente ang mga building upang sila ay tuluyan nang makapag in-person classes.

Ayon sa unang nabanggit na DepEd Order ay hanggang Oktubre 31 lang mayroong opsyon na mag five-days in person classes, blended learning, o full distance learning ang mga pampubliko at pribadong paaaralan sa bansa.

Pagsapit ng Nobyembre 5 ay lahat ng paaralan ay dapat nakalipat na sa five-days in-person classes na moda.

Samantala, bilang paghahanda sa balik eskwela ay nakilahok rin ang mga paaralan ng Los Baños, kasama ang LBNHS-BM, sa Brigada Eskwela 2022. Ito ay tatakbo hanggang Agosto 26.

Noong Nobyembre 2021 rin ay nagsagawa ng pilot face-to-face classes ang DepEd sa mga piling paaralan, katulad ng sa Nicholas L. Galvez Memorial Integrated National High School (NLGMINHS) sa Bay, sa bansa bilang paghahanda sa balik eskwela.