Matapos ang dalawang taong restriksyong dulot ng pandemya ay matutunghayan na muli ng Los Baños ngayong Setyembre ang Bañamos Festival, ang taunang piyesta na kinikilala ang kultura at turismo ng Los Baños bilang Special Science and Nature City ng Laguna at Science Tourism destination ng bansa.
Alinsunod dito ay ang selebrasyong ng ika-407 na anibersyaro ng pagkakatatag ng Munisipyo ng Los Baños.
Ngayong araw ng Setyembre 14 ang opisyal na simula ng mga serye ng aktibidad na gaganapin bilang pagdiriwang ng Bañamos Festival.
Ngunit nagsimula na rin noong nakaraang linggo ang mga aktibidad para sa Mister and Miss Bagong Los Baños, isa sa mga pangunahing kaganapan ng Bañamos Festival ngayong taon. Isinagawa noong Setyembre 10 sa Splash Mountain Resort and Hotel ang pre-pageant event, kung saan inilunsad ang panibagong tourism video ng Los Baños na pinamagatang Experience LB. Nagsilbing modelo ang mga kandidato ng pageant sa video upang isulong ang turismo at kabuhayan ng mga lokal na negosyante sa Los Baños. Sa kasalukuyan ay hindi pa inilalabas ng munisipyo ang video sa social media.
Ang grand coronation night ng pageant ay gaganapin sa Sabado, Setyembre 17, 7:00 PM, sa Los Baños Multipurpose Evacuation Center sa may Paciano Rizal Park.
Isa ring aktibidad ay ang 21st Bañamos Civic Parade na mayroong panibagong ruta ngayong taon na magisismula sa Trace College patungong UPLB Freedom Park kung saan gaganapin ang kauna-unahang Hot Air Balloon Fiesta Trade Fair sa kasaysayan ng Bañamos. Ito ay gaganapin rin sa Setyembre 17, 1:00 PM.
Nangunguna sa komite na binuo ni Mayor Anthony Genuino para sa Bañamos ay sina Municipal Councilor Leren Mae Bautista bilang chair at Municipal Gender and Development Officer Karen Lagat-Bautista bilang co-chair.
Ang publiko ay inaaanyayahan makilahok sa iba’t-ibang aktibidad ng Bañamos at makiisa sa pagsalubong sa muling pag-usbong ng turismo sa Los Baños sa new normal.
Tingnan ang anunsyong ito mula sa munisipyo para sa iskedyul ng mga aktibidad ng Bañamos: