Organikong pagsasaka, ipinagbunyi sa UPLB Organic Agriculture Fair

Ginanap ang kauna-unahang Organic Agriculture Fair (OA Fair @UPLB) noong March 8 sa Organic Agriculture Research Development and Extension Center (OARDEC), UPLB. 

Tinatayang nasa 200 na panauhin mula sa iba’t ibang organisasyon ang nakilahok, kabilang ang mga samahan ng magsasaka, social enterprises, research organizations, paaralan, at lokal na pamahalaan. 

May 7 ektarya ng sakahan sa OARDEC ang nakalaan para sa pananaliksik tungkol sa organikong pagsasaka. (Photo by Jabez Flores)

Sa kanyang mensahe, kinilala ni UPLB Chancellor Camacho ang kontribusyon ng mga pampublikong institusyon at ng mga magsasaka upang mapalaganap ang organic agriculture. Nanawagan siya na patuloy na suportahan ang UPLB College of Agriculture and Food Science sa ginagawa nitong mga pananaliksik upang mas mapalaganap ang organikong pagsasaka sa kanayunan at gawin itong mas abot-kamay para sa lahat. 

Mga punong panauhin ng OA Fair @ UPLB sa roof deck ng OARDEC building sa UPLB Central Experiment Station. (Photo by Jabez Flores)

Samantala, binanggit naman ni Dr. Blesilda M. Calub, tagapangulo ng UPLB Interdisciplinary Studies Center on Organic Agriculture (IDSC-OA), ang mga ginagawa ng kanilang pangkat. Kabilang na rito ang patuloy na pananaliksik tungkol sa organic farming, at pagtuturo ng OA sa mga estudyante ng UPLB. Plano rin nilang makilala ang OARDEC bilang Learning Site for Agriculture ng Department of Agriculture- Agricultural Training Institute (DA-ATI); makipagtulungan sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) upang ma-update ang programa nitong Organic Agricultural Production NCII; at makapagtatag ng Masters program sa UPLB para sa organikong pagsasaka. Patuloy rin ang pakikipagtulungan ng IDSC-OA sa National Organic Agriculture Program (NOAP) at Bureau of Agricultural Research ng Department of Agriculture. 

Bilang bahagi ng programa, pinasinayaan ni Michael Melendres, pangulo ng Earthman Consulting and Development Corporation, ang pagbibigay ng donasyon nilang greenhouse para sa OARDEC. “Nagpapasalamat po kami na kami ay nabigyan ng pagkakataon na makapagbalik ng konti dito sa ating unibersidad,” ani Melendres, isang graduate ng BS Agriculture sa UPLB at nagtatag ng Melendres Farms. Nabanggit din nya na noong nag-uumpisa sila sa Melendres Farms noong 2001, ay di pa kilala ang organikong pagsasaka sa bansa. “Twenty years ago, sabi sa amin wala daw patutunguhan yung gusto kong puntahan. Kaya 20 years after, meron na kaming konting hanapbuhay. So sana po, yung mga nandito din na naghahanapbuhay, mga negosyante, mga gustong mag retire, ipagpatuloy po natin. Kasi baka 20 years after, sabihin nila, nakaka inggit naman yung mga OA,” aniya. 

Tampok sa OA Fair ang mga seminar tungkol sa organikong pagsasaka, exhibits, booths, at iba pa. (Photos by LB Times and OARDEC)

Matapos ang maiksing programa ay nagkaroon ng mga seminar tungkol sa iba’t ibang aspeto ng organikong pagsasaka, tulad ng organic seed selection and storage, organic seedling production and transplanting, harvesting and post-harvest techniques for organic produce, at organic poultry and cockerel raising. Nagkaroon din ng mga exhibit, cooking demo, raffle at palaro, pati na mga organic products na maaaring bilhin ng mga dumalo. Nagbigay din ng guided farm tour sa iba’t ibang bahagi ng OARDEC, tulad ng medicinal plant section, edible landscape, OA technologies, organic soil amendments, at integrated farming systems. 

Ang OA Fair @ UPLB ay isa sa mga tampok na aktibidad sa ika-114 na Foundation Day ng UPLB.