Nasampahan na ng kasong frustrated murder sa piskal ang dalawang suspect sa pananaksak sa isang 18-taong gulang na babae noong gabi ng Pebrero 16. Bilang bahagi ng preliminary investigation, nakatakdang magkaroon ng mga hearing sa ika-14 ng Marso at ika-4 ng Abril sa Office of the Provincial Prosecutor (OPP), Calamba City, sa pamumuno ni Fiscal Cecille Redimano. Ito ay matapos na pormal na mag-file ng kaso ang Los Baños Police Station (LB PNP) sa OPP noong ika-23 ng Pebrero.
Paliwanag ni Kathreen Maneja, staff ng OPP, inaasahang tumestigo ang biktima at maghain ng ebidensyang nakalap ang mga imbestigador sa mga nakatakdang hearing. Maaari din magsumite ng counter-affidavit ang mga akusado, kung dadalo ang mga ito. Base sa ebidensya at mga testimonya, magde-desisyon ang piskal kung may probable cause upang ipagpatuloy ang kaso. Kapag makitaan ng probable cause, magsasagawa ng resolusyon ang piskal na isampa ang kaso sa Regional Trial Court (RTC), na siyang maaaring mag-issue ng warrant of arrest. Kung hindi naman makitaan ng probable cause, maaaring ma-dismiss ng piskal ang kaso.
Bagamat naiulat sa ibang mga pahayagan na menor de edad ang suspek, regular filing ang isinagawa ng LB PNP dahil sa malubhang pinsalang natamo ng biktima. “Yung ginawa nya ay offense na talaga, physical injury. So talagang hot pursuit operation na ang tawag doon hanggang ma-aresto yung tao. Lalo’t ganun ang lagay ng (biktima),” paliwanag ni Staff Sgt. Alvin Apolinario ng LB PNP. Sa kasalukuyan ay at large o hindi pa nahahanap ang mga suspek.
Kasalukuyan namang nagpapagaling ang biktima matapos makalabas ng ospital.
Samantala, dalawang solar street lights ang inilagay kamakailan sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Ayon kay Kap. Ian Kalaw ng Brgy. Batong Malake, nagmula sa Los Baños Municipal Government ang pondong ginamit para dito. Sinisikap pa ng LB Times na makakuha ng karagdagang detalye tungkol dito.