Bahagyang bumaba ang inflation rate sa rehiyon ng CALABARZON sa 3.3 percent noong buwan ng Hunyo 2024, kumpara sa antas nitong 3.5 percent noong Mayo 2024. Mas mababa din ito kumpara sa naitalang inflation rate na 5.5 percent noong Hunyo 2023. Ito ay ayon sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa isang press conference kahapon.
Mas mababa rin ang inflation rate ng rehiyon kumpara sa pambansang inflation rate na 3.7 percent noong Hunyo 2024.
Mula Enero hanggang Hunyo 2024, ang average inflation rate sa CALABARZON ay 3.2 percent.
Ayon kay PSA IV-A Regional Director Charito C. Armonia, naging malaki ang kontribusyon ng sektor ng housing, water, electricity, gas and other fuels sa pagbaba ng inflation sa rehiyon nitong Hunyo. Ang sektor ay nakapagtala ng negatibong inflation rate na -0.5 percent noong Hunyo 2024, kumpara sa antas na 2.3 percent noong Mayo 2024. Sa loob ng sektor, naging pinakamalaki ang epekto ng pagbaba ng inflation ng kuryente, na nagtala ng negative 18.3 percent inflation noong Hunyo 2024 kumpara sa antas nitong negative 4.0 percent noong Mayo 2024.
Bukod dito, naging malaki rin ang kontribusyon ng sektor ng transportasyon sa pagbaba ng inflation sa rehiyon. Noong Hunyo 2024, nagtala ang sektor ng inflation rate na 3.1 percent, kumpara sa antas nitong 3.4 percent noong Mayo 2024. Sa loob ng sektor, naging malaki ang epekto ng mas mababang inflation ng gasolina, na nagtala ng 3.5 percent inflation noong Hunyo 2024 kumpara sa antas nitong 7.4 percent noong Mayo 2024.
Paliwanag ni RD Armonia, kabilang sa mga sektor na may malaking kontribusyon sa inflation sa rehiyon ngayong Hunyo ang food and non-alcoholic beverages na may 49.9 percent share sa inflation rate; restaurants and accommmodation services na may 24.0 percent share; at transport, na may 10.1 percent share.
Quezon Province, nagtala ng pinakamataas na inflation sa rehiyon
Sa mga probinsyang kabilang sa CALABARZON, nagtala ang Quezon province ng pinakamataas na inflation rate na 5.3 percent noong Hunyo 2024, kumpara sa 4.5 percent noong Mayo 2024.
Matatandaang nagdeklara ng state of calamity ang probinsya sa 19 na mga bayan at siyudad dahil sa pananalasa ng Bagyong Aghon noong katapusan ng Mayo, kung kailan maraming kabahayan at bukirin ang nasira ng malakas na hangin, ulan, at pagbaha.
Samantala, 4.9 precent ang naitalang inflation rate sa Lucena City ngayong Hunyo 2024; 4.7 percent sa Rizal province; 3.9 percent sa Batangas province; 2.2 percent sa Laguna; at 2.0 percent sa Cavite.
Pinakamahirap na 30% na mga pamilya, nakaranas ng mas mataas na inflation
Naitala ng PSA ang inflation rate na 4.8% sa pinakamahirap na 30% na mga pamilya o bottom 30% income households sa rehiyon. Ito ay mas mataas kumpara sa 3.3% na pangkalahatang inflation rate ng CALABARZON. Para sa bahaging ito ng populasyon, pinakamalaki ang naging kontribusyon ng food and non-alcoholic beverages, na nagtala ng 7.2 percent inflation noong Hunyo 2024, ani RD Armonia.
Dagdag ni RD Armonia, kapag mataas ang inflation para sa mga mahihirap na pamilya, mas nagiging mahal ang mga bilihin para sa kanila, at maaaring hindi maging sapat ang kanilang kinikita para mabili ang kanilang mga pangangailangan.
Ano ang CPI at inflation?
Ayon sa PSA, ang consumer price index o CPI ay isang paraan upang masukat ang pagbabago sa presyo ng mga produkto at serbisyong karaniwang binibili ng mga households, kumpara sa isang base year o base period. Ang inflation rate naman ay ang annual rate of change o pagbabago ng CPI sa loob ng isang taon.
Nakakatulong ang mga datos na ito para makapagsagawa ng mga plano at desisyon tungkol sa ekonomiya ang mga indibidwal, organisasyon, negosyo, at policymakers.
Kapag positibo ang inflation rate, nangangahulugan ito na tumaas ang presyo ng mga bilihin kumpara sa nakaraang taon. Kapag negatibo naman ang inflation rate, bumaba naman ang presyo ng mga bilihin kumpara sa nakaraang taon.
Kapag ang inflation rate ay positibo ngunit mas mababa kumpara sa dati, nangangahulugan ito na naging mas mabagal ang pagtaas ng presyo. Hindi ito nangangahulugan na bumaba ang presyo ng mga bilihin.
Ang datos tungkol sa inflation at CPI ay isinasapubliko ng PSA kada buwan.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa inflation rate at CPI, maaaring bumisita sa website ng PSA.