Isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa bagong boundary marker sa pagitan ng bayan ng Los Baños at Calamba, Laguna, alas-3 ng hapon noong Miyerkules, Agosto 21, 2024. Ang proyekto ay nagkakahalaga ng Php6.88 milyon, at inaasahang matapos bago mag-Pasko.
Ang paglalagay ng time capsule sa lokasyon ng marker ay pinasinayaan ni Los Baños Mayor Anthony Genuino, kasama ang ilang mga konsehal ng bayan, mga kapitan ng barangay, kinatawan ng SK, at mga punong-guro ng Department of Education.
Ayon sa Notice of Award na nilagdaan ni Genuino noong ika-8 ng Mayo 2024, ang proyekto ay may contract price na Php 6,887,828.12 milyon, at itatayo ng CEC Construction Corporation. Ang boundary marker ay magkakaroon ng guard post and quarters, water feature signages, at koi ponds, ayon sa dokumento. Inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng dalawa o tatlong buwan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Genuino na ang modern boundary marker ay sumisimbolo sa turismo at sa pag-unlad ng Los Baños. “Gusto ko, pag papasok pa lang tayo o ang mga bisita natin sa Los Baños… mapapa-wow na sila sa ganda. Naniniwala po ako sa kasabihan na ‘first impressions last’,” ani Genuino.
“Kung mapapansin niyo po sa disenyo ay talagang modern na modern. Ito po’y magkakaroon din ng fountain na may ilaw at tugtog sa gabi para sa ika-aaliw ng ating mga turista,” dagdag niya.
Sa isang panayam, binanggit ni Genuino ang ilan pang mga proyektong imprastraktura na inaasahang bubuksan sa mga susunod na buwan. Kabilang dito ang Ambulatory/Urgent Care Clinic, na may estimated budget na Php 12 million; Botika sa Barangay, Brgy. Mayondon, na may contract price na PhP 4,418,000; at Senior Care Facility sa Brgy. Anos, na may contract price na Php8,988,000. Pinaplano ring magpatayo ng Child Care Center sa Brgy. Timugan at Brgy. San Antonio, ayon kay Genuino.
Kabilang sa mga dumalo sa groundbreaking ceremony sina Kon. Leren Mae Bautista, Kon. Jonathan Siytiap, Kap. Jimmy Buendia ng Tadlac, Kap. Rading Lanuzo ng Baybayin, Kap. Arlene Delos Santos ng Bambang, Kap. Renato Samson ng Timugan, Kap. Ian Kalaw ng Batong Malake, SK Federation Chair Samantha Banasihan, mga pinuno ng mga tanggapan ng munisipyo, at mga punong-guro ng Department of Education. Binasbasan ni Rev. Fr. Steven Lanz Domingo ang lugar.