Ulat ni Ysahbel D. Ardieta
LOS BAÑOS, LAGUNA — Nagsagawa ng medical at optical mission ang Laguna Prime Multipurpose Cooperative (LPMPC) kasama ang Makiling Medica at Soltura-Zalameda Optical noong ika-24 ng Pebrero 2025 sa New LPMPC building, National Highway Maahas, Los Baños, Laguna.
Kabilang sa libreng test ay ang blood chemistry (FBS, total cholesterol, blood urea nitrogen, uric acid, SGPT, CBC with platelet, ECG, and urinalysis), nasa halos 100 ang nakilahok sa medical mission.
Samantala, may karagdagang bayad naman para sa iba pang test.

NASA LARAWAN: Si Doktora Lucila Zalameda habang tinutulungan ang mga pasyente sa pagpili ng kanilang salamin. (Kuha ni Ysahbel Ardieta)
Ayon sa Chairman ng Community Development Committee na si Leonito Denoso, nagsasagawa ang LPMPC ng iba’t ibang serbisyong pangkomunidad at kabilang na rito ang medical mission na kanilang isinasagawa kada taon.
“Ito ay para, at least, ma-uplift ang kanilang (miyembro) medical condition,” ani Denoso.
Ang LPMPC ay nagsimula nang may 173 na miyembro noong ika-3 ng Marso 1961. Ngayon, nasa mahigit 6,000 na ang miyembro nito, na mga empleyado o residente ng Laguna.
Ang ilan sa mga paparating nilang mga proyekto ay ang Gulayan sa Paaralan, kung saan sila ay tutulong sa pamimigay ng mga pananim at garden tools para sa mga benepisyaryo ng 4P’s at ang libreng ultrasound para sa mga indigent na buntis sa Los Baños. Upang malaman ang mga karagdagang impormasyon at anunsyo ng LPMPC, maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/lpmpcoop.
Kasalukuyang matatagpuan ang kanilang tanggapan sa Sacay Grand Villas, #20 Kanluran Road, College, Laguna, ngunit sila ay lilipat sa kanilang permanenteng opisina sa National Highway Maahas, Los Baños, Laguna sa Marso.