Mahigpit na ipapatupad ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga regulasyon nito laban sa illegal campaigning, vote-buying, vote-selling, at maging sa abuse of state resources ngayong panahon ng kampanya. Ito ang pahayag ni Atty. Margaret Joyce Reyes-Cortez, ang Assistant Regional Election Director ng COMELEC-Region 4A CALABARZON, sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas ngayong hapon, na pinangunahan ng Philippine Information Agency (PIA)-CALABARZON.
Matatandaan na noong 2022 National Elections, nakapagtala ang election watchdog group na Kontra Daya ng tatlong insidente ng vote buying, at sampung insidente ng illegal campaigning sa lalawigan ng Laguna noong araw ng botohan.

Ipinaliwanag ni Atty. Margaret Joyce Reyes-Cortez, Assistant Regional Election Director ng COMELEC-Region 4A CALABARZON, ang mga hakbang na ginagawa ng komisyon upang masiguro ang maayos na halalan.
Paliwanag ni Atty. Reyes-Cortez, naging “masunurin” ang mga kandidato noong 2023 Barangay and SK Elections dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng election regulations. “Ngayon din po, magiging mahigpit ang ating komisyon. Kahit sa campaign materials, talagang inaalam namin kung sino bang top na nagva-violate, ilan bang campaign materials ang natanggal namin, para maging aware po ang ating mga kandidato na kailangan talaga silang sumunod,” aniya.
Nilinaw din ni Atty. Reyes-Cortez, na mayroong mga itinalagang komite para labanan ang vote-buying, at ginawang mas malawak ang saklaw nito. “Nag-expand pa po ang function ng Kontra Bigay, hindi po included lang ang vote buying and vote selling, pati po abuse of state resources, kabilang po yan sa duties ng committee on Kontra Bbigay na kailangan nilang i-monitor,” sabi niya.
Ayon kay Atty. Reyes-Cortez, maaring i-report ang mga insidente ng vote-buying, vote-selling o abuse of state resources sa mga lokal na tanggapan ng COMELEC, pati na sa mga deputized agencies nito tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Public Attorney’s Office (PAO), Prosecutor’s Office, at iba pang mga sangay ng gobyerno. “Kung meron man tayong nakikitang mga violations ng vote buying, vote selling and abuse of state resources, pwede po silang mag complain sa ating local COMELEC offices at deputized agencies, na maaari pong tumulong sa kanila sa paggagawa ng affidavit at kung paano magfile ng complaint na maging maayos at masiguradong magkakaroon ng basis ang ating mga kaso, pati ang ating ebidensya,” aniya.
Ano ang maituturing illegal campaign materials and practices?
Sa panahon ng kampanya, itinuturing ng COMELEC na unlawful campaign materials ang mga poster, billboards, posters, and tarpaulins na mahigit sa 2×3 piye ang laki. Ipinagbabawal din ang pagpaskil ng mga propaganda materials sa mga lugar tulad ng mga plaza, pamilihan, tanggapan ng barangay, o iba pang pampublikong lugar, na hindi itinalaga bilang common poster areas.
Ang campaign period para sa mga kandidato ng senador at party-list ay nag-umpisa noong Pebrero 11, habang sa Marso 28 naman mag-uumpisa ang panahon ng kampanya para sa mga lokal na kandidato. Huling araw ng kampanya sa Mayo 10.
Ayon sa Comelec Resolution No. 11086, kailangang tanggalin ang lahat ng mga ipinagbabawal na uri ng election materials tatlong araw bago mag-umpisa ang campaign period.
Upang mabantayan ang pagpapaskil ng campaign materials, regular na nagsasagawa ang COMELEC ng “Oplan Baklas” o pagtatanggal ng mga iligal na campaign materials. Sa unang araw ng Oplan Baklas noong Pebrero 11, naitala ang probinsya ng Laguna na may pinakamataas na bilang ng mga unlawful campaign materials.

Naitala ang probinsya ng Laguna na may pinakamataas na bilang ng mga unlawful campaign materials sa unang araw ng Oplan Baklas noong Pebrero 11. Datos mula sa COMELEC.
Ayon kay Atty. Reyes-Cortez, binibilang ng komisyon ang mga nabaklas na unlawful campaign materials, at pinagsasabihan ang kandidatong nagpapaskil ng mga ito. “Ngayon, we are required to inventory all the materials that have been removed para din malaman kung sinong kandidato ang madaming illegally posted (materials), so para din ma-inform sila, na ganito na pala kadami ang natanggal na illegally posted campaign materials mo,” paliwanag niya. Para naman sa mga campaign materials na mahirap tanggalin, pinagsasabihan ang kandidato na tanggalin ito sa loob ng 72 oras. “Otherwise, pwede sila makasuhan if they do not comply with the notice,” dagdag ni Atty. Reyes-Cortez.
Ipinagbabawal naman ang anumang uri ng pangangampanya o partisan political activity sa mga araw ng Abril 17 (Huwebes Santo); Abril 18 (Biyernes Santo); Mayo 11 (bisperas ng eleksyon); at Mayo 12 (araw ng eleksyon).
Ano ang maituturing na mga akto ng vote buying, vote selling o abuse of state resources?
Ayon sa COMELEC Resolution 11104 , maituturing na vote-buying ang pagbibigay, pag-aalok o pagpaapangako ng mga sumusunod, upang makakuha ng boto:
- Pera o anumang bagay na may halaga;
- Posisyon o trabaho;
- Prangkisa o donasyon, publiko man o pribado;
- Paggasta ng pondo, direkta man o hindi direkta;
- Paggawa ng paraan para mapaglaanan ng pondo ang sinumang tao, samahan, kumpanya, o komunidad.
Maituturing naman na vote selling ang paghingi o pagtanggap, sa direkta o hindi-direktang paraan, ng pera o anumang bagay na may halaga; posisyon o trabaho; prangkisa o donasyon; o ang pag-alok o pag-gasta ng pondo, para bumoto o hindi bumoto sa sinumang kandidato.
Samantala, maituturing na abuse of state resources ang paggamit ng anumang pondo, kagamitan, pasilidad, tauhan, o kapangyarihan ng gobyerno para sa kampanya o para makakuha ng boto. Kabilang dito ang pagbibigay ng ayuda sa loob ng sampung araw bago mag eleksyon, pati na sa araw ng botohan.
Naglista din ang COMELEC ng mga presumed acts ng vote-buying and vote-selling, pati na ng abuse of state resources.
Ayon sa COMELEC, ito ang mga parusa laban sa mga akto ng vote-buying, vote-selling, at abuse of state resources:
- Pagkakulong, mula isa hanggang anim na taon;
- Diskwalipikasyon sa anumang puwesto sa gobyerno, at pagtanggal ng karapatang bumoto;
- Para sa political parties, multa na hindi bababa sa Php10,000.
Panawagan ng COMELEC
Sa pagtatapos ng programa, hinikayat ni Atty. Reyes-Cortez na makiisa ang lahat para sa maayos na eleksyon. “Ang atin pong mga katuwang na ahensya at mamamayan ay magiging malaking bahagi para sa ating darating na halalan para maging maayos ang darating na halalan. Kayo po ay isang instrumento, at hindi lamang kami sa Komisyon ang magiging instrumento para sa maganda, mahusay, at orderly na eleksyon sa darating na Mayo,” sabi niya.