Pagpapalakas ng Lokal na Industriya ng Pabango, Isinusulong ng DOST-FPRDI

By  Shannah Ramelle S. Bornilla

LOS BAÑOS, LAGUNA – Sa pagdiriwang ng National Arts Month, itinampok ng Department of Science and Technology – Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ang pagsasama ng sining at agham sa pamamagitan ng programang Scent of Innovation: Local Art and Science of Green Fragrances na ginanap sa UPCFNR Campus, UPLB, noong Pebrero 26, 2025. 

Layunin ng inisyatibo na ito na palakasin ng lokal na industriya ng pabango sa pamamagitan ng agham at yamang-gubat.

Scent of Innovation talk kasama sina Dr. Rico J. Cabangon, For. Florena B. Samiano at Oscar Mejia III, itinampok sa pagdiriwang ng National Arts Month. (Larawan ay mula sa DOST-FPRDI Facebook Page)

Sa pangunguna ng director ng DOST-FPRDI na si Dr. Rico J. Cabangon, inilatag ng programa ang layunin nito na palawakin ang lokal na industriya ng pabango sa pamamagitan ng pananaliksik sa mga aromatic plants at paglikha ng bagong pabango gamit ang mga locally sourced essential oils. 

Binigyang-diin din ni Dr. Cabangon ang potensyal ng programa na tugunan ang mga isyung panlipunan, katulad na lamang ng dengue. “Scents can also address pressing issues… with the alarming rise in dengue cases, we have a potential to develop fragrances infused with natural mosquito repelling properties.” aniya. 

Ibinahagi naman ng program leader ng Flavor and Fragrances from the Forests Technology Program na si For. Florena Samiano ang mga produktong nabuo sa ilalim ng proyekto. Ilan sa mga ito ay hand soaps, aromatherapy products, wine, tea, incense, bamboo-based, fragrance at green perfumes.

Binigyang-diin din ni Samiano ang kahalagahan ng sustainable sourcing ng mga hilaw na materyales at promosyon ng mga lokal na aromatic plants sa tulong naman ng DENR-BMB. 

Isa sa mga tampok ng programa ang talakayan ni Oscar Mejia III, CEO ng Scentsories at isang kilalang perfumer sa Pilipinas, tungkol sa kasaysayan at ebolusyon ng pabango bilang repleksyon ng kultura at lipunan. Sinundan ito ng isang open forum kung saan tinalakay ang mga hamon sa suplay ng hilaw na materyales. 

Ayon kay Samiano, mahalaga ang pagpapalakas ng kolaborasyon sa iba’t ibang ahensya upang mapunan ang pangangailangan ng industriya. “Sustainable sourcing, collaboration with other agencies, and community-based management are key factors in strengthening the industry,” aniya. 

Sa hinaharap, layunin ng inisyatiba na repasuhin ang mga regulasyon sa green technology at suportahan ng mga negosyante sa pagsunod sa mga alituntunin ng Department of Foreign Affairs.