Graft conviction ni ER Ejercito, pinagtibay ng Korte Suprema

“Affirmed.” Ito ang pinal na hatol ng Korte Suprema sa kasong graft and corruption laban kay dating Pagsanjan Mayor Jeorge Ejercito Estregan, mas kilala bilang ER Ejercito, at Marilyn M. Bruel, may-ari ng kumpanyang  First Rapid Care Ventures (FRCV), kaugnay ng ma-anomalyang procurement ng insurance para sa mga bangkero at turista sa Pagsanjan noong 2008.

Matatandaan na noong Abril 5, 2019, nagdesisyon ang Sandiganbayan na “guilty beyond reasonable doubt” sa paglabag ng Sec. 3 (e) ng Republic Act 3019 (Anti Graft and Corrupt Practices Act) sina Ejercito Estregan at Bruel, pati na  ang mga dating opisyal ng Pagsanjan na sina Arlyn Lazaro Torres,  Terryl Gamit-Talabong, Kalahi U. Rabago, Erwin P. Sacluti, at Gener C. Dimaranan.

Samantala, pinawalang-sala sina Torres, Gamit-Talabong, Rabago, Sacluti, at Dimaranan, ayon sa Supreme Court Decision GR No. 248699 na pinirmahan ni Associate Justice Ricardo R. Rosario noong Pebrero 4, 2025 at inilabas sa publiko ngayong araw, Marso 26.

Ipinataw kina Ejercito Estregan ang parusang pagkakakulong ng anim hanggang walong taon, pati ang panghabang-buhay na diskwalipikasyon sa anumang posisyon sa gobyerno.

Kasalukuyang tumatakbo si Ejercito Estregan bilang mayor ng Pagsanjan sa ilalim ng partidong Akay.

Background ng kaso

Noong Oktubre 23, 2008, nagkaroon ng kasunduan o Memorandum of Agreement ang bayan ng Pagsanjan at ang FRCV, upang magbigay ng insurance para sa mga turista at bangkero sa Pagsanjan Gorge Tourist Zone. Ngunit hindi umano dumaan sa proseso ng public bidding ang kontrata. Dahil dito, nagsampa ng reklamo sa Ombudsman ang United Boatmen Association of Pagsanjan (UBAP) noong Agosto 7, 2009, laban kay Ejercito Estregan, Bruel, at mga myembro ng Sangguniang Bayan ng Pagsanjan.

Sa imbestigasyon ng Ombudsman, natuklasan na walang lisensya o Certificate of Authority ang FRCV mula sa Insurance Commission. Agad din na inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Pagsanjan ang kontrata sa kabila ng mga nabanggit na pagkukulang. Nagsinungaling naman umano si Bruel tungkol sa kwalipikasyon ng FRCV, at nakipagsabwatan kay Ejercito Estregan para makuha ang kontrata, ayon sa Sandiganbayan.

Depensa ni Ejercito Estregan, ang FRCV lamang ang kwalipikadong magbigay ng hinahanap na serbisyo, kaya hindi na umano kailangan ng public bidding. Sabi naman ni Bruel, ang kontrata ay para sa “special services” at hindi insurance. Ngunit ayon sa SC, ang kontrata ay sadyang para sa insurance; at dahil dito, itinuturing itong “goods” na nangangailangan ng public bidding alinsunod sa Government Procurement Reform Act.

Sa halip na sumunod sa tamang proseso, in-award ni Ejercito Estregan ang kontrata sa FRCV sa pamamagitan ng “negotiated procurement” kahit walang valid justification. Ayon sa SC, ang ginawa ni Ejercito Estregan ay maituturing na pagbibigay ng “unfair advantage” sa FRCV, na ipinagbabawal sa RA 3019.

Political career ni ER Ejercito

Si Emilio Ramon Pelayo Ejercito III, na mas kilala bilang “Jorge ER Estregan” at “ER Ejercito”, ay nagsilbing alkalde ng Pagsanjan, Laguna, mula 2001 hanggang 2010, at nahalal bilang gobernador ng Laguna noong 2010 at 2013.

Noong Mayo 2014, natanggal sa puwesto si Ejercito Estregan dahil sa overspending o sobrang pag-gasta sa kanyang kampanya noong 2013 midterm elections. Tumakbo ulit siya bilang gobernador noong 2016 at 2019 ngunit hindi ito nagwagi.