Di nagpatinag sa katirikan ng araw ang daan-daang mga “campaign volunteers” ng kasalukuyang Laguna Governor Ramil Hernandez at Laguna 2nd District Representative Ruth Hernandez, at matiyagang naghintay ng kanilang “allowance” kahapon, Marso 27, sa Bay, Laguna. Nag-umpisa umano ang pagbibigay ng allowance ng alas-6 ng umaga at natapos ng alas-5 ng hapon.
Ayon sa ilang taong naghihintay sa venue, nakatanggap sila ng pirasong papel na may QR code sa kani-kanilang mga barangay sa Bay. Kailangang ipa-scan nila ang QR code na ito para makapasok sa loob ng isang inner gate, at matanggap ang Php1,000 na pondo, na tinawag nilang “ayuda”.
Paliwanag ng isang staff member, sa loob ng venue, dumaan ang mga taong tinawag nilang “campaign volunteers” sa isang 30-minutong orientation tungkol sa “do’s and don’ts” ng pangangampanya, tulad ng tamang pagpapaskil ng campaign posters, wastong pagsasagawa ng house-to-house campaign, at pag-iwas sa vote buying. Binigyan din ang mga volunteers ng mga campaign materials tulad ng T-shirts, stickers, at pamaypay kung saan nakasulat ang plataporma ng mga Hernandez. Tumangging kumpirmahin ng staff member ang halaga ng allowance na ibinigay sa mga volunteer, pati na ang bilang ng mga nakatanggap nito.

Kabilang sa mga ipinamigay na campaign materials sa venue ang mga T-shirt, stickers, at ang pamaypay na ito na nagpapakita ng plataporma ng mga Hernandez. Larawang kuha ni Jyas Calub-Bautista
Nilinaw ng staff ng mga Hernandez na “we are not buying their votes,” kundi nagbibigay lamang sila ng “patrabaho” para sa mga aktibidad na ginagawa ng kanilang mga volunteers. Ang allowance na ito umano ay nakalaan para sa pagkain at gastusin ng mga campaign volunteers habang nangangampanya. Ipinamigay umano nila ito ng Marso 27, bisperas ng official campaign period, upang “hindi ma-constitute as vote-buying,” saad ng staff member.
Ginawa ang campaign activity sa isang malawak na compound sa tabi ng National Highway sa Bay, Laguna. Sa entrada ng compound, naka-display ang malaking tarpaulin na may litrato ng mga Hernandez, kasama ang katagang “Itutuloy ang serbisyong tama at dadagdagan pa!” May iba pang tarpaulin na may litrato at pangalan ng mga Hernandez, pati na ang mga kandidatong sina Atty. JM Carait (tumatakbong Vice Governor) at Pas Irma Dela Cruz (tumatakbo para sa Sangguniang Panlalawigan).

Sa litratong kinuha mula sa gilid ng National Highway sa Bay, Laguna, makikitang naghihintay ang mga tao sa labas ng isang compound. Naka-display sa entrada ng compound ang malaking tarpaulin na may litrato nila Ruth at Ramil Hernandez. May iba pang tarpaulin na may litrato at pangalan ng mga Hernandez, pati na ang mga kandidatong sina Atty. JM Carait (tumatakbong Vice Governor) at Pas Irma Dela Cruz (tumatakbo para sa Sangguniang Panlalawigan). Larawang kuha ni Jyas Calub-Bautista
Sa loob ng bakuran, nakatayo ang malalaking puting tent; ang isa ay may logo ng Provincial Government of Laguna, habang ang iba ay mga tatak na “Gobernadora Ruth Hernandez”. Sa ilalim ng mga tent, nakaayos ang tinatayang nasa 700 na asul na mga “monoblock” chairs na may tatak na “Gov Ramil Hernandez” at “Serbisyong Tama”. Namataan din ng LB Times sa parking area ng lugar ang isang gray Toyota Hilux na may government license plates, pati na ang isang ambulansyang may tatak na “Laguna Rescue”. Mayroon ding mga sasakyan na may tatak na “Gobernadora Ruth Hernandez”, at nagpapakita ng litrato ng kandidata.
Ngayong Biyernes, Marso 28, ang unang araw ng official campaign period para sa mga kandidato sa lokal na posisyon. Kasalukuyang tumatakbo bilang Gobernador ng Laguna si Ruth Hernandez, habang tumatakbo bilang 2nd District Representative si Ramil Hernandez.
Mga batas at resolusyon ukol sa kampanya
Batay sa Implementing Rules and Regulations ng RA 9006 o Fair Elections Act, kabilang sa mga itinuturing na “partisan political activity” ang anumang gawain para isulong o hadlangan ang pagka-halal o pagkatalo ng kandidato para sa public office. Kabilang sa listahan ang paglilimbag o pamimigay ng mga babasahin o materyales para suportahan o tutulan ang pagkahahal ng sinumang kandidato.
Batay sa COMELEC Resolution 11104, kabilang sa listahan ng Presumed Acts of Vote-Buying and Vote-Selling ang mga sumusunod:
- “Long lines or queues of registered voters/persons for the distribution of money, discount, insurance or health cards, grocery items and other such goods, intended to be used to induce the persons to vote for or against any candidate or withhold their votes in the election, or to vote for or against any aspirant for the nomination or choice of a candidate in a convention or similar selection process of a political party;”
- “Giving, distributing, and receiving any assistance or “ayuda” in which the names of the candidates are mentioned, or those conducted in a place where the name or picture of the candidate is visible or displayed, whether given by the candidate or his or her relative within the second degree of affinity or consanguinity, or their known supporters or employees.
Political career ng mga Hernandez sa Laguna
Unang nagsilbi si Ramil Laurel Hernandez bilang Sangguniang Kabataan chairperson sa Brgy. Mabato, Calamba noong 1992. Kasunod nito, nagsilbi siya ng tatlong termino bilang municipal councilor mula 1995 hanggang 2004. Noong 2004, nahalal siya bilang miyembro ng Provincial Board ng Laguna. Taong 2007 nang mahalal si Hernandez bilang Vice Governor ng Laguna, at na-reelect noong 2013. Noong 2014, na-disqualify ang noo’y nakaupong gobernador na si ER Ejercito dahil sa campaign overspending, at iniluklok si Ramil Hernandez bilang Gobernador ng Laguna. Tumakbo at nahalal siya bilang Gobernador noong 2016, at na-reelect noong 2019 at 2022.
Si Ruth Mariano Hernandez ay unang nagsilbi bilang miyembro ng Calamba Municipal Council noong 1995, at na-reelect noong 1998 at 2001. Muli siyang nahalal sa posisyon na ito noong 2007, 2010, at 2013. Nagsilbi naman siya bilang miyembro ng Laguna Provincial Board 2nd District mula 2016 hanggang 2019. Noong 2019, nahalal siya bilang Representative ng Laguna 2nd District, at na-reelect noong 2022.