Ulat nina Mica Castillo, Carmela Nasam, at Julliana Ulpo
Idinaos ng Laguna Water District Aquatech Resources Corporation (LARC) ang ikalawang Katubig Careavan noong ika-25 ng Marso 2025 sa Brgy. Bayog covered court. Nauna nang inilunsad ang programa sa Nagcarlan, Laguna noong ika-22 ng Pebrero.
Ayon sa Officer in Charge ng LARC na si Queen Anne Tiosan, inorganisa ang nasabing caravan upang direktang maihatid nito ang serbisyong patubig sa komunidad. Layunin ng programang ito na magbigay-daan sa mga residenteng nais mag-apply sa water supply system, magpasa ng water reconnection requests, magbayad sa patubig, at maging sa pagdulog ng mga hinaing patungkol sa kalidad ng tubig.
‘‘‘Yung pinaka goal or aim ng careavan namin is for application. Eto ‘yung mga application for new water service connections or mga targeted naming customers or concessionaires, and then ‘yung mga reconnection namin, ‘yung mga disconnected accounts namin na gusto sana naming i-gain ulit, and then ‘yung bills payment and concerns ni customer,” pahayag ni Tiosan.
Sa naging panayam kasama ang OIC, naibahagi niya ang posibilidad na magdaos pa ang Katubig Careavan sa ibang komunidad sa Laguna. Dagdag ni Tiosan, layunin nilang makapag-abot ng karagdagang customer at community engagement lalo’t maraming umaasa sa kanilang mga serbisyo.
Ayon sa kanya, “Kung may area managers na need ng help namin to collect payments, to assist them when it comes sa concerns, or customer engagement or community engagement, nandoon kami […] Hopefully, ang next naman namin is Bay.”
Nagpahayag naman ng kanilang karanasan sa suplay ng tubig ng kumpanya ang ilang residente na nakibahagi sa Katubig Careavan.
“Malimit mawalan ng water, every Saturday morning. Tapos, mahina, amoy chlorine,” ani Ivora Bitoon, residente mula Brgy. Bayog.
Gayundin, kuwento ni Leonardo Banasihan, isang residente ng Bayog na dumalo para mag-apply sa senior citizen discount, minsan’y umaabot ng isa hanggang dalawang araw ang kanilang paghihintay bago luminis ang tubig. Aniya, kahit malinaw na ang tubig, hindi nila ito ginagamit sa pagluluto hangga’t hindi sila nakasisiguro na ligtas itong gamitin.
Sabi naman ni Corazon Barcala, hindi sila nagkakaproblema sa tubig, bagamat ang iba nilang kabarangay ay “nagrereklamo talaga na halos hindi sila natutulog para makapag-ipon lang ng tubig. Kasi kami, bihirang-bihira maranasan na umigib kami sa poso […] Nagrarasyon ang LARC ng tubig, ilang beses din kami nakakuha,” dagdag niya.
Ang Laguna Aquatech ay isang joint venture na itinatag ng Equipacific HoldCo. Inc. at ng Laguna Water District. Nagsimula ito ng operasyon sa Laguna noong Enero 1, 2016, na may layuning pangasiwaan, pagandahin, at palawakin ang sistema ng suplay ng tubig. Opisyal na nailipat ang operasyon ng nasabing kumpanya sa Manila Water Philippine Ventures noong Hulyo 2024. Sa kasalukuyan, sakop ng Laguna Aquatech ang mga munisipalidad ng Los Baños, Bay, Calauan, at Victoria, Laguna.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa serbisyong patubig ng LARC, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa Maahas, Los Baños o kaya naman ay sa kanilang website at Facebook page.