Ulat nina Jyas Bautista, Reeve Jairo De Los Santos at Marlia Allih Fulgencio
Binuksan na para sa mga mag-aaral at residente ng Los Baños ang modernong Kubo Library sa Brgy Batong Malake noong Lunes, Marso 24. Ito ang ikalawang Kubo Library sa munisipalidad, matapos na buksan ang unang Bahay Kubo Library sa Brgy. Bagong Silang noong Nobyembre 2021.
Ang pagbubukas ng makabagong silid-aklatan ay pinasinayaan ni Los Banos Mayor Anthony F. Genuino, kasama si Konsehal at Education Committee Chair Leren Mae Bautista, Konsehal Jonsi Siytiap at iba pang mga opisyal ng bayan. Dumalo rin ang mga mag-aaral at mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa Los Baños.

Pinasinayaan ni Mayor Anthony Genuino at iba pang mga opisyal ng bayan ang pagbubukas ng Modern Kubo Library sa Brgy. Batong Malake. Larawang kuha ni Jyas Calub-Bautista
Ayon kay Genuino, ipinatayo ang Kubo Library dahil kailangang isulong ang literacy, o kakayahang magbasa, magsulat at magbilang, sa mga kabataan ng Los Baños. “It’s very important na ipromote natin ang literacy. Right now, sad to say, meron tayong mga grade 4, grade 5 na up to now, hindi pa rin marunong magbasa. Kaya, importante na maging part ng curriculum ng DepEd na for every day, may one hour, two hours, ginagawa nila puro basa lang,” paliwanag niya. Inanyayahan niya ang mga guro at mga opsiyal ng Sangguniang Kabataan na magsagawa ng mga regular na learning activities sa aklatan.
Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Bautista ang mga kabataan na magbasa at mangarap. “This library is a home for knowledge and dreams, a place where young minds can learn how to read. And we hope that this reading space will inspire our youth to learn and to promote literacy. To our children and students, this library is for you. May every book you read here help you dream big and reach your goals.”
Kasama sa mga unang pumasok sa aklatan ang mga preschoolers, at mga senior high school students upang sumubok sa mga pasilidad nito. Ayon sa isang mag-aaral mula TRACE College, “Malaking tulong kasi sobrang comfortable pagpasok at mararamdaman mo na ang place na ‘yon ay for readings talaga. Na-appreciate po namin na ang modern nya dahil kailangan talaga ng mga kabataan ng gadgets, syempre at meron pa rin books.” Ikinawili din daw nila ang pagiging moderno ng aklatan.
Ang kongkretong gusali, na matatagpuan ilang hakbang mula sa Brgy. Hall ng Batong Malake, ay fully-air conditioned at nagtatampok ng arkitektura at interior design na modern Filipino. Mayroon itong kapasidad na 40 katao sa loob, at 12 katao sa mga lamesa at upuan sa labas. Bukod sa iba’t ibang mga librong babasahin at educational toys, mayroon sa Kubo Library na mga Kindle e-readers, computers na may internet connection, at AV room kung saan pwedeng manood ng educational videos. Bagamat kasalukuyang nakadisenyo ang aklatan para sa mga batang nasa Daycare hanggang Grade 5, patuloy itong isasaayos upang maging akma pati sa mga estudyanteng nasa high school at college, ayon kay Genuino. Pinaplano na rin ang pagpapatayo ng mga aklatan sa iba pang mga barangay ng Los Baños.

Ang modernong Kubo Library ay nagtatampok ng arkitektura at interior design na modern Filipino. Bukod sa iba’t ibang mga librong babasahin at educational toys, mayroon din ditong mga Kindle e-readers, computers na may internet connection, at AV room kung saan pwedeng manood ng educational videos. Larawang kuha ni Justine Bajada.
Inalala na man ng mga magulang na dumalo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pampublikong espasyo na nakalaan sa pagbabasa at pag-aaral ng kanilang mga anak. “Halimbawa ‘pag may group study yung mga high school [students], pwede rin sila dito kasi meron dito na pwedeng upuan. ‘Tsaka makakatulong talaga sa group study na ikakaganda ng edukasyon ng mga bata,” ibinahagi ng inang si Richel Jimenez.
Ayon kay Prof. Soledad S. Villanueva, Public School District Supervisor ng DepED Los Baños, makakatulong ang mga inisyatibong tulad ng pampublikong aklatan upang mapatatag ang batayang kakayahan o basic literacy skills ng mga bata. “Kung this time, makakapag-start tayo from the very young age na makagamit sila nito (public library), makapag-express sila dito or ma-engage nila ang mga sarili nila, mapa-practice nila yung tamang pagbabasa,” paliwanag niya.
Nakakuha naman ng inspirasyon si Prof. Aida Bejo, punong-guro ng Los Baños National High School (LBNHS) – Poblacion para magtatag ng reading room sa kanilang paaralan, matapos itong masalanta ng Bagyong Kristine. “Nung pumasok ako kanina talagang na-amaze ako dahil pag may ganitong kagandang provision, napakasarap mag-aaral, napakasarap magbasa, naka-aircon,” sabi niya.
Batay sa Contract Agreement na nilagdaan noong Mayo 16, 2023 sa pagitan ng pamahalaang bayan ng Los Banos at Mak-Well Enterprises, ang konstruksyon ng proyekto ay nagkakahalaga ng Php 4.15 milyon. Ayon kay Genuino, sa pamahalaang bayan magmumula ang pondo para sa operation and maintenance ng aklatan.