by Levi Verora, Miggy Inciong, and Gumamela Celes Bejarin with reports from Regine Caguioa
Inaresto ng Los Baños Police ang isang lalaki kahapon matapos itong manutok ng baril sa mga tricycle driver sa Agapita, Brgy. Batong Malake, Los Baños, Laguna.
Nakilala ang lalaki bilang si Antonio Lopez, isang residente ng Lopez Village sa may Agapita. Ayon sa mga nagreklamo, bandang alas-8 ng umaga ay nanutok ng baril ang suspek sa mga tricycle driver at mga sakay nitong pasahero sa isang kalye sa may Agapita. Ayon sa mga nakasaksi, sinabi ni Lopez na bawal raw dumaan doon. Kinumpiska pa daw niya ang mga lisensya ng mga driver at pinagbayad ang mga ito ng 500 piso.
Agad namang rumespunde ang pulisya at nakipag-usap sa lalaki. Nakuha pang magtago ng lalaki sa isang car wash shop. Sumuko din ang lalaki matapos ang higit sa isang oras na negosasyon. Nakumpiska ang Kalibre 45 na dala ni Lopez.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Los Baños PNP ang suspek habang kasalukuyan pang ginagawa ang progress report. Ayon kay PO2 Arturo Ramirez, kahit sa mga nakalipas na taon ay may mga naging kaso narin si Lopez. Napag-aalam rin na siya ay may schizophrenia, dahilan upang mangyari ang insidente. Posibleng kaharapin ng suspek ang patong-patong na kaso, kabilang na ang paglabag sa gun ban alinsunod sa Omnibus Election Code, paglabag sa Republic Act 8294 o Illegal Possession of Firearms, at grave threat.
Aalamin rin ng otoridad kung kailangang ipasok sa ospital ang suspek.