Bagong hepe ng LB PNP, hinirang

ni Ricarda Villar

Si Police Chief Inspector Ricardo I. Dalmacia ay opisyal na nanungkulan bilang hepe ng Los Baños Philippine National Police (PNP) noong ika-16 ng Hunyo.

Nangunguna sa mga proyekto ni Chief Insp. Dalmacia ang pag-deputize sa mga civic group

upang maging katuwang ng PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa Los Baños at pagpapababa ng insidente ng krimen lalo na ang paggamit at/o pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay PO2 Marife Cruz, ang kasalukuyang proporsyon ng pulis sa sibilyan sa Los Baños ay 1:2,432. Ibig sabihin, ang bawat isang pulis ay responsable para sa kaligtasan ng 2,432 residente ng Los Baños. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang humigit kumulang 10,000 estudyanteng nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Ang nararapat na ratio ng pulis sa sibilyan ay 1:500 upang epektibong masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Nais ni Chief Insp. Dalmacia na makipagtulungan sa mga civic organization sa Los Baños tulad ng Kabalikat Civicom. Hindi na bago ang pagtulong ng mga civic organizations sa Los Baños PNP. Katuwang na ng PNP ang mga samahang ito sa tuwing may malakihang proyekto o okasyon sa Los Baños tulad ng taunang Bañamos Festival. Sa ilalim ng panunungkulan ni Chief Insp. Dalmacia, layon na maging regular ang pagtutulungan ng LB PNP at ng mga civic organizations upang  higit na mapalawak at mapa-igting ang pagbabantay sa kaayusan at pagpapanatili ng seguridad sa Los Baños.

Ang pagpapababa ng insidente ng krimen lalo na ang paggamit at/o pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ay isa din sa pangunahing proyekto ni Chief Insp. Dalmacia. Mula nang maupo sa pwesto, narito ang ilan sa mga nagawa na ng bagong hepe ng Los Baños:

  • Nasamsam ang anim na hindi rehistradong motorsiklo. Ang mga motorsiklo ay nailipat na sa ilalim ng panlalawigang tanggapan ng PNP;
  • Sa bisa ng search warrant, isa ang naaresto sa kasong illegal possesion of firearms. Ang suspek ay nahulihan ng .45 na kalibre ng baril  noong June 29. Ang suspect ay nakapagpyansa;
  • Tatlong suspek ang naaresto dahil sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Nilabag ng mga suspek ang Section 5 (pagbebenta), Section 11 (paggamit), at Section 12 (paraphernalia). Sila ay nahulihan ng shabu at marijuana sa pamamagitan ng buy-and-bust operation at pagpapatrol;
  • Naaresto ang dalawa sa mga Most Wanted Persons ng Los Baños;
  • Naaresto ang lima sa mga Wanted Persons ng Los Baños;
  • Naaresto ang walong katao dahil sa paglabag sa batas patungkol sa illegal gambling (RA 9287); at
  • Naaresto ang dalawang katao sa kaso ng swindling.

Pagtutuunan din ng pansin ni Chief Insp. Dalmacia ang pagbuo ng ordinansa na mag-oorganisa ng Los Baños Motorcycle Security and Identification System (LMSIS). Layon ng LMSIS na magkaroon ng mas maayos na database ng rehistro ng mga motorsiklong pagmamay-ari ng mga residente ng Los Baños. Sa ganitong paraan, mas mapapabilis ang pagkilala sa mga kolorum na motorsiklo na karaniwang nasasangkot sa iba’t-ibang klase ng krimen.

Nais ding maisaayos ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Chief Insp. Dalmacia ang listahan ng mga authorized bet collector at kubrador bilang bahagi ng kampanya ng PNP laban sa illegal gambling.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.