ni Ricarda Villar
Namahagi ng mga binhi ng pipino, sitaw, at kalabasa sa kanilang barangay covered court ang Brgy. Putho-Tuntungin sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong ika-13 ng Setyembre.
Ang pamamahagi ng binhi ng gulay ay panimula ng proyektong vegetable container gardening na pinangungunahan ni Kapitan Ronaldo Oñate at Konsehal Rhodora Lagman ng komite ng agrikultura ng Brgy. Putho-Tuntungin.
Ang mga binhing ipinamahagi ay mula sa PAMANA Center at sa Institute of Plant Breeding ng UP Los Baños. Paliwanag ni Konsehal Lagman, ang pamamahagi ng binhi or seed dispersal ay matagal at regular nang isinasagawa ng Brgy. Putho-Tuntungin upang matulungan ang mga residenteng magkaroon ng karagdagang mapagkukuhanan ng pagkain.
Ani Kapitan Oñate, ang proyektong vegetable container gardening ay nabuo matapos maobserbahan na walang mapagkuhanan ng supply ng gulay ang mga residente matapos masira ng Bagyong Glenda ang mga taniman ng gulay sa bahay-bahay. Sa vegetable container gardening, maitatago pansamantala ang mga pananim upang hindi ito maapektuhan ng sama ng panahon at maaring mailabas muli pagkalipas ng bagyo. Maliban dito, makakatulong ang vegetable container gardening na magkaroon ng regular na mapagkukunan ng pagkain ang kanilang mga kabarangay. Kasali sa proyekto ang lahat ng miyembro ng 4Ps sa Brgy. Putho-Tuntungin.
Para sa mga nais makipagtulungan sa proyektong vegetable container gardening sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga binhi o mga plastik na botelya o lalagyan (1, 1.5, at 2 litro), maaaring makipag-ugnayan sa Tanggapan ng Brgy. Putho-Tuntungin sa numerong (049) 536-4546.