Lakbay Alalay 2016 isinagawa ng LBMDRRM

ni Arman Esteban ng Brgy. Timugan, Los Baños Times Collaborator at LBMDRRM volunteer

Isinagawa ng Los Baños Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (LBMDRRMO) ang Lakbay Alalay: SUMVAC 2016 noong ika-20 hanggang 27 ng Marso.

Ang nasabing proyekto ay naglalayon na gabayan ang mga residente at turista na dumayo sa Los Baños kasabay ng bakasyon at ng kwaresma. Layon din ng naturang proyekto na malapatan ng paunang lunas ang mga bisitang naaksidente habang nililibot ang Los Baños.

Sa pamumuno ng LBMDRRMO, nagpulong ang iba’t-ibang mga organisasyon sa munisipalidad kabilang ang KABALIKAT, UROCOM, COPS, LOBSET, ALERT, at RED CROSS-Los Baños. Kasama rin sa mga tumulong ang mga kinatawan ng mga sumusunod na barangay: Anos, Bagong Silang, Batong Malake, Lalakay, Timugan.

Ayon kay Kagawad Fredilino Parabuac ng Brgy. Timugan, “mahigpit na [ginabayan] ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay ng Timugan ang mga tao na pumunta sa lugar na sakop ng Makiling Forest Reserve (MFR) [bilang bahagi ng SUMVAC 2016]”. Ang mga outpost ng Makiling Center for Mountain Ecosystem (MCME) sa Magnetic Hills ay binantayan ng mga tanod ng Brgy. Timugan kasama si Brgy. Capt. Florencio D. Bautista. Dagdag pa ni Kag. Parabuac, “humigit kumulang sa 300 katao ang pumunta sa iba’t-ibang lugar na sakop ng MFR”. Kabilang sa mga binisita ng mga residente at turista ang National Arts Center, Grotto, at Boy Scouts of the Philippines Jamboree site.

Ayon sa ulat ng LBMDRRMO, walang naganap na malaking sakuna. Ilan sa mga naitalang aksidente ay mga residente at turista na nasugatan, napilayan, at nahilo habang umaakyat sa Bundok ng Makiling na siya namang nalapatan ng agarang paunang lunas.

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *