ni Armando Esteban ng Los Baños Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office
Ginanap sa Los Baños ang kauna-unahang Collapse Structure Search and Rescue (CSSR) Training sa probinsya ng Laguna noong Agosto 8-12. Layon ng naturang pagsasanay na palakasin ang kapasidad ng bawat miyembro ng barangay sa pagsagip ng mga ng mga biktima mula sa pagguho ng mga imprastraktura dulot na mapaminsalang lindol at iba pang sakuna. Ang CSSR training ay dinaluhan ng mga kinatawan ng mga barangay sa Los Baños at iba’t ibang tanggapan sa munisipyo.
Nagsilbing tagapagsanay sa CSSR Training ang 525th Engineer Combat battalion ng 51st Engineer Brigade sa pangunguna ni LTC Ulpiano T. Olarte CE (GSC). Sila ang grupo ng mga sundalo na patuloy pa ring nagsasanay at nakikipagtulungan sa ibang bansa upang lalong mapabuti ang kaalaman sa pagsagip ng buhay ng mga taong mabibiktima ng pagguho.
Ang nasabing training ay naisagawa sa pagtutulungan ng Los Baños Municipal Disaster Risk Reduction Office (LBDRRMO) sa ilalim ng pamumuno ni LBMDRRMO Secretary Cynthia Quintans at sa gabay ni Ret. Col. Renato Samsom, ang LBMDRRMO consultant.
Personal na pinasinayaan ni Dir. Vicente F. Tomazar, regional director ng Office of Civil Defense IV-A ang pagbubukas ng nasabing pagsasanay noong Agosto 8. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Director Tomazar ang pagpapahalaga at paghahanda para sa sariling kaligtasan. Naging tagapagpadaloy ng palatuntunan si LBDRRMO Secretary Quintans at si Major Elmar C. Dalope ng 564th Engineer Construction.
Ang unang tatlong araw ng pagsasanay ay inilaan para sa mga diskusyon tungkol sa sumusunod: lindol at ang mga sanhi at bunga nito, basic life support, first aid, R.A. 10121 o “An Act Strengthening the Philippine Disaster Risk reduction and management System”, incident command system, at organizing and starting a CSSR Operation.
Sa ikatlong araw, pinag-aralan ang mga kagamitan sa isang operasyon ng CSSR at ang maingat at tamang paggamit dito. Kasama rin sa mga paksang tinalakay ang tamang pamamaraan ng paghahanap ng lokasyon o kinalalagyan ng mga biktima sa ilalim ng guho.
Nagkaroon din training sa tamang paglapat ng paunang lunas sa mga biktima. Kasama na rito ang wastong pangangalaga sa mga nabalian at nasugatan, pagtatala ng mga datos, at paglipat sa mga biktima sa ligtas na lugar at pagamutan. Sinimulan din sa hapon ang aktuwal na paggamit ng mga kagamitan para sa CSSR operation.
Sa huling araw ng pagsasanay nagkaroon ng simulation ng pagliligtas sa mga biktima ng isang 7.2 magnitude na lindol. May mga gumanap bilang mga biktima na kinailangang iligtas mula sa mga gumuhong imprastraktura. Hinati sa ilang grupo ang mga kalahok na gumanap sa mahahalagang papel tulad ng isolation team, hailing team, shoring team, breaching and breaking team, extrication team, at medical team.