ulat nina Joyce Ann Santos, Shaznhae Lagarto, at Patricia Cuevas
Kasalukuyang ginaganap ang ika-53 anibersaryo ng Child Development Laboratory (CDL) sa harap ng College of Human Ecology sa University of the Philippines Los Baños.
Alas siyete ng umaga (7 a.m.) kanina nang magsimula ang selebrasyon para sa ika-53 na anibersaryo ng CDL. Ang pormal na pagmamarka ng ika-53 anibersaryo ng CDL ay nangyari noong nakaraang buwan pa, ika-28 ng Enero, ngunit ang selebrasyon para sa CDL Foundation Day ay ipinagdiriwang ngayong ika-14 at 15 ng Pebrero kasabay ng Araw ng mga Puso at ng ikalawang araw ng UPLB February Fair 2018.
Ito ay sa kadahilanang ang pagbabalik klase ng mga estudyante ng CDL ay naitatapat sa kalagitnaan ng buwan ng Enero, alinsunod sa calendar shift ng unibersidad. Kung kaya’t noon pa lamang sila nakapagsimulang maghandang mag-organisa para sa selebrasyong ito. Bukod dito, ito rin ay isinabay ng CDL sa February Fair upang mas maraming tao ang makakita ng kanilang exhibit.
May iba’t ibang mga aktibidad na inihanda ang CDL tulad ng art exhibit ng mga obra ng kanilang mga mag-aaral, arts workshop, magic show, at iba pa. Mayroon ding ginaganap na book fair sa pakikipagtulungan ng Aklat Adarna kung saan maaaring makabili ng mga librong pambata.
Ang Day Care Laboratory (DCL) ay inimbitahan ng CDL upang makibahagi sa kanilang selebrasyon. Naghanda ang DCL ng isang art workshop na ginanap kaninang tanghali. Nakiisa ang mga estudyante ng DCL at CDL sa workshop na ito. Mayroon din silang inexhibit na mga likha ng kanilang mag-aaral gamit ang iba’t ibang paraan. Kabilang dito ay mga yarn painting, scrape painting, marble painting, fork painting, TP roll at Q tips painting.
Ayon kay Rho Mileva, kapatid ng isang estudyante ng DCL, “Itong inihanda ng CDL at DCL ay somehow nashoshowcase yung mga artwork nung mga bata, yung creativity nila.”
Ang layunin ng CDL ay maibahagi taon-taon ang mga talento at pagkamalikhain ng mga bata sa pamamagitan ng mga exhibit na ito. Noong unang dalawa o tatlong taon ng exhibit, mga sandpaper artworks ang kanilang ginagamit sa pagdidisenyo ng mga likhain. Sa kasalukuyan ay mga painting canvas na ang kanilang ginagamit.
“Hindi ako familiar sa CDL, pero nakakatuwa na makakita ng mga artworks ng mga bata kasi makikita mo na ang lawak ng interpretation nila sa mga bagay bagay,” Cyara Perez, mag-aaral mula sa UPLB.
Ang CDL ay naitatag noong 1965 bilang bahagi ng extension program ng CHE. Ang CDL at DCL ay nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Human and Family Development Studies (DHFDS) sa UPLB CHE.
Ayon kay Ria Sanchez, kasalukuyang Chair ng departamento, ang CDL ay nagsimula bilang isang instructional laboratory ng DHFDS kung saan ang mga estudyante na nagmamajor sa Human and Family Development ay nagkakaroon ng practice teaching mula dito. Ito ay maituturing din na research program kung saan may mga pag-aaral na nagaganap ukol sa mga mag-aaral, gayun na din sa mga magulang na bahagi nito na ginagamit na batayan sa pagtuturo ng mga preschool, pagbuo ng mga learning materials, at iba pa. Ito rin ay isang extension program, kung saan pinaglilingkuran nito ang unibersidad. Mayroon din silang nagiging estudyante mula sa mga kalapit na bayan tulad ng Calauan at Calamba, bukod sa Los Baños.
“Ang ipinagmamalaki talaga namin dito ay it is developmentally appropriate, we do not pressure the children to learn to read and to write, and it is a holistic approach,” aniya. Kabilang ang art exhibit bilang paghasa sa kanilang mga fine motor skills sa holistic growth ng mga bata na layunin ng programa. Bukod dito, pinapanatili ng CDL kalidad ng kanilang pagtuturo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maliit na class size at pagkakaroon ng magandang relasyon sa mga magulang ng mga bata. Naglulungsad sila ng mga seminar at workshop para sa kanila at nagkakaroon din ng ang mga magulang ng mga bata ng pagkakataon na magturo sa klase bilang mga teacher mommy at teacher daddy.
May iba pang inihandang aktibidad bukas para sa selebrasyon tulad ng storytelling para sa kanilang mga inimbitahan at iba pang nais makidalo rito.