Taunang libreng pap smear ng Brgy. Anos, idinaos

ulat at mga larawan nina Ruth Ann Recto, Samuel Sutare, at Rendell Dago-oc

Dinaluhan ng 50 kababaihan ang taunang libreng pap smear sa Makiling Covered Court noong Pebrero 12, 2018. Ito ay inilunsad ng Sangguniang Barangay ng Anos, sa pakikipagtulungan ng Rotary Club Los Baños.

Nagsimula ang programa sa ganap na alas-otso ng umaga, na dinaluhan ng mga nanay na nakatira malapit sa health center ng barangay. Ito ay katabi lamang ng day care center na sadyang pinupuntahan ng mga nanay dahil sa mga anak nilang nag-aaral.

Bukod sa pap smear, kasama din ang breast screening sa libreng check-up.

Ayon kay Yasmin “Chi” Andal na presidente ng Rotary Club, layunin ng libreng pap smear, na nasa ilalim ng kanilang Maternal and Child Care Projects, na maalagaan ang kalusugan ng mga kababaihan, lalo na ng mga nanay.

Especially ‘yung mga indigent pa na participants natin, it’s not their priority na [magpa-check-up] which is very important kase sa mga babae,” ani Andal.

Nakilahok si Hana Pantaleon, 31 years old, na ikalawang beses nang magpapa-pap smear. Ayon sa kanya, ito ay upang magkaroon siya ng mas malawak na kaalaman tungkol sa mga sakit na nakukuha ng mga babae. Dagdag pa niya, maganda ang programang ito dahil wala itong bayad.

Ang mga dumalo para sa libreng pap smear ay binigyan muna ng orientation tungkol sa family planning.

Si Connie Lawas naman, 67, ay magpapa-pap smear nang libre sa unang pagkakataon. Ayon sa kanya, sa pribadong ospital siya sumasailalim ng test dahil sa kanyang health card.

“After 66, hindi na ako nagkaroon ng benefit doon [sa health card]… so itong year na ‘to magsisimula akong mag-avail ng mga free pap smear,” sabi ni Lawas.

Ang ina namang si Arlene Yamson, 24, ay nais magpasailalim sa pap smear dahil sa taglay nitong breast screening. Nalaman niya ang programa dahil sa katabing day care ng health center, kung saan nag-aaral ang kanyang anak.

Sumasailalim sa registration at maikling orientation ang mga dumalo.

 

“Syempre masaya kasi mahal din ‘yung pap smear sa private hospital, dito libre. Nakaka-avail ‘yung mga walang pera,” ani Yamson.

Ayon kay Kapitan Celerino Balasoto ng Brgy. Anos, naglaan sila ng sampung libong piso na budget para sa programa. Sinimulan ang programang ito noong Pebrero 17, 2015 na ipinagpapatuloy hanggang ngayon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.