Ulat ni Gillian Sagario
Gaganapin ang “Bloodletting Drive” ngayong darating na ika-17 ng Pebrero 2018 sa Barangay Maahas Covered Court na magsisimula ng alas-otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.
Ayon kay Jhayr Mundin, head coordinator ng drive at Barangay Employment Service Office (BESO) Maahas officer, ang proyekto ay isasagawa dahil sa hangarin nilang makapagbigay ng libreng dugo sa mga taong nangangailangan nito.
Kaisa ito sa tema ng nagdaang bloodletting ng Los Baños Municipal Health Office (LBMHO) na Dugong Bayani.
“Gusto naming maging mga bayani yung mga gustong mag-donate” ani ni Mundin.
Pwedeng magbigay ng dugo ang kahit sino basta’t ang edad nila ay mula 18 hanggang 65 na taong gulang. Ngunit, mayroon munang isasagawang mga test katulad ng pagtingin sa blood pressure upang masigurong ligtas ang kalagayan ng mga gustong mag-donate. Ang Calamba Medical Center (CMC) ang mangangasiwa ng mga test, at ng mismong bloodletting.
Ang paghiling ng mga makukuhang dugo ay bukas sa lahat ng taong nangangailangan. Ang kailangan lamang gawin ay magdala ng blood request letter sa barangay.
Ang proyektong ito ay hatid ng Sangguniang Barangay ng Maahas, sa pakikipagtulungan ni Bokal Leeanne P. Aldabe-Cortez, board member ng ikalawang distrito ng Laguna.