ulat nina Sandra San Carlos at Joshua Perolina
Ang kauna-unahang bloodletting project ng Persons with Disability (PWD) Association ng Barangay Bambang ay isasagawa sa Day Care Center ng barangay bukas, Pebrero 24 mula 8:30 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Inaasahan ang pitong doktor na darating mula sa Lung Center of the Philippines upang isagawa ang pagkuha ng dugo.
Ayon kay Lenie Manzanares, PWD Association Bambang President, ang makakalap na dugo ay itatabi sa Philippine Blood Bank na nakabase sa Pasig City.
Nasabi ni Manzanares na ang layunin ng proyekto ay ang makapangalap ng dugo mula sa mga residente ng Bambang at mga karatig-lugar nito, upang ito’y magamit ng mga PWD, at ng iba pang nangangailangan, sa libreng halaga.
Nabanggit rin ni Manzanares na ninanais ng PWD Association ng Bambang na makipag-tulungan sa Dugong Alay, Dugtong Buhay na mailunsad ang proyektong ito dahil kinakailangan pa magbayad ng mga PWD sa mga pampubliko at pampribadong ospital upang makakuha ng kinakailangan nilang dugo.
“Kung libre ang pagdodonate ay marapat lamang na libre din itong makukuha ng mga taong nangangailangang salinan ng dugo,” ani ni Manzanares.
Nagsimula ang ugnayan ng PWD Association ng Bambang at Dugong Alay, Dugtong Buhay noong Agosto 2017. Ang ugnayan ay dulot ng kakulangan ng proyekto ng asosayson sa mga nagdaang taon.
Ayon kay Manzanares, inaasahan ang mahigit 100 katao ang dadalo at magpapakuha ng dugo sa darating na ika-24 ng Pebrero. Ito ay dahil sa pakikipagtulungan na rin ng ilang mga pulis, sundalo, mga motorista, Tau-Gamma Fraternity, Alpha Enterprises, Rotary Club Los Baños, at mga karatig barangay, kasama na si Joselito Manzanares, Kapitan ng Barangay Bambang.
Para sa mga katanungan, tawagan o i-text lamang si Lenie Manzanares sa 09057124706.