#UlatBayan ni Alfonso Martires, Youth Volunteer at Earth Ambassador ng Yakap Kalikasan
Isang grupo ng mga kabataan sa Los Baňos ang napili ng Non-Government Organization (NGO) na Yakap Kalikasan Tungo sa Kaunlaran ng Pilipinas, Inc. upang dumalo sa Youth and Sustainable Development: Agriexposure and Writeshop sa Baler, Aurora.
Ang gawaing ito ay parte ng isang programa ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (UN-FAO), kasama ang Yakap Kalikasan upang maging mulat at aktibo ang kabataan tungkol sa ‘sustainable development’.
Idiniin sa writeshop na ito ang kahalagahan na maisulat at maisiwalat ang mga balitang naglalaman ng objective at factual content. Ipinaliwanag din ang kahalagahan ng responsableng pagsusulat sa iba’t-ibang plataporma kagaya ng social media. Ito ay upang maiwasan ang pagkalat ng “fake news” o mas angkop sa katawagang misinformation.
Ayon sa Executive Director ng Yakap Kalikasan na si Forester Nelson Martires, “ang kabataan ang magmamana ng responsibillidad ng tuloy-tuloy na pag-abot ng kaunlaran, lalo na ang pagsisiguro na walang mahirap, nagugutom, at mangmang na Pilipino”.
Upang makapagsulat ng objecive and factual content, ipinakilala sa mga kabataan ang isang samahan ng mga kababaihan sa Brgy. Reserva sa Baler, Aurora. Ang samahang ito ay bumangon at umangat ang buhay, sa tulong ng Department of Agriculture-Region 3 at ng UN-FAO, mula sa dalawang magkasunod na bagyo noong Oktubre 2016 — ang bagyong Karen at Lawin.
Nakipagtalakayan ang mga kabataan sa mga kababaihang magsasaka at binisita ng mga ito ang kanilang lupang taniman. Matapos nito, nagsulat ang mga kabataan ng istorya tungkol sa estado ng buhay ng mga residente ng Baler matapos ang mga nasabing bagyo.
Ika nga ng mga kabataan, “ang tunay na may-akda ng mga kuwento ay ang mga karakter na isinusulat ng mga manunulat. Ang mga manunulat ay tagasalin lamang sa papel ng mga kuwentong mula sa bibig ng mga karakter na buhay.”
Kasama ang ilang estudyante at guro ng Kapayapaan Integrated School ng Canlubang, Calamba City, Paciano Rizal Elementary School, at GK Putho-Tuntungin sa programang ito.
Para sa karagdagang impormasyon, ay makipagugnayan lamang sa kanilang email address: [email protected], o kaya bumisita sa kanilang opisina sa Brgy. Maahas, Los Baños.