Bagong Gusali ng Los Baños Doctors Hospital and Medical Center kasalukuyang itinatayo

ulat nina Crissel Tenolete, Vince Cortez, at Mistral Reyes

Kasabay ng pagdiriwang ng kanilang anibersaryo noong Setyembre 2016, nagsimulang itayo ang Annex 3 ng Los Baños Doctors Hospital and Medical Center (LBDHMC). Ayon kay Dr. Leslie M. Reyes, Chairman of the Board ng LBDHMC, ang nasabing proyekto ay pinamunuan ni Dr. Renato Torres, Head of Building Committee, sa pakikipagtulungan sa Anglobuilders Construction and Development Incorporated.

Ang kasalukuyang gusaling itinatayo ay magkakaroon ng walong palapag, dalawang generators, dalawang elevators, dalawang basements para sa parking lot, at commercial space sa ground floor para sa mga nagnanais maging concessionairies. Bukod pa sa mga nasabing pasilidad, ang LBDHMC ay gagamit na rin ng wastewater treatment, solar panel, at magkakaroon din ng helipad.

Ayon kay Dr. Reyes, ang gusali ay itinatayo para sa benepisyo ng nasasakupan nito. Ilan sa mga ito ay para sa lumalaking bilang ng mga tauhan at para sa paglipat ng mga doctors clinic, lalo na’t magkakaroon ng mas malaking dialysis treatment rooms.

Ito ay upang magkaroon ng mas marami pang kwarto para sa mga pasyente, at upang magkaroon ng espasyo para sa mga iba pang serbisyo.

“This is a green building as part of our  environmental compliance with the social responsibility. We will have wastewater treatment and solar panels. Kahit yung galing sa toilet [na tubig], we will have it recycled.” ani Dr. Reyes.

Sa pamumuno ni Dr. Cipriano Avenido, itinatag ang Los Baños General Hospital na ngayon ay kilala bilang Los Baños Doctors Hospital and Medical Center noong taong 1977. Naitatag ang ospital sa pagtutulungan ng tatlong pamilya ng Avenido, Estacio, at Juliano.

Credits: LBDHMC website

Ang Los Baños General Hospital ay nagsimula bilang isang acute care hospital o ang sangay ng secondary health care kung saan ang isang pasyente ay tumatanggap ng aktibo ngunit panandaliang paggagamot para sa isang malubhang sakit. Maari ding para sa isang kagyat na kondisyong medikal, o sa panahon ng paggaling mula sa operasyon.

Pagsapit ng taong 1990, naitatag ang Annex 1 at sumunod naman ang  Annex 2 sa patnubay ni Dr. Reyes.

Masugid na sinusuri ng LBDHMC ang responsibilidad nito sa mamamayan ng Los Baños. Kasama sa mga hakbangin nila ay ang pagbibigay ng lectures, na kung tawagin nila ay Lay Fora, sa kanilang mga pasyente ukol sa mga iba’t-ibang uri ng sakit.

Nagsasagawa din sila ng Operation Tule at libreng eksaminasyon ng dugo. Nakikilahok din sila sa mga tree planting projects sa Bundok ng Makiling, at sinisigurong ang mga puno na naitanim ay yayabong.

Meron ding pagkakataon kung saan nagbigay sila ng libreng serbisyo para sa mga indigent family na nangangailanan ng serbisyong medikal sa pakikipagtulungan ng Municipal Government.

Matapos ang nasabing proyekto ay mayroon na ding mga plano ang LBDHMC. “As for the future, maybe we will be open for mergers, [and] partnerships”, ani ni Dr. Reyes. “It depends on what the hospital industry will be.”, dagdag pa niya.

Maliban dito ay napag-iisipan na rin nila na gawing computerized ang lahat ng records ng ospital para sa madalian na pagkuha ng impormasyon ng mga naging pasyente nito. Magkakaroon din ng modernisasyon ng dietary department at sistemang pangkomunikasyon.

Bukod dito ay papa-igtingin pa nila ang seguridad ng ospital sa pamamagitan ng pagdadagdag ng CCTV cameras.

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan amang sa numerong (049)536-0100.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.