ulat nina Aira Mae Alcachupas at Veronica Mae Escarez
BATONG MALAKE, LOS BAÑOS–Ginanap ang isang Dengvaxia Open Forum sa Lopez Elementary School Auditorium noong ika-1 ng Marso.
Ayon kay Dr. Isidoro, tinatayang 847 estudyante ang nakatanggap ng unang turok ng bakuna sa Los Banos noong 2016. Isa ang Lopez Elementary School sa mga may pinakamaraming nabakunahang estudyante may bilang na 151.
Kamakailan lamang nang sumabog ang isyu ukol sa Dengvaxia na siyang naging mainit na usapin sa mga palabas sa telebisyon. Ayon sa mga nauna nang ulat, ang Dengvaxia ay itinuring na pinakaunang bakuna sa buong mundo na laban sa sakit na Dengue. Ang bakunang ito ay sinimulang inilunsad noong Abril 2016 sa mga eskwelahan sa buong bansa.
Dahil sa mga lumalabas na balita tungkol sa Dengvaxia, nagsimulang mag-alala ang mga magulang na may anak na nabakunahan at ipinasuri nila ang kanilang mga anak. Ayon ka Dr. Isidoro, “Sa 70 cases ng mga nagpakonsulta, 90% doon ay negative sa rapid dengue test at ang 10% naman ay hindi na sinuri dahil hindi tumutugma ang kanilang simtoma kung may dengue sila”
Ayon sa mga panayam sa ilang mga magulang ng mga estudyanteng nag-aaral sa Lopez Elementary School, mayroong tatlong turok na nakatakdang ibigay sa kanilang mga anak. Noong una, sila ay binigyan ng letter of consent mula sa DOH na kung saan ay hinihingi ang kanilang permisyon na maturukan ang kanilang anak ng bagong tuklas na bakuna na nagngangalang “Dengvaxia”. Ipinakita ng isa sa mga magulang ang immunization record ng kanyang anak na naglalaman ng petsa ng pagbabakuna at pangalan at pirma ng health officer na nagbigay nito sa kaniyang anak. Subalit noong ikalawa at ikatlong turok na, hindi na sila nabigyan ng letter of consent. Inihayag pa ng ginang na nagulat na lamang siya nang sabihin ng kaniyang anak pagkauwi nito mula sa paaralan ay sinabihan na lamang siya na nakuha na nito ang kaniyang ikatlong turok ng Dengvaxia.
Ang immunization card ay dapat ipresenta kung magpapasuri ang bata upang patunayang it ay nabakunahan. Dagdag pa ni Dr. Isidoro, magbibigay ulit ng dalawang immunization card: isa para sa magulang at isa para sa bata. Ito ay ipapamahagi sa mga paaralan sa mga susunod na linggo.
Noong 2016, wala pa namang naitala na maagang paglabas ng mga kakaibang sintomas magpahanggang unang mga buwan ng 2017. Nobyembre 29 nang maglabas ng babala ang Sanofi Pasteur, ang internasyonal na kumpanyang gumawa ng Dengvaxia, na ang nasabing bakuna ay hindi nakabubuti para sa mga taong hindi pa nagkaka-dengue. Ito ay maaaring maging sanhi pa ng mas malalang sakit, dagdag ng kumpanya.
Upang mabantayan ang issue tungkol sa dengue at Dengvaxia, magkatulong ang DOH at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng (1) Information Dissemination, (2) Monitoring and Surveillance, at (3) Prevention.
(1) Information Dissemination. Kaakibat nito ay ang mga open forum na ginaganap sa iba’t ibang baranggay at eskwelahan. Mayroon ding mga poster na ipamamahagi sa mga paaralan at health centers.
(2) Monitoring and Surveillance. Nagtalaga ang DOH ng Dengue Surveillance Assistants (DSA) sa bawat bayan na may mga estudyanteng naturukan ng Dengvaxia. Ang DSA ay mga public health nurse na may tungkulinig mag-monitor ng mga naturukang bata. Sa Los Baños, ang nakatalagang nurses ay sila Eman Devanadera at Sarah Gino-gino na alertong nagbabantay sa kalusugan ng mga nabakunahan. Ayon kay Devanadera, tungkulin nilang magpunta sa bawat eskwelahan upang i-monitor ang mga apektadong estudyante. Kung sila man ay nagpapakita ng senyales ng kahit na anong sakit sa kanilang katawan, sila ay agad na hinihikayat na pumunta sa pinakamalapit na health center upang agad na malunasan. Kung ang bata ay hindi pumasok sa paaralan ng magkasunod na araw, agad silang binibisita upang masuri.
Ipinaliwanag ni Ocampo na ang pagpapakonsulta at pagpapagamot sa mga pampublikong ospital ng mga naturukang mga bata ay libre. Ito ay dahil sa inilaang pondo para sa kanila ng DOH. Nakakatulong din ang pagkakaroon ng pamilya ng PhilHealth card upang maging mas magaan ang kanilang pagbabayad kung sakaling kailanganin man ito.
Kabilang sa mga libreng serbisyo ay ang rapid dengue test (RDT), Complete Blood Count (CBC), at urinalysis.
Para naman sa mga nais magpakonsulta sa mga pribadong ospital, pinaaalalahanan ni Ocampo ang mga magulang na siguraduhin munang kasama ang ospital sa listahan ng DOH na pumirma sa memorandum of agreement (MOA). Isa sa nabanggit na ospital ay ang St. Jude Family Hospital.
(3) Prevention. Binigyang diin ni Dr. Isidoro ang ipinapatupad na kampanya ng DOH na 4S.
- Search and Destroy
- Self-Protection Measures
- Seek Early Consultation
- Say No to Indiscriminate Fogging
Ibinahagi ni Evangeline Ramos, guro ng ika-limang baitang at nars ng eskwelehan, na siya ay bumibisita sa bawat silid-aralan upang kamustahin ang kalagayan ng mga apektadong estudyante. Kung sila ay may kakaibang nararamdaman, sila ay agad na ipinapadala sa pinakamalapit na pampublikong ospital. Bukod pa rito, sinisigurado ng pamahalaan ng eskwelahan na hindi magiging pugad ng lamok ang kanilang paaralan. Idinagdag ni Ramos na may fogging at masinsinang paglilinis na isinasagawa tuing Brigada Eskwela upang puksain ang mga lamok at itlog nito.
Patuloy rin ang pagronda ng DOH at Municipal Health Office sa bawat eskwelahan upang magbigay impormasyon sa mga magulang upang hikayatin silang maging mas maingat ngayong panahong ito.
Para sa iba pang impormasyon, maaring kontakin ang Municipal Health Office ng Los Baños sa (049) 536-3857.