ulat nina Aira Alcachupas at Louise Quetua
Inilunsad ng University of the Philippines Los Banos Business Affairs Office – OVCCA ang Women Entrepreneurs’ Trade Fair sa Alumni Plaza mula ika-2 ng Marso hanggang ngayong Martes, Marso 6, upang suportahan ang mga lokal na kabuhayan o social enterprises ng mga kababaihan sa Los Banos.
Proyektong pangkabuhayan para sa mga kababaihan ang pinagmulan ng ilan sa mga grupong kasali sa trade fair ng UPLB BAO. Karamihan sa mga may-ari ng mga negosyo na ito ay nagluluto at nagtitinda ng mga pagkain o pastries tulad nina Anna Papag ng Ann’s Fab Kitchen at Jus Right at Bituin Esquivel ng Homespun Cakes and Pastries.
Ilan naman sa mga kasali sa trade fair ay mga kababaihang galing sa mga livelihood programs ng kani-kanilang mga barangay. Ang samahang Putho-Maahas Women Trader’s Group ay nagkaroon ng mga workshop sa baking, food processing, at sewing, kung saan nilalako nila ang mga produktong sila mismo ang lumikha. Mga tinahing mga produkto naman tulad ng bedsheets at punda ng unan ang mga produkto ng Samahang Kababaihan ng Laguna.
Naibahagi rin ng trade fair ang adbokasiya ng mga kababaihang kasali rito sa pamamagitan ng mga negosyong ito. Nakilahok sa trade fair ang mga miyembro ng Women’s Brigade ng barangay Tuntungin-Putho para ipakita at ipakilala ang kanilang mga produktong Bags for Life. Ang mga materyal na ginamit nila sa kanilang mga produkto ay mula sa kagamitang recyclable o maaring gamiting muli. Tinatangkilik at sinusuportahan naman ng Sierra’s Table nina Che Abrigo at PJ Santos ang mga produktong gawa ng mga Dumagat mula sa Sierra Madre upang makatulong rin sa kanilang pamumuhay.
Ang iba pang mga kasama sa trade fair ay ang AC Sikhay, Bistro Saigon, LOPA Winery, Lara’s Food Cart, RP Hotdog Store, at Equation.PH. Ang Women Entrepreneur’s Trade Fair ay ginanap para sa ika-31 na anibersaryo ng UPLB BAO at sa selebrasyong National Women’s Month.