Ulat nina Margaux Maureen Manalo at Angeline Fortes
Upang bigyang-pansin ang tumataas na kaso ng mga mental health problems sa mga estudyante ng senior high school, isinagawa ng University of the Philippines Rural High School (UPRHS) ang Utak at Puso, isang symposium tungkol sa mental health at psychosocial challenges na kinakaharap ng mga estudyante, noong ika-12 ng Marso, 2018 sa NCAS Auditorium, UPLB.
Apat na alumni ng UPRHS ang nagbahagi ng kaalaman at karanasan sa mga problema sa mental health.
Tinalakay nina Dr. Teri Marie Laude, reproductive health coordinator ng UPLB Gender Center, at Dr. Marison Dy, isang propesor sa College of Human Ecology (CHE), ang iba’t ibang mental at psychosocial issues na kinakaharap ng mga kabataan.
Ibinahagi nila ang akademikong perspektibo ukol sa isyu at tinalakay ang mga sanhi ng mga problema sa mental health.
Sinundan ito nina Laya Arioder, isang mental heath advocate, at singer-songwriter Ebe Dancel, na nagbahagi ng kanilang mga karanasan sa mental health. Ani Arioder at Dancel, hindi naging madali ang buhay nila bilang Ruralite, ngunit marami umano silang natutunan mula sa kanilang mga karanasan.
Ayon kay Arioder, napagtanto niya na ang karakter na nabuo sa kanya bilang isang Ruralite ay may magandang naidulot dahil natutunan niyang hindi sumuko sa mga pagsubok, lalo na sa pakikipaglaban niya sa kanyang depression at anxiety.
Ibinahagi naman ni Dancel ang kanyang mga karanasan simula pagkabata, pati na rin ang mga pagsubok na kaniyang hinarap bilang isang musikero. Ayon kay Dancel, “You see me as a public figure, but what you don’t know is that I have failed more than I have succeeded [Nakikita niyo ako bilang isang public figure, pero ang hindi niyo alam ay mas maraming beses akong nabigo kaysa nagtagumpay.]”
Idinagdag niyang ang mga karanasang ito ang ginawa niyang inspirasyon sa pagsusulat ng mga kanta. “Good songwriters are good observers in life [Ang magagaling na manunulat ng kanta ay magagaling magmasid].”
Ipinayo ng dalawa sa mga estudyante na huwag matakot na magsabi at humingi ng tulong kung sila ay may manipestasyon ng problema sa mental health. Binigyang-diin rin nila ang importansiya ng suporta ng mga magulang at kaibigan sa mga tao na nagkakaroon ng problema sa mental health.
Idinagdag rin nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga hilig na maaaring pagbalingan ng atensiyon sa tuwing nakakaranas ng depressive episodes, tulad ng musika at pisikal na gawain.
Aktibo ring nakapagtanong at nakapagbahagi ng karanasan at hinaing ang mga estudyante sa open forum. Pinuri ni Arioder ang katapangan ng mga estudyanteng may mental health problems ang kanilang mga pinagdadaanan.
Kinantahan rin ni Ebe Dancel ng isang acapella ng Huwag Ka Nang Umiyak ang mga estudyante bilang paalala na hindi sila nag-iisa sa kanilang laban. Panoorin ang video para sa awit ni Dancel.
Ang nasabing symposium ay dinaluhan ng 250 na estudyante mula sa Grades 11 at 12.
Ang problema sa mental health ay laganap sa mga kabataan. Ayon sa World Health Organization, tumaas ng 15 hanggang 20 porsiyento ang bilang ng mga kabataang nakakaranas ng mga problema sa mental health.
Para sa iba pang impormasyon ukol sa Mental Health, maaari na lamang tawagan ang HOPE hotline sa numerong (02) 804-HOPE (4673) o 0917 558 HOPE (4673).