nina Faith Arancana at Bryan Lawas
“Huwag nilang gagawin ang prusisyon [na] laruan. Hindi laro ‘yan. Prusisyon ‘yan na ika nga banal,” paalala ni Tatay Rudy.
Si Rodolfo Enriquez Vipinoso, 77, o mas kilala bilang “Tatay Rody” ay limampu’t-pitong taon nang nagpuprusisyon sa Los Baños. Siya ay dating taga-Makati, ngunit nanatili na sa Brgy. Batong Malake nang siya’y ikasal noong 1961. Simula noon, naging aktibo na siya sa Parokya ng San Antonio de Padua na noon ay kapilya pa lamang.
Noong taong 1969, naatasan si Tatay Rody na mamahala sa prusisyon. Kasama sa mga tungkulin niya ay ang pagsubaybay sa mga isasamang karo at santo pati na rin ang pagpili ng mga pamilya na mag-aalaga at mag-aayos nito. Napabilang din siya sa samahan ng mga apostoles kung saan nakikibahagi sila sa mga pagdiriwang tuwing Mahal na Araw at pumipili rin ng mga apostoles sa susunod na taon.
Sa pamamahala ng prusisyon
Kwento ni Tatay Rody, hindi biro ang pamamahala ng prusisyon. Kaakibat nito ay mga problemang hindi naiiwasan.
“Noong ako ‘yung namamahala sa prusisyon dito, mga 1969, laking sakit ng ulo dahil ‘yung mga santo, mag-uumpisa na ang prusisyon, wala pa. Antay pa ng antay kaya ginagabi.”
Madalas rin nasusubok ang haba ng kanyang pasensya lalo na sa mga taong abala sa pakikipag-usap habang naglalakad sa prusisyon.
“Karamihan, dapat nagrorosaryo, eh hindi. Ang iba daldalan lang nang daldalan eh,” ani Tatay Rody, “…may makitang kapansin-pansin, pag-uusapan na [nila].”
Ang noon at ngayon
Sa mga nakalipas na taon, marami na rin daw ang mga pagbabago sa nasabing tradisyon. Ayon sa kanya, mas dumami raw ang mga nagpuprusisyon ngayon kumpara dati dahil karamihan ay gustong samahan ang kani-kanilang santong pinaniniwalaan.
Ngunit sa kabila ng dumaming bilang ng mga matatandang sumasama sa prusisyon tuwing Biyernes Santo, ay isang malaking hamon pa rin ang paghikayat sa mga kabataan na sumama sa panata.
“Panatilihin sanang nananalig sa Taas. Huwag nilang pabayaan ang kanilang sarili na mahulog sa masama,” pakiusap ni Tatay Rody.
Ang pinagmumulan ng kanyang lakas
Ang nag-uudyok kay Tatay Rody na ipagpatuloy ang kanyang pagbabagtas tuwing Semana Santa ay ang epekto raw ng pagpapanata sa kanyang mga karamdaman.
“Kung may sakit sa katawan mo, medyo nawawala-wala,” kwento nya.
Maraming beses mang nasubok ang dedikasyon ni Tatay Rody sa pagpuprusisyon ay ipinagpapasalangit nalang raw niya ang kanyang mga hinaing. Hindi raw ni minsan sumagi sa kanyang isip na tigilan ang pagpuprusisyon.
“Masarap magsakripisyo,” sambit niya habang nakangiti, “kasi ang pagpuprusisyon ay pagsasakripisyo at pagsasampalataya sa Diyos.”